kwan. ano. yon. yeh!

Sa pagbabalik ko…Bago na ako.

Saturday, June 19, 2010

Miss me? Ako kasi na-miss kita.

Bigla akong nawala kasi…pa’no ko ba ipapaliwanag ‘to? Bali parang ganito: Bigla akong biniro ng tadhana, isang biro na hindi ko alam kung bakit kailangan ganun ang biro sa akin. Bago pa noong birthday ko—maraming salamat nga pala ulit sa mga bumati—malungkot na ako. Naliligaw na. Nawawala.

Bigla akong nawala kinabukasan pagkatapos ng birthday ko kasi, bukod sa kabi-kabilang shooting, hindi ko na kinaya ang dala-dala kong baul ng ebak at ayaw kong madamay pa ang blog kong ‘to sa mga kadramahan ng buhay ko bilang hari ng sablay. Tama na ‘yung sarilinin ko ‘yung lungkot at kayamanan ko; at ayoko kasing maging sobrang lungkot ng blog ko. Kawawa naman ‘to kapag gano’n.

Madrama akong tao at, sa tingin ko lang naman, wala namang taong gustong makarinig ng kadramahan ng isang artistang tulad ko, kaya madalas, sinasarili ko talaga, lalo kapag sobrang negatibo. Mabigat sa akin kung mandadamay pa ako ng iba sa kanegatibuhan na nangyayari sa precious life ko. Pero kung yayayain mo akong mag-Enchanted Kingdom para magkwento ng kaemohan ko, papayag ako.

Natatandaan mo ba ‘yung isang entry ko tungkol sa “sobrang saya tapos biglang sobrang lungkot”? Ganun kasi ang nangyari. Ang hirap gilingin sa dibdib ng ganoong sitwasyon. Kumbaga, nandyan na sa harapan mo ang malutong, mabango, bagong luto, at katakam-takam na lechon baboy, at kapit na kapit na sa bawat buhok ng ilong mo ang kasarapan ng bawat sentimetro nito, tapos biglang ilalayo at sasabihin sa’yo ng masungit niyong katulong—na kinakalantari ng drayber ng kapitbahay niyo, “Oops! Di ‘yan pwede sa’yo dong. Hangin lang pwede mong papaken.”

My gulay!

Kaya eto ako ngayon: tinatapos ang Sudoku; pinupuno ang crossword puzzle; binubuo ang rubik’s cube; at pinapatay ang mga Zombies gamit ang mga Peashooter. Kapag natapos ko na ang mga ‘yan, siguro, magba-blog na ulit ako. Pero hindi ko alam kung aabutin ba ng buwan o linggo o araw o kapag hindi na si Noynoy ang pangulo ng bansa bago ako magbalik sa blog kong ‘to. Marahil depende sa sinasabi ng mga bituin ni Madam Rosa ang magiging basehan.

Isa lang ang sure Ms. Kris, babalik pa rin ako sa blogging. At konting renovation na rin todits. Mahirap dahil hindi pwedeng galawin ang css nito kaya dapat maganda ang background at konting linis sa sidebar/s para hindi crowded.

May tumblr ako na pwede mo ring bisitahin. Add mo na rin ako sa facebook ko dahil nagpo-post ako ng mga nakakalokong pictures at walang kwentang notes na pwede mong gawing libangan habang binabasa mo nang nakapatiwarik. Matakaw din ako sa kowts.

Ang tanong:
Ayos na ba ako sa kasalukuyan?

Basta magbabalik ako at sa pagbabalik ko, bago na ako.

Posted by andoyman at 1:02 pm | permalink | comments[2]