kwan. ano. yon. yeh!

The Cursed Case of Casaibiza

Monday, July 12, 2010

Paulit-ulit kong pinanood ang trailer ng Harry Potter 7 dito sa bahay bago ako lumarga papuntang opisina para sa meeting time na 11:00am noong Sabado. Napaisip ako kung ano ang ginawa ko sa loob ng sampung taon at hindi man lang ako nahilig sa Harry Potter. ‘Yung sa The Chamber of Secrets, napanood ko. Di ko nga lang na-gets (mahina kasi ako sa English, yeah!), at pinanood ko lang ‘yun sa pirating vcd dahil uso at mukhang maganda; kasabayan pa nga niyan noon ‘yung The Lord of the Rings na hindi ko rin naintindihan ang istorya bukod sa singsing na sinangla ni Judy Ann sa M. Lhuiller at hindi na niya natubos dahil kay Ogie Alcasid.

Langya. Anganda talaga. Nakakaadik. Bagay kami ni Emma Watson. Maghahabol tuloy ako ng pagpapanood ng pelikula-serye nila. Balak kong makumpleto ang buong set ng 1-6 ng Harry Potter bago man lang mapanood ang pinakahuling bahagi (at gusto ko original kaya mag-iipon ako) sa Nobyembre. Sana hinihithit na lang ang Harry Potter kesa pinapanood.

Hindi ko ma-gets kung bakit madalas kong napapansin ang mga mag-syota kapag naglalakad ako kahit saan katulad noong pumunta ako kahapon ng SM North para bumili ng ice tubig. ‘La lang. Naiinggit lang ako sa mga may ka-partner kasi hindi sila lumalakad mag-isa.

Napapaisip na lang ako kung kelan kaya darating ‘yung kapareha ko na ‘yon. ‘Yung kahit kaming dalawa lang sa madilim na daan ang naglalakad, ayos na sa akin. Tapos konting ngiti, konti pang ngiti, medyo mapanukso na ang ngiti, nagkakalapit na ang mga mukha, sabay may tututok sa amin ng balisong at magsasabi ng holdap. Saka ko ituturo sa holdaper na siya ang may pera at wala ako ni singkong banlag sabay harurot ng takbo. Ipagdadasal ko na lang na hindi sana siya mapahamak.

Planning session ang ipinunta namin sa Antipolo at hindi hinulugang-taktak ng Ajinomoto. Siguro ang pinakamagandang description ng nangyari sa amin e parang retreat tulad noong mga elementary days kung kelan patubo pa lang ang mga sungay at kailangan nang putulin. Maayos naman ang lahat. May mga konting aberya tulad ng may naiwang gamit, o walang electric fan o aircon man lang sa isang kwarto, pero sa lahat-lahat, ayos pa rin naman. Wala nga lang chicks akong nakita.

Nagkaroon ng hindi inaasahang pagbabahagi ng buhay ang bawat isa sa amin sa kalagitnaan ng pagtatawag namin ng espiritu. Kumbaga, mala-Maalaala Mo Kaya ang serye tapos lahat lang kami e nakikinig o nakiki-iyak o umiilag sa mga suntok ni FPJ o may sariling mundo—ako muntik na. Tubigan na ang mga luha sa karamihan sa amin. Pagdating sa akin, kelangan kong ikwento ‘yung maituturing kong lowest point sa buhay ko, halimbawa, walang projects/commercials na ginagawa, o minsan may pimple ako o may 1mm na wrinkle sa noo ko, mga ganon. Eto ‘yung bahagi ng walang kakwenta-kwentang sinabi ko sa aking monologue (hindi saktong ganyan pero ganyan pa rin naman):

“(Buong puso silang nakikinig sa akin) Hindi ko inaasahan na pagsisisihan ko ‘yung naging desisyon ko. Isang gabi, nag-crack ako, hindi ko pa alam. Umiyak ako. Tamad na nga ako sa bahay tapos wala pa akong trabaho. Nakakawala ng respeto sa sarili. Naaawa na ako sa tatay ko kasi sobrang hirap na siya sa pagda-drive tapos nagkaroon pa ng away sa pagitan namin. (Garalgal na ang boses ko at nakikisimpatiya na sila sa akin) Wala man lang akong mapatunayan sa sarili ko. Hirap na hirap na akong maghanap ng asawa (Hagalpak na naman sila sa pagtawa).”

Ang nairason ko na lang sa mga pasundot kong biro e dahil naiiyak na ako kaya ganon. Walang lumabas na luha sa akin dahil doon.

Pagkatapos kumain ng hapunan, na nakadalawang plato ng kanin ulit ako tulad noong pananghalian, nag-swimming session ako kasama ang tatlong kaopismeyts. Hindi dapat ako maliligo pero sumama na rin ako sa kanila dahil napakatagal na panahon na rin bago ako nakapag-swimming. Hindi na lang ako magbi-brief pagkatapos ng swimming kasi pang-sumunod na araw ko na ‘yung brip na baon ko eh. Ayaw naman nila akong pahiramin ng underwear kahit panty man lang.

Ligo-ligo…sardines. Nagawa ko naman ‘yung pinakabasic sa paglangoy: ang paglunod. Seryoso. Muntikan na akong malunod dahil sa pahamak na sign na 5ft. Eh parang 6ft na ‘yung lalim nang pagtapak ko sa pinakahuling baitang. Pahulog na ako’t palunod na nang makahawak ako sa braso ng kasama ko. Kung wala siya ro’n, nakow, baka hinuhuli na ako ni Spongebob dahil akala niya e jellyfish ako. Lumipat kami sa 2ft para sa mga bata pagkatapos magsawa kalalangoy sa 4ft na parang 5ft. Nakipaglaro kami ng mataya-taya sa isang bata. Pusanggala. Anhirap tumakbo sa tubig. Tanggal ang baga ko sa hingal. Umupo ako nang hapong-hapo at sinabihan ang bata, dahil pagod na nga kaming lahat, na mag-isa na lang siyang maglaro ng mataya-taya, walang balikan ng taya dapat. Ayun, hindi na niya itinuloy.

Inuman session ang kasunod at namulutan lang ako. Habang tinutungga nila ang strawberry (ano sa tagalog ang strawberry?) na The Bar, nilalasing ko naman ang sarili ko sa Wilkins. Tapos kwentuhan blah blah blah blah. Naging seryoso ang usapan sa amin habang ‘yung iba e nasa taas at nag-i-spirit of the glass yata. Hindi ko na ikukwento bilang pagrespeto sa kasama ko ang kinuwento niya pero aaminin ko na lagi kong sinisira ang moment dahil panay sundot ako ng kalokohan. Mabuti’t hindi ipinukpok ang bote ng The Bar sa ulo ko.

Kinabukasan, nag-agahan kami tapos itinuloy ang planning blah blah eklat. Picture-picture ang kasunod tapos nagpumilit kaming magpa-picture at makasakay sa kabayo na ang pangalan e Tigershark at dating kasama sa mga karera sa Sta. Ana(?). Si Manong, may peyboritism. Mas malaki ‘yung paglibot ng kasama ko habang nakasakay siya sa kabayo. Ang dahilan lang ni manong e ganon talaga ‘pag maganda. Si manong, kahit mukhang apo na niya sa tuhod ang ka-opismeyt namin, halatang matulis pa rin. Nagbigay kami ng tip bilang pasasalamat dahil walang bayad ‘yung pagsakay naming lahat.

Saka kami umuwi.

Nanakit ang braso’t balikat ko dahil sobrang nabanat sa pagsu-swimming. Mahirap talaga ‘pag retired swimmer ka na. Di nga pala ako marunong lumangoy.

Posted by andoyman at 10:34 am | permalink | comments[4]