Wala lang: #17
Friday, July 30, 2010“Sa kanyang nakita, mga mata’y napanganga. Tenga’y di makapagsalita sa naririnig na “ooh..” at “aah…”"
Naggigitara ako kanina tapos may ilang himig akong nabuo pero hanggang himig lang, wala pang letra. Di pa kasi ako marunong mag-drums o gumamit ng baril dahil hanggang ngayon, meron pa ring kaming internet connection sa smartbobo sa halip na dapat kaninang mga alas-singko ng hapon, wala na.
Ilang gabi na rin akong puyat at kulang sa tulog kaya birthday (yata) ni ser bukas at di ko lam kung may handaan. Bali, bukas biyernes, birthday niya. Eh bukas ko ipo-post ‘to kaya sa halip na “bukas” e “ngayon” na ang gagamitin kong word. So, ngayon, huwebes.
Wala akong marinig na mga kantayutay galing sa kompoter ko dahil biglaan ba namang may tumunog na “shlak!”, ewan kung sa adapter o sa speaker na mismo noong Linggo. Biglang namatay, ayun, walang sounds. Medyo nakakatuliling tuloy ang katahimikan. Noong isang gabi e ga-lolo sa kabagalan ang net connection pero kahapon, ambilis naman, parang nag-viagra. Lintik na smartbobo yan. Huling beses ko na talagang gagamitin ang smartbobo: magaling lang sa commercial, bobo naman sa serbisyo.
Gustuhin ko mang magpakabit na ng internet connection sa amin, yoko na muna dahil may mga mas uunahin pa ako. May balak kasi akong negosyo pero sikret na muna. Dapat nitong linggo ko paplanuhin pero dahil may nakita akong comics workshop si sir Elbertor, iyon na muna ang uunahin ko kaya sumaya nga ako eh kasi, may direksiyon na akong nakikita sa buhay ko.
Asteg talaga. Biruin mo ang pagkakataon. Bukas, July 30, bali, ngayon nga, Biyernes, ang pinakaunang araw na pinalabas ang Eat Bulaga sa telebisyon sa RPN 9 mahigit tatlumpung taon na ang nakararaan samantalang ito rin ang araw nang pinakahuling palabas ng Wowowee. Napaka-ironic.
Speaking op ironic, kagabi (bali noong isang gabi), nakausap ko ang isa kong kaibigan. Nagpapatulong siya sa, you know, family planning. De joke lang, panliligaw ibig kong sabihin. Ironic ‘no? Ako na puro basted, magbibigay ng payo sa panliligaw??? Pero hindi naman kasi ako tumatanggi sa pagtulong sa iba hanggang alam kong kaya ko at may maibibigay akong tulong kaya medyo naturuan ko naman siya ng mga cheesy line (na sa totoo lang eh nito-nito ko lang natutunan, gayunpaman, para sa akin, ang mga cheesy line e walang kwenta kung walang laman at ang mga cheesy line na [totoo ‘to] sinabi ko sa isang tao noon e hindi ko na masasabi pa sa ibang babae nang may kahulugan kasi iba na yun e) at ilang payo sa panliligaw at pag-ibig. Naks! Pakiramdam ko, pwede na akong magpayo tungkol sa mga pag-i-pag-ibig na yan pero ayoko. Langya. Pero…uhm…kung babayaran ako, pwede na.
At ngayon, wala na kaming internet connection. Pudpod na ang unlisurf. Yey!
Mahirap talagang umubo nang wala kang inuubo pero may ubo ka. Di kaya ng gamot ang ubo ko. Pero mas ok na rin dahil walang plema ang ubo ko. Hirap nga lang talaga ako sa pag-ubo.
Ako ang tipo ng tao na tao talaga. Yeah! Seryoso, kapag nakita ko o napansin ko na may maitutulong ako, tutulong talaga ako sa kaibigan ko, nakita ko man siya ng personal o hindi. Impulse ata tawag dun. Basta ganun ako.
Kaya medyo nagtataka ako kung bakit kailangang gawan ng napakalaking mosaic si Ginang Aquino (sumalangit nawa) na kung hindi ako nagkakamali e abot dalawang milyon ang gastos para sa unang anibersaryo ng kamatayan niya. Napaisip lang ako na kung ang dalawang milyon na yun ay naitulong sa tao, naibahagi sa nangangailangan, nagamit ng mas tama, siguro mas matutuwa pa si Ginang Aquino kasi napunta ang dalawang milyon sa mas makabuluhang bagay (at mas marami ang matutuwa). Wala lang. Opinyon ko lang naman.
Tapos, malaking tax naman ngayon ang idinadahilan ng erpats ni Floyd, Jr. Putek. Ang taong ayaw, maraming dahilan. Letse. Kung anu-anong patutsada at panlalait ang ibinabato ni Floyd, Sr. ke’ Congressman Pacquiao (naks!) samantalang BUMABALIK naman ang lahat ng yon sa kanila. Sana matuloy talaga ang laban nila ni Manny Vilar ng makatikim siya ng pamatay na campaign jingle niya. Nakaligo ka na ba sa dagat ng basura…
Na-elibs ako sa pagiging kalmado ni Pacquiao habang sinasabi na “Kung sa kanila e di nila kayang rumespeto ng ibang tao, tayo, ipakita nating mga Pilipino na kaya nating rumespeto.” Nakanaman talaga! Nakaligo ka na ba sa dagat ng basura…
Naghahanap nga pala ng boypren ang kaibigan kong si yeye. Sa edad niya ngayon, baka kahit bakla e papatulan niya. Hwahehehehehehe. Pis tayo yeye. Hehehehe. Buwan ng wika na pala sa susunod na buwan. Yey!
Ayronnnik: Hindi na ako masaya
Tuesday, July 27, 2010Ironic lang dahil dito ko pa sinasabi ‘yan. I mean, di ko kayang ipagtapat ‘yang laman ngayon ng cardiobox ko sa mga magulang ko, as in face to face ni t’yang amy. *Buntung-hininga*
Seryoso. Hindi na ako masaya sa trabaho ko. Hindi ako regular employee. Under-evaluation pa ako. Pero kelangan, hay, ayusin ang trabaho para manatili. Hindi ko gusto ang ganitong pakiramdam na parang wala kang ibang choice kundi gawin ang mga ganito dahil kelangan ng pamilya mo; inaasahan ka nila dahil panganay ka at, isa pa, mahirap talagang maghanap ng hinayupak na trabaho na ‘yan.
Buti wala pa akong girlfriend. Hehe.
Noong una, oke-oke pa ako sa mga ginagawa ko. Eksaktong anim na buwan na ako kahapon. Ngayon, sa pinakaunang araw para sa second half ko, parang gusto ko nang isuka ‘to dahil, bukod sa hindi ko nagagawa ang talaga gusto ko: ang pagguhit, natatanaw ko mula sa malayo na maaari at malaki ang posibilidad na makulong ako sa sistemang unti-unting um-anaconda sa akin.
Sabi ni madam, gusto nila, ang passion ko e nasa kumpanya. Putek. Hindi ko magagawa ‘yon. Nasa “labas” ang passion ko. Ayokong mapasama sa mga kumpa-kumpanya kasi nakukulong lang ako sa mga batas nila. Ayoko ring magkaroon ng “expectation” sa akin ang ibang tao dahil nape-pressure ako, mabigat na pasanin.
Imagine-in mo noong minsang akala ko e tatanggalin na ako todits sa trabaho ko. Yung itsura ni mama, disappointed, masama ang loob, problemado bigla, at nakakainis sa sarili bilang anak yung itsura niya noong nakita ko. Walang-hiya.
Pero wala akong lakas ng loob na sabihin sa kanila na hindi ko na talaga gusto ang ginagawa ko dito kasi ako nga lang ang inaasahan nila. Malapit nang magtapos ang kapatid ko ngayong October sa Awa ng Diyos, kahit hanggang December sana, nandito pa ako.
Sorry sa sarili ko. Wala talaga akong tiyaga sa ayaw ko. Ako ang tao na pag ayaw, ayaw talaga. Pag gusto, gusto talaga. Matigas ang ulo ko…pero di ang puso.
Hindi na ako masaya dito. At hindi ko alam kung paano sasabihin sa kanila ‘to. Gusto ko pa rin namang tumagal dito para sa kanila, pero hindi ko alam kung paano pa ako tatagal kasi gusto ko na ring umalis. Mas gusto ko ang trabaho na nasa loob ng bahay.
Pakiramdam ko, wala talaga akong kwentang anak.
Tsk. Naiiyak ako.
Elevator Part I
Sunday, July 25, 2010“Ay! Ganun pala ‘yun,” halong pagkamangha at panghihinayang ang kaniyang boses matapos ipakita ng inyong professor kung paano i-solve ang isang problem sa katatapos niyo pa lang na short quiz. “Uy, tama ba’ng sagot mo?”
Medyo dismayado kang sumagot, “Hindi nga e. Muntikan na kung hindi lang do’n sa isang step na ‘yon! Nalimutan ko kasi e. Sayang talaga.”
Agad niyang kinuha ang iyong scratch paper upang tignan kung paano ang ginawa mong solution. “Oo nga. Kulang ka lang ng gano’n. Sayang naman.”
Hindi mo alam kung ilang araw o ilang linggo na ba ang lumipas pagkatapos mong ipakilala ang iyong bestfriend sa iyong kaibigan na si Richard. Pero sa pakiwari mo naman, wala namang nagbago sa pagitan ninyong dalawa dahil ang mga dati niyong nakagawian ay ginagawa niyo pa rin naman sa kasalukuyan. At kahit sabihing hindi na ikaw ang naghahatid sa kaniya sa sakayan ng fx, mukhang wala namang naging epekto iyon sa inyong pagkakaibigan…at closeness.
“Ok class, see you next meeting.” Mabilis na nagsipagtayuan ang buong klase; inunat pa ng iba ang kanilang mga hapong katawan na kagagaling lang sa pagsagot ng surprise quiz na ibinigay ng inyong professor.
“Bes, may assignment ba tayo?” usisa mo sa kanya habang nag-aayos kayo ng gamit.
“Ahm…” nag-isip muna siya ng mga ilang segundo bago sumagot, “Mukhang wala naman. Grabe ‘no? Quiz pa lang ni ser e ang hirap-hirap na. Pa’no pa kaya kapag midterm exam na? Dudugo panigurado ang utak natin.”
“Sinabi mo pa! Wala ka ngang gaanong kakabisaduhin pero hirap ka naman mag-solve. Hay… Ano kaya’ng nakuha natin sa quiz?” Isinara mo ang iyong body bag at isinukbit ito sa iyong balikat habang hinihintay mo siyang matapos sa pag-aayos ng kaniyang gamit.
Nakangiti siyang tumingin sa’yo, “Sana pasado tayo.” Agad kang sumagot nang nakangiti rin, “Pasado ‘yun!”
Napupuno pa rin ng mga kwentuhan at mga tawanan ang buong klase. May ilang estudyanteng nagtatanong sa inyong professor na abala sa pagbubura ng mga isinulat niya sa whiteboard tungkol sa huling lesson na kaniyang itinuro. Muling magpapakita ng isang example ang professor para sa mga nagtatanong upang sila’y maliwanagan at kung nalinawan na, muli niya itong buburahin.
Papalabas na kayo ng klasrum nang makita mo si Richard. “Oo nga pala,” bulong mo sa iyong sarili matapos maalalang si Richard na nga pala ang naghahatid sa iyong bestfriend sa sakayan ng fx. Agad kang nagsuot ng isang ngiting walang laman nang ikaw ang una niyang batiin. Nang lumingon ka sa iyong bestfriend, nakita mong nakatingin din siya sa iyo. Alam mong may gustong iparating ang kaniyang mga titig.
***
Araw-araw, pinipilit mo sa iyong sarili na wala dapat magbago sa inyong dalawa. “Ipinakilala lang naman niya sa akin ang kaibigan niya. Wala naman sigurong kaso ‘yon.” Ito ang mga paulit-ulit na mga salitang ipinapahid mo sa puso mong punung-puno ng pagdududa. Maagap mong pinapagana ang iyong pagiging positibo upang salungatin ang lahat ng negatibo mong nararamdaman: “Kahit nandiyan pa ang Richard na ‘yan e wala namang nagbabago sa nararamdaman ko para sa kaniya. Mahal ko pa rin naman siya…
…
“Pero mahal rin ba niya ako?”
Lagpas sa itinakdang oras nang matapos ang pinakahuli ninyong klase. Gabi at inip na inip ang lahat sa pag-uwi lalo’t nagpa-quiz pa ang inyong professor. Paniguradong gutom na gutom kayong lahat dahil lubos na natrabaho ang inyong mga utak (o mata para sa mga nangopya) sa pagsagot sa mahihirap na tanong na ibinigay ng inyong prof. Tiyak na didiretso sa mga bukas pang kainan o sa mga bilihan ng burger ang ilan sa inyo.
Sanay ka na sa mga ganitong pangyayari. Kasabay mo naman ang “bestfriend” mo kaya kapag nagyaya kang kumain ay paniguradong sasamay siya. Hindi naman kasi siya makaka-hindi sa iyo. Aba! Malakas ka yata sa kaniya! Pero iba ngayon dahil hindi na siya ang madalas mong kasabay sa pag-uwi. Kaya kahit gutom na gutom ka na, titiisin mo na lang ito makarating lang kaagad sa sakayan ng fx.
Kinalabit ka niya at sabay itinuro ang taong naghihintay sa ‘yo sa labas ng klasrum, “Nand’yan na pala si Richard.” Hindi ka na lang umimik. Nagkunwari kang hindi mo siya narinig at patuloy ka lang sa paglalakad hanggang maabot ninyo ang labas ng klasrum.
“O ‘tol! ‘Musta ang quiz?” agad niyang pangangamusta sa iyong bestfriend. Ikaw naman ang sinunod niyang binati, “Hi…Ahm…Pa’no?…Sabay na tayo umuwi.” Nakangiti siya sa iyo at saglit ka ring ngumiti sa kaniya saka tinignan ang iyong bestfriend. May gustong sabihin ang iyong mga titig. Humihiyaw ang iyong mga mata nang tumingin ka sa kaniya: “Ano ba? Hindi ka na naman ba sasabay sa pag-uwi? Iiwanan mo na naman ba ako? Ha??”
Pero alam mong walang magagawa ang pagtitig at pagsigaw ng mga salitang ikaw lang ang nakakarinig kaya ikaw na mismo ang gumawa ng paraan. “O, bes, sabay ka na sa amin. Antagal mo nang hindi ako sinasabayan sa pag-uwi e. Ayos lang naman siguro ‘yon kay Richard. Di ba?” Agad kang lumingon kay Richard at um-oo naman siya.
Bago kayo tuluyang umuwi, nagpaalam kang dadaan muna ng CR at doon na lang sa may elevator niyo siya hihintayin. Pero ang totoo, gusto mo lang talagang itago ang ngiting napakakulit at gustung-gusto nang magmarka sa iyong mukha dahil sa wakas, makakasama mo ulit ang bestfriend mo sa pag-uwi.
***
Hindi mo pa ito nagagawa sa mga ex-girlfriend mo: ang paghihintay ng kahit ilang oras masabayan lang sa pag-uwi. Pero ngayon, magtitiis ka dahil talagang inlab na inlab ka sa kanya.
“Mga walang pakisama!” pabirong pagtatampo mo sa iyong mga barkada matapos nilang tanggihang samahan ka sa paghihintay sa kaniya.
“Sige na, ‘tol. ‘Kaw na lang. Kaya mo ‘yan!” pagpapalakas-loob sa ‘yo ng isa mong kaibigan kasabay ang papaalam nila sa ‘yo.
“Balitaan mo na lang kami kapag basted ka na!” pabirong sabi naman ng isa mo pang kaibigan kasabay ang maagap na paglayo sa ‘yo. Hindi mo siya nahabol kaya malutong na mura na lang ang ibinalik mo. Maya-maya, ikaw na lang mag-isa ang nandoon sa freedom park bukod sa mga ilan pang estudyanteng tumatambay roon. Madilim na ang paligid at wala ka nang nakikitang kaunting sinag ng araw. Unti-unti namang nagsisindihan ang mga ilaw sa buong campus. Pumasok ka sa Annex building at nag-elevator paakyat ng 5th floor. At sa natagpuan mong silya’t lamesa roon ka mag-isang naghintay ng paglabas niya habang inaaliw ang sarili sa pakikinig sa iyong iPod at paglalaro ng PSP.
Tinignan mo ang iyong relos. Ipinasok mo sa iyong bag ang PSP at ibinulsa naman ang iyong earphone saka tumayo’t sumilip sa may pintuan ng kanilang klasrum. Napuna mong hindi pa sila tapos kaya nakatayo kang naghintay. Hindi mo mapigilan ang puso mo sa pananabik sa kanya. Mga ilang minuto pa ang lumipas nang makarinig ka ng mga nagbubunying estudyante (parang mga bilanggong nakatanggap ng kalayaan) dahil natapos na rin sa wakas ang kanilang klase. Nag-abang ka sa may tapat ng pinto at hinintay ang kaniyang pagdating. Nang makita ka ng iyong kaibigan ay itinuro ka niya sa iyong nililigawan subalit napansin mong hindi ito tumingin sa ‘yo.
“O ‘tol. ‘Musta ang quiz?” agad mong bati sa iyong kaibigan nang lumabas sila ng klasrum. Kasabay nila sa paglabas ang ilan pa nilang kaklase na tulad nilang dalawa, exhausted din sa katatapos lang na quiz.
“Anhirap. Grabe.” Nakangiti niyang sagot iyo na tinugunan mo naman ng: “Di bale. Ayos lang ‘yan.” Pagkatapos, siya naman ang iyong binati. “Hi…Ahm…Pa’no…Sabay na tayo umuwi?” Hindi siya sumagot pero nginitian ka. Batid mong para siyang nahihiya sa iyo – at hiling mo na sana ay hindi naiilang – sapagkat hindi makatingin sa iyo nang diretso.
Tumingin siya sa iyong kaibigan at parang may gustong sabihin ang kaniyang mga mata, saka siya nagsalita, “O, bes, sabay ka na sa amin. Antagal mo nang hindi ako sinasabayan sa pag-uwi e. Ayos lang naman siguro ‘yon kay Richard. Di ba?” Nakangiti siyang lumingon sa iyo at agad ka namang um-oo. Bago pa man kayo tuluyang makalayo ng klasrum, nagpaalam siyang dadaan muna ng CR at napag-usapan ninyong sa may elevator niyo na lang siya hihintayin.
Tumungo rin kayong dalawa sa CR pagkaalis niya at napagkwentuhan ninyo ang tungkol sa exam nila. Nag-ayos ka ng iyong sarili at nagpabango. Nang matapos kayo, dumiretso na kayo sa may elevator sa Tech Building at hinintay siya roon.
Kanina mo pa pinipilit isara ang bibig mo tungkol dito ngunit hindi mo talaga maiwasan na muling itanong ‘to sa kaniya. Huminga ka muna nang malalim at bumwelo bago muling nagsalita.
“’Tol. Tapatin mo nga ako. May gusto ka ba talaga sa bestfriend mo?”
Mabagal ka andoyman…
Tuesday, July 20, 2010“Mabagal ka andoyman…”
May kasunod pa ‘yan pero ‘yan lang ang mas gusto kong pagtuunan ng pansin. ‘Yan lang ang mas gusto kong torture-in, kilitiin, at wagwagin. Mabagal daw ako.
Sa dalawampu’t dalawang taong nabubuhay ako sa mundo, hindi pa ako nagkaka-gelpren. Hindi ko pa naranasang landiin ako ng babaeng ka-holding hands ko. Hindi ko pa nararanasang mayakap ang babaeng mahal ko. At hindi ko pa nararanasang makipagtalo sa babaeng mahal ko at pagkatapos, susuyuin ko’t lalambingin.
Hindi naman ako baog, tingin ko. Lalake ako, walang duda. Hindi man ako magaling sa martial arts tulad ni Erik Santos o wala man akong maskels o abs tulad ke Shwar…Schwar…Shar…kay Empoy, kaya ko pa rin namang maipagtanggol ang magiging kapartner ko sa kahit sinong hinayupak na politiko este goons…basta tatakbo lang kami nang mabilis, pwede na.
Sa talambuhay ko, nakailang panliligaw na ang ginawa ko. At sa lahat ng ligaw kong ‘yon, ehem, hindi ako pinalad…
O sige na nga. Lahat ‘yon BASTED.
Pusanggala.
Siguro hindi naman lahat ng klaseng panliligaw nagawa ko na pero marami na akong nagawa para manligaw ng babaeng mahal ko. Marami doon, mas nagmukha akong siraulo. At sa lahat ng ginawa kong panunuyo at pagja-juggle ng mga planeta, walang umubra ni isa.
Oo. Lahat din sila, iniyakan ko. Lahat sila, umasa ako. Lahat sila, naging ang “mundo” ko. Pero lahat din sila, naging mga asteroid na tumama’t nagbigay aguy-aguy sa puso ko. May ilang babae akong niligawan ng ilang beses at sa ilang beses na ‘yon, hindi nagbago ang sagot nila sa akin na “sorry”. Meron ding ilang taon kong niligawan pero pagkatapos ng mga tsokolate, paghahatid-sundo, pagpapangarap, at maraming beses na pagsulat ng pangalan niya sa isipan ko, wala ring nangyari. Na-cremate lang lahat ng pag-ibig na ibinigay ko at inilipad lang ng hangin hanggang infinity and beyond! Yeah!
May ilan na natakot sa akin dahil hindi ko namalayan, naging stalker na pala ako. Imbes na mahulog ang loob sa akin, mas napalayo ko pa. Pero mas masakit talaga do’n e ‘yung natakot mo siya nang hindi sinasadya. Kulang na lang siguro e mag-hire siya ng sniper at ipapatay ako dahil sa takot.
Prangkahan na. Naiirita rin ako kapag iniiwasan ako. Siguro dahil sa fear of rejection na rin kaya ganun. Pero hindi naman talaga dapat ako magreklamo dahil nanliligaw ako. Dapat ako ang gumagawa ng paraan para hindi niya ako iwasan. May ilan lang na talagang ayaw kang bigyan ng pagkakataon…o siguro part lang ng pagsubok nila na sinukuan ko kaagad.
May iba naman na parang ok na pero kapag naglaon, dahil na rin sa mga hindi inaasahang kamalian ko, nababawasan ang “pag-asa” ko para sagutin ako. Madalas din, laging may ibang gusto ‘yung nililigawan ko o may kasabayan din ako sa panliligaw. Mababa pa naman ang self-esteem ko plus may inferiority complex pa ako. Kaya mabuti pa noong hayskul, may mga tagapagpalakas ng loob ko pero nitong college, meron pa rin naman, mas pansin nga lang talaga ‘yung mga panirang kaklase na mang-aasar sa’yo ng “O ano? Basted na?” kasabay ang mapanlibak na tawa samantalang hindi pa nga makasimula-simula sa panliligaw, gusto nang mabasted kaagad. Mga masasarap hambalusin ng baseball bat sa batok habang pinipigaan ng sili sa ilong.
May ilan na hindi pa raw pwede. Ayos lang. Naiintindihan ko naman. Diyan papasok ‘yung “Kaya ko namang maghintay para sa’yo” at susundutan naman niya ng “Sorry talaga ha.” Hindi na lang ako diretsuhing “Panget ka. Di kita type. Imburnal lang ang bagay sa’yo. Hindi ako magkakagusto sa’yo. Neknek mo. *Sabay dirty finger*”
Hindi ko na talaga alam kung nakailang basted na ako pero mahigit sampu na. Ang tantiya ko, naka-trese na siguro akong basted. Naks! Pwede na. Parang nangongolekta lang ako ng basted at pagtanda ko, baka pang-Guinness Book of Record na ang dami ng basted ko. Yey! Mapagkakakitaan ko pa.
May ilan din na hindi ko na niligawan kaya hindi counted sa dami ng basted ko. Hindi ko na niligawan/maligawan kasi siguro, mali ang panahon, maling timing, o naghihintay ako ng tamang pagkakataon o kahit ano pang excuse na pwede mong maisip na kung tutuusin e wala naman talagang tamang panahon o oras, ang mahalaga ay maipaalam mo at maipadama mo sa kanya ang nararamdaman mo “ngayon,” at anuman ang mangyari, walang sisihan. Ang mahalaga, nasabi mo. (Hirap pa rin akong sundin itong huling sinabi ko.)
At pinakamarami ang niligawan ko sa tingin, pinangarap ng gising at ilang minutong panaginip sabay back to reality, natatae na ako.
Noong college ako, may isang babaeng gusto kong ligawan pero halatang wala namang gusto sa akin. Naligawan ko nga siya pero siguro bilang lang sa daliri at hanggang segundo lang. Mas matagal pa ‘yung pag-upo ko sa inidoro kesa sa panliligaw. Pagkatapos ng isang taon na walang communication, para makawala na ako sa nararamdaman ko para sa kanya, tinapos ko ‘yung portrait niya. Hindi naman ganoon kaganda dahil wala naman akong background sa fine arts at kahit sa pamilya namin. Nilagyan ko ng napakaiksing tula nang matapos. Pumunta ako ng iskul. Nakita ko ‘yung isa niyang kaklase at pinaabot ko na lang sa kanya. Nakausap ko siya ng maikli sa ym kinagabihan at nagpasalamat siya kasabay ang pagso-sorry dahil hindi niya raw matutumbasan ‘yung nararamdaman ko para sa kanya. Sumagot ako ng, “Ok lang. Hindi ako nanghihingi. Nagbibigay lang.” Graduate na nga pala siya noong May pa.
Sa lahat ng naranasan ko sa (lintik na) pag-ibig, ang natutunan ko e ‘yung pagmamahal ng pagiging malaya. ‘Yung hindi mo inaari ang taong mahal mo, maging kayo man o hindi. ‘Yung hindi mo siya ikukulong sa hawlang ginawa mo. Iyon. Iyon ang natutunan ko. Gayunpaman, dahil sa lahat din ng pagkabigo ko, mas lumaki ‘yung takot ko na magmahal ulit, ‘yung manligaw ulit kasi parang nakakaloko na kung masasaktan ulit ako. Kumbaga, tama na. Paulit-ulit lang ang resulta eh. Gagawa na lang ako ng commercial pang-LBM.
At “OO”. Tama ka kung sino ka mang nagsabi sa akin. Mabagal nga ako. (Sobrang) Torpe rin. Malapit na ang Christmas! Hwoohoo!
Malaya
Monday, July 19, 2010Marami akong gagawin pero kaya ko pa ring bigyan ng oras ang blog kong ‘to. Siguro dahil mahal ko ‘to o bahagi na ng sistema ng katawan ko na mahirap nang tanggalin kung saka-sakali.
Marami akong nami-miss, di lang tao kundi pati mga gawain. Nami-miss ko ang mundo kung saan malayang nakakapaglakbay ang sarili ko at hindi nakakulong sa isang gawaing dapat mong tapusin para manatili ka sa kinauupuan mo at magkapera, upang may mukha kang maiharap sa mga magulang mo na kumikita ka, para hindi ka mawalan ng respeto sa sarili, para hindi ka maging kahiya-hiya sa tingin ng mapanghusgang mata ng lipunan.
Malaya.
Hindi ko alam kung malaya ako o hindi; kung kinukulong ako ng sistema ng lipunan o ikinukulong ko ang sarili ko. Naguguluhan ako. Nasasakal siguro.
Ikaw, malaya ka ba?
Ang Tipo kong Babae
Thursday, July 15, 2010Excusez-moi monsieur. Dapat kahapon ko pa ito na-post pero dahil sa obvious na walang hiyang dahilan na brown-out/black-out kahapon sapagkat marami ang nagdya-jumper, ayun, nag-short-circuit ang utak ko at nawalan tayo ng kuryente. At sa madidilim na lugar, may mga milagrong nagaganap. Wala lang. Asteg.
Kachorvahan ko si Grayzah kahapon, isang naliligaw na kaluluwa mula sa mundo nina Taguro at naghahanap ng mga kalahi niya sa Shake, Rattle, and Roll. Napagkwentuhan namin ‘yung lablayp ko at naibulalas ko sa kanya ang mga hinanakit ko sa pag-ibig tulad ng hirap na hirap na akong mamili sa mga nagkakagusto sa akin dahil madalas ang habol lang sa akin ay ang ano ko…’yung kwan ko! Yeah!
Paulit-ulit na pinapatugtog ko ngayon ‘yung “My Idea of Heaven” ni Leigh Nash. Langya, may tigyawat ako sa ilong at ayoko pa namang matulog ngayon kahit inaantok na ako. Nalimutan kong ikwento ‘yung tungkol sa isa kong bagong kaopismeyt na noong nakita niya ‘yung kabayo na si Tigershark, ang una niyang napansin e puro split ends daw ang buntot ng kabayo. Napatawa’t napamangha ako dahil sa lahat-lahat ng papansinin e ‘yung split ends pa talaga. Anlupet!
May bagyo pala. “Basyang” ang pangalan ng bagyo. Teka, ano ‘yung ‘A’ na bagyo? Mukhang uulitin ko tuloy basahin ‘yung The Winner Stands Alone ni Coelho dahil nang buksan ko kahapon ang aklat, napawalanghiya ako sa sarili ko dahil hindi ko na matandaan kung nasaang parte na ba ako kaya binabati ko ngayon si KT dahil 2nd anniversary na niya sa blogging. Nakakaamoy ako ng partey-partey. Congrats KT! More kili-kili power sa’yo at sa labslayp mo.
Ano nga ba’ng tipo ko sa babae?
Basta ang pinakaunang requirement e dapat straight at totoo kang babae—hindi ka dapat dating nagmamay-ari ng lawit thing. Eew!
Pagkatapos, simple and wonderful. Mas maganda kung maganda ka pa rin kahit walang make-up o retoke kasi mas naa-appreciate ko ang kagandahan ng isang babae kapag wala siyang mga echebureche o anik-anik sa mukha dahil mas nakikita ko kung babae ba siya o lalakeng nagpapamukhang babae lang. Dapat “proud” siya sa sarili niyang kagandahan.
Hindi importante sa akin ang boobs kung malaki o maliit basta huwag ka lang sobrang payat o sobrang taba. ‘Yung tama lang. Pero minor requirement lang ‘yan na pwedeng balewalain sa hinaharap…dahil wala na akong choice. Mas gusto ko rin ang Pinay kesa sa ibang lahi. Dati, madali akong maakit sa mga babaeng mapuputi at may pagka-singkit na mga mata pero ngayon, ganun pa rin naman. Attraction lang naman, iba pa rin ‘yung talagang nahalina/nagayuma ka sa unang tingin pa lang. At mas maganda pa rin talaga ang mga Pinay. Sabi nila, ang lalake raw e umiibig gamit ang mga mata, at ang mga babae, umiibig gamit ang mga tenga. Eh ang mga bakla at tibo, umiibig sila gamit ang ano nila? Ows?! Talaga?! ‘Yung kwan nila?? Ooh…Bahala ka ng mag-isip.
Mas gusto ko ‘yung malambing parang pusa, na parang bata kung mangulit pero parang nanay kung mag-alala’t mag-asikaso. ‘Yung bigla ka niyang yayakapin, hahalikan, kukulitin, at manlalambing. Palaging nag-aalala sa’yo, kaunting selosa para siya naman ang lalambingin ko, palangiti, at nakakatuwa’t nakakatawa. ‘Yung kahit tahimik lang kami e ayos pa rin sa kanya dahil ang mahalaga, magkasama kami…at nakatitipid sa pamamasyal/date. Di kaso sa akin kung adik ka o may bisyo ka o kung NPA ka man dati o kung anupaman ang nakaraan mo. Ang mahalaga, mahal kita, at hanggang kaya ko, ituturo ko sa’yo ang tamang daan papunta sa aking puso at kapayapaang walang hanggan at puno ng pagmamahalan, o yeah!
Sweet type, rocker girl, kikay, emo girl, fashionista, artista, kahit alin, walang kaso ‘yan. Pero mas gusto ko ‘yung babaeng kilala niya ang kanyang sarili at hindi nagpupumilit na maging ibang tao. ‘Yung mahal niya ang kanyang sarili at mga tao sa kanyang paligid, at siyemps pati ako. ‘Yung mahal ako pero hindi ako ikukulong sa kung anong gusto niya; dahil gusto ko, ganoon din ako sa kanya.
Wala akong pakialam kung anong relihiyon niya at hindi dapat maging isyu ‘yon sa amin. Hindi ko inililimita ang isang tao sa kung anong relihiyon, lahi, estado, natapos, o kulay ng buhok sa kili-kili meron siya kasi hindi naman siya ang lahat ng ‘yon. Pero hopia! Gusto ko siyemps sa babae ‘yung nag-aahit ng hok-bu sa kili-kili niya. ‘Yoko ng parang gubat ‘yung armpit niya na may wildlife nang nakatira. Eew!
Gusto ko ‘yung may pangarap, o alam ang direksiyon ng buhay niya, at may paninindigan…kahit hindi na pulitiko. Pero kahit hindi niya alam ang direksiyon ng buhay niya, ayos lang. Tutulungan ko na lang siya at sasamahang hanapin ‘yung landas na talagang gusto niya. Siya nga lang bahala sa pamasahe.
Faithful. Loyal. Trust. Dapat meron siya ng mga niyan. At dapat minsan e ako naman ang nililibre niya kasi minsan, you know, nagdadaan din naman tayo ng recession kaya ganun. Marunong mabigay-halaga sa mga maliliit at simpleng bagay. Hindi agad-agad nanghuhusga ng ibang tao kahit sabihing attorney o judge pa siya. ‘Yung hindi agad-agad susuko at bibitaw sa akin anuman ang mangyari dahil hindi rin naman ako bibitaw at susuko sa kanya. You and me against the world ang drama, sige kahit against Mars and Jupiter pa.
Sa mata ako unang tumitingin (siyempre!) at nagagayuma sa babae. As in, sa mata talaga ako nama-magnet. Di ko maintindihan pero kapag nagtugma ang aming mga mata, at napuna kong wala naman siyang muta, at may spark akong naramdaman tulad tuwing Bagong Taon at Chinese New Year at Pyro-olympics, kaboom!, ayun na, titibok na ang puso ko’t wala na ‘kong magagawa kundi sundin ito. Uyy, napakanta siya.
Wala akong pakialam kung anong pangalan niya, o kung gaano kahaba ang pangalan niya, o kung maging “Enemy” ang kalalabasan kapag pinag-Flames ang mga pangalan namin. Ang mas mahalaga ay kung sino siya sa likod at labas ng pangalang meron siya. Dapat hindi rin nanlalandi sa ibang lalake kapag naging kami na.
Miss Future Girlfriend, ahay lahabs syuuu. c:
…
..
.
Pero alam ko ring hindi lahat ng pamantayan ko ay masusunod kaya…ayos lang. Mahal pa rin naman kita, miss future girlfriend.
The Cursed Case of Casaibiza
Monday, July 12, 2010Paulit-ulit kong pinanood ang trailer ng Harry Potter 7 dito sa bahay bago ako lumarga papuntang opisina para sa meeting time na 11:00am noong Sabado. Napaisip ako kung ano ang ginawa ko sa loob ng sampung taon at hindi man lang ako nahilig sa Harry Potter. ‘Yung sa The Chamber of Secrets, napanood ko. Di ko nga lang na-gets (mahina kasi ako sa English, yeah!), at pinanood ko lang ‘yun sa pirating vcd dahil uso at mukhang maganda; kasabayan pa nga niyan noon ‘yung The Lord of the Rings na hindi ko rin naintindihan ang istorya bukod sa singsing na sinangla ni Judy Ann sa M. Lhuiller at hindi na niya natubos dahil kay Ogie Alcasid.
Langya. Anganda talaga. Nakakaadik. Bagay kami ni Emma Watson. Maghahabol tuloy ako ng pagpapanood ng pelikula-serye nila. Balak kong makumpleto ang buong set ng 1-6 ng Harry Potter bago man lang mapanood ang pinakahuling bahagi (at gusto ko original kaya mag-iipon ako) sa Nobyembre. Sana hinihithit na lang ang Harry Potter kesa pinapanood.
Hindi ko ma-gets kung bakit madalas kong napapansin ang mga mag-syota kapag naglalakad ako kahit saan katulad noong pumunta ako kahapon ng SM North para bumili ng ice tubig. ‘La lang. Naiinggit lang ako sa mga may ka-partner kasi hindi sila lumalakad mag-isa.
Napapaisip na lang ako kung kelan kaya darating ‘yung kapareha ko na ‘yon. ‘Yung kahit kaming dalawa lang sa madilim na daan ang naglalakad, ayos na sa akin. Tapos konting ngiti, konti pang ngiti, medyo mapanukso na ang ngiti, nagkakalapit na ang mga mukha, sabay may tututok sa amin ng balisong at magsasabi ng holdap. Saka ko ituturo sa holdaper na siya ang may pera at wala ako ni singkong banlag sabay harurot ng takbo. Ipagdadasal ko na lang na hindi sana siya mapahamak.
Planning session ang ipinunta namin sa Antipolo at hindi hinulugang-taktak ng Ajinomoto. Siguro ang pinakamagandang description ng nangyari sa amin e parang retreat tulad noong mga elementary days kung kelan patubo pa lang ang mga sungay at kailangan nang putulin. Maayos naman ang lahat. May mga konting aberya tulad ng may naiwang gamit, o walang electric fan o aircon man lang sa isang kwarto, pero sa lahat-lahat, ayos pa rin naman. Wala nga lang chicks akong nakita.
Nagkaroon ng hindi inaasahang pagbabahagi ng buhay ang bawat isa sa amin sa kalagitnaan ng pagtatawag namin ng espiritu. Kumbaga, mala-Maalaala Mo Kaya ang serye tapos lahat lang kami e nakikinig o nakiki-iyak o umiilag sa mga suntok ni FPJ o may sariling mundo—ako muntik na. Tubigan na ang mga luha sa karamihan sa amin. Pagdating sa akin, kelangan kong ikwento ‘yung maituturing kong lowest point sa buhay ko, halimbawa, walang projects/commercials na ginagawa, o minsan may pimple ako o may 1mm na wrinkle sa noo ko, mga ganon. Eto ‘yung bahagi ng walang kakwenta-kwentang sinabi ko sa aking monologue (hindi saktong ganyan pero ganyan pa rin naman):
“(Buong puso silang nakikinig sa akin) Hindi ko inaasahan na pagsisisihan ko ‘yung naging desisyon ko. Isang gabi, nag-crack ako, hindi ko pa alam. Umiyak ako. Tamad na nga ako sa bahay tapos wala pa akong trabaho. Nakakawala ng respeto sa sarili. Naaawa na ako sa tatay ko kasi sobrang hirap na siya sa pagda-drive tapos nagkaroon pa ng away sa pagitan namin. (Garalgal na ang boses ko at nakikisimpatiya na sila sa akin) Wala man lang akong mapatunayan sa sarili ko. Hirap na hirap na akong maghanap ng asawa (Hagalpak na naman sila sa pagtawa).”
Ang nairason ko na lang sa mga pasundot kong biro e dahil naiiyak na ako kaya ganon. Walang lumabas na luha sa akin dahil doon.
Pagkatapos kumain ng hapunan, na nakadalawang plato ng kanin ulit ako tulad noong pananghalian, nag-swimming session ako kasama ang tatlong kaopismeyts. Hindi dapat ako maliligo pero sumama na rin ako sa kanila dahil napakatagal na panahon na rin bago ako nakapag-swimming. Hindi na lang ako magbi-brief pagkatapos ng swimming kasi pang-sumunod na araw ko na ‘yung brip na baon ko eh. Ayaw naman nila akong pahiramin ng underwear kahit panty man lang.
Ligo-ligo…sardines. Nagawa ko naman ‘yung pinakabasic sa paglangoy: ang paglunod. Seryoso. Muntikan na akong malunod dahil sa pahamak na sign na 5ft. Eh parang 6ft na ‘yung lalim nang pagtapak ko sa pinakahuling baitang. Pahulog na ako’t palunod na nang makahawak ako sa braso ng kasama ko. Kung wala siya ro’n, nakow, baka hinuhuli na ako ni Spongebob dahil akala niya e jellyfish ako. Lumipat kami sa 2ft para sa mga bata pagkatapos magsawa kalalangoy sa 4ft na parang 5ft. Nakipaglaro kami ng mataya-taya sa isang bata. Pusanggala. Anhirap tumakbo sa tubig. Tanggal ang baga ko sa hingal. Umupo ako nang hapong-hapo at sinabihan ang bata, dahil pagod na nga kaming lahat, na mag-isa na lang siyang maglaro ng mataya-taya, walang balikan ng taya dapat. Ayun, hindi na niya itinuloy.
Inuman session ang kasunod at namulutan lang ako. Habang tinutungga nila ang strawberry (ano sa tagalog ang strawberry?) na The Bar, nilalasing ko naman ang sarili ko sa Wilkins. Tapos kwentuhan blah blah blah blah. Naging seryoso ang usapan sa amin habang ‘yung iba e nasa taas at nag-i-spirit of the glass yata. Hindi ko na ikukwento bilang pagrespeto sa kasama ko ang kinuwento niya pero aaminin ko na lagi kong sinisira ang moment dahil panay sundot ako ng kalokohan. Mabuti’t hindi ipinukpok ang bote ng The Bar sa ulo ko.
Kinabukasan, nag-agahan kami tapos itinuloy ang planning blah blah eklat. Picture-picture ang kasunod tapos nagpumilit kaming magpa-picture at makasakay sa kabayo na ang pangalan e Tigershark at dating kasama sa mga karera sa Sta. Ana(?). Si Manong, may peyboritism. Mas malaki ‘yung paglibot ng kasama ko habang nakasakay siya sa kabayo. Ang dahilan lang ni manong e ganon talaga ‘pag maganda. Si manong, kahit mukhang apo na niya sa tuhod ang ka-opismeyt namin, halatang matulis pa rin. Nagbigay kami ng tip bilang pasasalamat dahil walang bayad ‘yung pagsakay naming lahat.
Saka kami umuwi.
Nanakit ang braso’t balikat ko dahil sobrang nabanat sa pagsu-swimming. Mahirap talaga ‘pag retired swimmer ka na. Di nga pala ako marunong lumangoy.
Wala lang: #16
Friday, July 9, 2010Antok na antok na antok na antok na antok na antok na antok na antok na antok na antok na antok na antok na antok na antok na antok na antok (na mabantot ka) na ako.
Well, kapag ganitong antok na antok ako, teka, bakit ba ako antok na antok? Tinatamad pa nga ako eh. Eh pano ba naman kasi, kulang ako sa tulog lalo nitong mga nagdaang gabi dahil may ginagawa at tinatapos ako na ngayon e natapos ko naman at naipasa na. Hihintayin ko na lang na magunaw ang mundo sa 2012. Bigla kong naalala ‘yung opentimecapsule.com kasi anganda ng layunin niya: gagawa ka ng mga artik, tula, sanaysay, o illustration o visual art o vandalism at ipapasa mo sa site at bubuksan ‘yon sa taong 2020…kung may mundo pa noon. Gusto ko ngang gumawa e kaso ‘ala pa akong maisip at bangag pa ako lalo’t gusto ko nang makabili ng drawing tablet kaso puyat pa ako ngayon. Aalis pa naman ako kas-bu. Work outing yata tawag dun.
Naisip ko lang yung mga babaeng magaganda, as in saksakan ng ganda, na siguro hirap na hirap silang makakita ng kapartner sa buhay lalo’t marami ang nagkakagusto sa kanila dahil maganda sila, hindi dahil sa kung sino sila, at pagkatapos, possessive pa ‘yung lalake. Kaya naalala ko tuloy na hindi ko pa pala tapos basahin ‘yung pinakahuling aklat na binili ko: The Winner Stands Alone ni Coelho. Malapit naman na pero baka matagalan pa lalo’t may pinapabasa sa akin ang boss ko na ang title e Blog Rules. Oo, gusto ko ‘yung aklat pero ayoko rin kasi magiging teknikal kung saka-sakali ang blogging ko. Pero bakit ako binigyan nun? Dahil pagba-blog-in na rin niya ako? Nyay. Yoko. Yoko ng napipilitan at napepressure ako kapag nagbablog at yoko mag-english sa blogging.
Eh pano ba naman, walang kwenta ‘yung smartbobo kaya impyernong-banas ako kagabi. Grrrr. Yoko nang alalahanin pa. Basta hindi na ako gagamit ng smart. Ayoko ng parang inuutusan ako na parang wala akong ibang choice kundi sundin ang utos, kumbaga, katumbas sa english word e “command.” Request pwede pa pero command, psssh, ipapakain kita kahit kanino dyan. (Wala akong maisip eh.)
Pero bakit nga kaya ganun? Kasi ‘yung kwan e ano e. Ganun. Kaya pala.
Gusto kong magkaroon ng photoblog pero di ko lam kung magiging ano ang photoblog ko. Ibig kong sabihin e kung ano ang magiging laman. Samahan ko kaya ng kutsinta? Andami ko nang na-like sa tumblr. Patayan sa pagse-save na naman.
Tapos ayun. Ano na’ng sasabihin ko? Pwede bang bumati? Teka: Binabati ko lahat ng kaklase ko at mga kaibigan ko pati mga prof ko. Hindi ko na kayo iisa-isahin dahil andami niyo. Binabati ko rin sina xienah, oliver, yeye, KT, yhel, nel, philline at allan–number 1 fan ako ng loveteam nila, pati mga katrabaho ko dito sa opis (pero tingin ko e hindi naman sila nagbabasa dito), si tenshi, boy dungis abnoy, grayzah, jayzel, sino pa ba? Siguro pati na rin si bret, teejay, hi din ke “the margarita queen”–crush nga pala kita, palibre naman sa’yo minsan. Binabati ko rin ang mga komikero dyan, kilala niyo na kung sinu-sino kayo. Binabati ko lahat ng ka-facebook, ka-tumblr, ka-twitter, ka-deviantart, ka-mental telepathy, kakabukakanapunitanggitna, at ka-ano.
Problema pa rin ang thesis document namin dahil sa preface. Hindi ko rin alam kung ano isusulat ko sa evaluation sheet na ibinigay ng boss namin na ngayon ipapasa, pero ni isa sa aming lahat e wala pang nagfi-fill-up. Bago nga pala sapatos ko, wala lang, kunwari mahalaga. Pers taym ko kasing bumili ng sapatos ko gamit ang pera ko. Mga ilang linggo na rin siguro sa aking ‘to. Nagsusuot ako ng butas na medyas at gutay na rin ‘yung butas na pinapasukan sa sinturon ko.
Wanted: GIRLFRIEND.
Bali, wala naman akong sinasabi talaga. At oo, namiss ko ang blogging.
Pasapak nga!
Para sa'yo
Ang blog na 'to ay...
...tungkol sa mga reklamo, kalokohan, kabaliwan, kaisipan(kung meron man) at kaadikan ng isang taong gusto lang gumawa ng komiks. Maari lamang po na isumbong kaagad ako sa kinauukulan para sa karampatan mong parusa.
v(o",o)v
Let's help Rumicah
Halughugin
Istambayan
Amaranth
Badoodles
Bo Sanchez
Coelho
Facebuko
Gang Badoy
Ms. Janet
Direk Joey
Heckler
J. Gi Federizo
KT
Ms. Lea
Maldito
Maria Ressa
Oliver
Roanne
Ronibats
Saab
Xienah
Yeye
Yhel
Komikeros
Carlo Vergara
Elbert Or
FlipGeeks
Fan Boy
Gerry Alanguilan
Hazel Manzano
KC Cordero
Kikomachine Komix
Komikon
Neil Gaiman
Planet Markus
Scott McCloud
Tabi-po
Trese Komix
Kahit Anos
Antipinoy
Bibongpinoy
Happy Slip
Lourd de Veyra
Polite Dissent
Mga bawal basahin
Order Andoyman Komiks!

Para um-order, mag-iwan lang ng mensahe sa aking email: andoyman@gmail.com na gusto mong um-order.
Maaari mo ring basahin ang review ni sir KC Cordero sa aking komiks sa link na ito.
Para sa karagdagang impormasyon, paki-click ang link na ito.
Bulols
- nica: like ko lhat un.......
- Kry-tawa: hahaha!!! astig!...
- andoyman: in-update ko na rin links ko ms gi :) wala...
- andoyman: ahahaha tama! yaka ko 'to!...
- J.Gi Federizo: Pero short story written in prose ito. 'Yon, iba naman...
- J.Gi Federizo: Di pa ako nakakapunta sa ganyan. Lagi na lang sinasabi...
- andoyman: waaaaa salamat ms gi! hahaha ikaw pa lang ang unang...
- J.Gi Federizo: Natuwa naman ako d'yan :) Na-miss ko tuloy 'yung mga...
- J.Gi Federizo: Naks naman, lumalalim-effect!!! ;p Pero tama ang mga sinabi at...
- bakit: da pak! same with the first comment. im looking on...
Ano???
Bodega
- July 2011
- June 2011
- May 2011
- April 2011
- March 2011
- February 2011
- January 2011
- December 2010
- November 2010
- October 2010
- September 2010
- August 2010
- July 2010
- June 2010
- May 2010
- April 2010
- March 2010
- February 2010
- January 2010
- December 2009
- November 2009
- October 2009
- September 2009
- August 2009
- July 2009
- June 2009
- May 2009
- April 2009
- January 2009
- December 2008


