kwan. ano. yon. yeh!

Zombie

Tuesday, August 31, 2010

pakiramdam ko zombie ako ngayon.

siguro dala ng kulang sa tulog o ng iba pang bagay tulad ng paulit-ulit na ginagawa ko rito sa opis o dahil pressured sa mga ginagawa. di ko pa nasisimulang gawin ang pinakahuling pinapagawa sa akin. bukas na kailangan at mamaya ko palang sisimulan.

siguro kulang lang ako sa bitamina. hindi poten-cee o enervon o viagra, di pa ako gumagamit n’on. bitamina ko ang pagkokomiks. doon nabubuhay ang dugo ko bukod sa kapag nakakakita ako ng maganda. bitamina ko rin pamilya ko, mga kaibigan ko, at mga bagay na kinahihiligan ko tulad ng…ng…tulad mo? bitamina ko si Bro at, weird mang isipin, pati lumilipad na paru-paro sa daan.

siguro dahil walang workshop noong sabado kaya ako zombie ngayon.

hindi ako gaano makapag-isip. naiinis pa ako sa walang hiyang printer na ‘to at kanina pa ayaw mag-print. mabagal pa ang gamit kong computer at marami pa akong gagawin tulad ng blog designing para sa apat na kumpanya. last day naman ng isa kong katrabaho. argh. buwang talaga ako ngayon.

zombie!

plants vs zombies! hindi ko pa natatapos ‘yan. wag ka mag-alala. hindi talaga ako updated sa mga bagong laro sa bawat buwan. naiwan pa rin ang utak ko sa ragnarok at kung saka-sakali, iyon pa rin ang lalaruin ko.

gusto ko ng umuwi. sweldo day ngayon. simula na ng pasko season kasbu.

kulang na ako sa pagkokomiks. gusto ko ring bumili ng sherlock holmes na aklat. may nakita ako nun dati, dalawang book. mas gusto ko kasing binabasa at nasasalat iyon sa papel kaysa binabasa sa monitor. pero hindi pa ako makakabili kahit ‘yung binabalak kong harry potter series.

makapanood pa kaya ng kapatid ko ng ‘despicable me’? iba-budget ko pa ang sahod ko ngayon.

argh. zombie rin ‘tong post ko.

Posted by andoyman at 11:32 am | permalink | comments[2]

Isang mabilisan

Monday, August 30, 2010

Andaming nangyari. Pero hindi ko alam ang sasabihin ko.

> Na-hack ang fb account ko at kung hindi agad tinext sa akin ni Bikoman, nakow, mas malaking gulo ang mangyayari. Tantya ko, mga 30-15 minutes nagalaw nang walang paalam ang account ko. Alam kong kasalanan ko dahil sa kapabayaan ko pero hindi maarok ng pang-unawa ko kung bakit may mga taong gustong makialam ng account ng iba at magsalita ng mga kabastusan. Mahirap na talaga ngayon. Habang tumatalino ang mga robot at computer, mas nagiging bobo naman ang tao. Pasalamat na lang siya’t di ang kamao ko ang nakipag-usap sa mukha niya. Maraming salamat talaga kay Bikoman!

> Inaamin ko na dahil sa sobrang galit at inis ko, nag-post ako sa fb at tumblr ng picture ng mga estudyanteng nagpa-picture na ang background ay ang bus na ginamit sa pangho-hostage. Dapat hindi na pala ako nag-post ng ganun. I mean, wala namang magagawa kasi kung nag-post ako ng ganun eh. Wala namang mabuting maiaambag iyon sa nangyari.

>Sana bago manisi ng iba, sinisi muna ang sarili nang walang nagtuturuan. Pagkatapos, matuto sa pagkakamali at mag-move on.

> Busy ako sa opis. Mas busy kaysa dati sapat para di ako makapag-fb at tumblr. Lalo nitong nagdaang linggo. Inaasahan ko pa naman din ang workshop noong Sabado pero noong Biyernes pa lang, nag-text na si Sir Elbert na wala muna. Medyo nanghina ako pero naisip ko na ayos na rin para makapagpahinga ako upang makabawi sa ilang gabing kaunti lang ang oras ng tulog ko.

> Kaso wala naman akong nagawa para sa pagkokomiks ko. Wala akong nasulat o naguhit. Kaunting pagguhit, kumbaga praktis, meron. Bali, naguguluhan din kasi ako dahil dalawang istorya ang nasa isipan ko habang may naka-pending din sa likod ng utak ko. Binalak ko ring gumawa ng istorya para sa Saranggola Writing Contest (basta ganun) pero hindi ko malilok ang idea na nasa utak ko kasi nagkabuhol-buhol na. Pero sa wakas, ngayong araw, natapos ko na rin ang plot para sa isang ginagawa kong kwento para sa workshop. Habang ang isa naman, patapos na ang revision ng script. Naks! Hopefully, ngayong linggo, makakapagsimula na akong makapagguhit ng komiks.

> May girlfriend na pala ‘yung isa kong kaibigan. Nagulat ako kasi noong college, wala naman siyang nililigawan. Hehe. Asteg.

> Paki-like naman ‘to: http://www.facebook.com/video/video.php?v=110075619050206 Para kasi ‘yan sa midterm exam nila.

> Natapos ko nang panoorin ang tatlong episodes ng Sherlock. Ibinigay ni Sir Elbert ang tatlong episodes na ‘to para panoorin naming workshoppers. Isa pa, investigative/mystery kasi ang kwento ng sa akin kaya siguradong marami akong mapupulot na tips sa palabas. At higit sa lahat, talagang sakto talaga, ito ang isa sa pinakapaborito kong kwento at character, si Sherlock Holmes. Binabasa ko lang ang e-book niyan noong nag-o-OJT ako kasi wala naman akong ginagawa. Nakakatuwa dahil tuwing lalabas ako ng opis, sinusubukan kong gawin din ang deduction na ginagawa niya. Feeling Sherlock Holmes ako. Haha.

> Sa mahigit isang taong halos wala akong balita sa mga nakasama kong RADdicts, nagulat na lang ako noong isang araw tungkol sa mga nangyari at kung paano parang nabuwag ang grupo. Nakakalungkot kasi isang beses lang nangyari ang lahat. Nakakatuwa dahil naranasan ko ang ganoon. Nakakapanghinayang kasi hindi nagtagal. Nakakainis, ang init. Teka, itatapat ko lang ‘yung isang electric fan sa akin.

> Ang takbo ng isip ko ngayon kapag may nakikita akong babaeng type ko e ganito: Isang mahabang lovestory naming dalawa ang mabubuo agad sa isipan ko habang lilinga-linga ako sa kanya. Pagkatapos, saka ko maiisip na, di bale, marami pa naman diyang iba. Makakapaghintay ‘yan. 

> At pumapasok din sa isipan ko na huwag na ‘lang akong maghanap ng magiging asawa ko. Kumbaga, asawahin ko na lang ang pagkokomiks. Haha. Kahit dati naman, naiisip ko na ‘to.

> Marami pang nasa isip ko pero nalimutan ko nang magsulat na ako.

> Nagkaroon kami ng parang reunion kasi birthay ni gori. Nandoon si polio, si dugo, si fetus, at si hit. Si boldyak lang ang wala. Hindi rin ako gaano nagtagal kasi may pasok pa ako noon kinabukasan. Natutuwa lang talaga ako dahil hanggang ngayon, magkakaibigan pa rin kami.

Posted by andoyman at 9:13 pm | permalink | Add comment

The Failure Filipino Pride by Antipinoy.com

Saturday, August 28, 2010

The Manila Hostage Crisis has been recognized as one of the greatest mistakes of our Filipino leadership and our culture. It has shown right to the world how defective our culture and system are, right from the hostage taker and his family to the policemen in their bungled rescue attempt. Filipinos and foreigners have been sobered and saddened by the events. Many are saying that it has exposed various wrongs in our system, and various international analysts have commented, correctly, on what has happened.

Now one of the worst reactions that Filipinos have is to say, “We are still proud to be Filipinos in spite of what happened! Mabuhay ang Pilipinas!” (side comment: yeah, ‘in spite of,’ Filipinos tend to spite other nations). Some Filipinos see it as a rightful action to save our image. It even seems that we are the only nation to use this kind of reaction. We try to remain a proud race despite another country’s people being killed on our territory.

My colleague here in AP Benign0 believes that Filipinos have to be shamed in order to realize their mistakes and change. This hostage crisis should have served as such an event. However, it seems that many Filipinos have immunized themselves against shame and instead tried to cover it up with trying to recover what’s left of their “pride.”

The problem is that proclaiming Filipino pride at this point is very wrong to do. From the Chinese point of view, statements of Filipino pride right now only serve to further degrade our already damaged image to the world. It is especially embarrassing now that Chinese are angered not only at the event, but at PNoy’s “smiling” visage and the pictures of disrespectful souvenir takers (a nice word is camwhores) circulating around the Net.

Saying that we’re still proud is seen as an act of arrogance, especially in the eyes of a nation that has been wronged by one of ours…

Read more…

Posted by andoyman at 11:33 am | permalink | Add comment

Se ying diu sau by Bob Ong

Thursday, August 26, 2010
by Bob Ong on Wednesday, August 25, 2010 at 9:16pm
 
“Bob, ano ang masasabi mo sa Manila hostage-taking?”

Pagkatapos ng dalawang araw, nasabi na ang lahat na pwedeng sabihin.  Napuna na ang mga dapat punahin, nabatikos ang mga dapat batikusin, at isa-isa nang sinisibak ngayon ang mga (i)responsableng tao na malamang ay pinagsawaan na ring sabunin.

Kung may dapat mang malaman pa ang mga Pilipino, yun ay ang kung ano ang pwede nating gawin ngayon.

-  Ipagdasal ang mga casualty, survivor, ang mga opisyal na nasibak sa pwesto, ang presidente, ang bansa, ang mga Pilipino…pwede.

-  Iwasang magpasa ng mga maling impormasyon o photoshopped na litrato at edited na video,  at tawagin ang pansin ng mga taong mahilig magkalat ng maling balita tungkol sa insidente…pwede.

-  Lawakan ang pang-unawa at maging mahinahon kung makikipagpalitan ng opinyon sa ibang nasyonalidad sa Internet tungkol sa insidente…pwede.

-  Maging mas responsable sa pagbabalita at sa paraan ng pagkuha nito…pwede.

-  Suportahan ang mga hakbang na gagawin ng pamahalaan para maituwid ang mga pagkukulang sa nangyaring insidente…pwede.

Panagutin natin at turuan ang mga palpak na opisyal.  Pero pagkatapos noon, matuto tayong magpatawad at umabante.  Hindi makakatulong na maliitin pa lalo ng Pilipino ang sarili nya.  Kung mambabato man ng insulto ang mga taga-ibang bansa para sa pangkalahatan ng mga Pilipino; kapintasan na yon sa asal nila, hindi satin.

Kung may dapat mang mas kondenahin ngayon, yun ay ang mga usisero na kating-kating makadikit sa bus na para bagang milagro itong makakagaling ng mga sakit.  May naisip akong magandang gawin sa kanila pero labag sa karapatang pantao, kaya hindi ko na lang imumungkahi.

Sa parehong paraan na nakikinabang tayo sa karangalan na naibibigay ng paisa-isang Pilipino, ganoon din ito mababawi sa atin ng isang Pilipino na tulad nito. Pero mahalagang malaman ng Pinoy na hindi lang sa mga balita at ilang indibidwal nakasalalay ang pangalan ng bansa, dahil ang bawat Pilipino ay imahe ng Pilipinas…tao man itong may mukha o isang simpleng mensahe na binitiwan sa Internet.
.
.
.

Sana lahat ng tao katulad ni Jackie Chan mag-isip, at lahat ng action star katulad nya gumawa ng stunt.

(Wag mo na pakialaman ang title, paborito kong pelikula yan ni Jackie Chan.)

Posted by andoyman at 1:19 pm | permalink | Add comment

23

Monday, August 23, 2010

Si Michael Jordan ang unang pumapasok sa aking isipan kapag number 23 ang pinag-uusapan. Hindi natin alam, at nalaman ko lang, na ang number na ito ang ikalimang Eisenstein prime na walang imaginary at real part para sa form na 3n-1, na sinasabi naman ng iba na ang karamihan sa mahahalagang event o mga nangyayaring aksidente ay may kaugnayan, sa kahit anong paraan, sa number 23.

Psalm 23 o Shepherd Psalm ang pinakasikat na i-quote na chapter mula sa Bible. Samantala, ang pag-divide ng 2 sa 3 ay magreresulta sa 0.666 o, katulad sa paniniwala, ang marka ng demonyo. Twenty-three din ang resulta kapag pinag-add mo ang 8 at 15 na oras ng pagbagsak ng bomba sa Hiroshima. 23 years naman ang nagdaan muna bago ma-revealed kay Muhammad ang Qur’an. At ganito rin ang title ng action tv series ni Jack Bauer…kung manonood ka sa piratang dvd.

Ang hindi alam ng lahat, mahigit dalawampu’t tatlong taon na ang nakakaraan, may isang babae mula sa Cotabato ang hinulaan ng isang matanda na pagtapak na pagtapak niya sa Maynila ay mag-aasawa siya. At nangyari nga ang hula ng matanda dahil nagpakasal ang babae sa lalakeng nakilala niya sa Maynila saktong 23 taon na ang nakakaraan. Isang taon ang lumipas pagkatapos nilang magpakasal, isinilang ang pinaka-artistahing lalake sa buong universe at underverse hanggang sa ibang dimension.

HAPPY 23RD WEDDING ANNIVERSARY SA MGA MAGULANG KO!!!

Beinte-tres na taon na rin ang edad ng aming palanggana. Hehe. Mas matanda pa sa akin.

 

P.S. 

Hap-pey birthday kay Ate Roanne!!! Wiiiiii!! Manlilibre ‘yan pagbalik todits sa Pinas. Hahaha!

Posted by andoyman at 2:28 pm | permalink | comments[2]

Makasariling anak

Saturday, August 21, 2010

Sa kabila ng pangarap ko, hindi ko napansing naging makasarili ako sa pamilya ko. Hindi ako nasanay na ipadama sa kanila na mahal ko sila. Hindi ako nasanay na ipakitang alam ko ang pagmamalasakit nila sa amin. Naging malayo ako sa kanila at, siguro, dala na rin ng mga naghalu-halong bagay na nag-udyok sa akin para maging duwag, wala akong ginawang malaking hakbang para mapalapit sa kanila.

Sa pag-uusap namin ng nanay ko, nalaman ko kung gaano ako naging hindi mabuting anak sa kanila, mga pagkukulang ng isang anak sa magulang na hindi ko nakita noon; may nakita man ako, hindi ganoon kalawak. Lagi akong nasa mundo ko. Hindi nila alam ang damdamin ko, ang mga hinaing sa buhay, mga problema, mga bagay na magsasabi kung naging sino ako kasi hindi ko hinayaang buksan ang puso ko sa kanila.

Hindi ko ginustong maging malayo sa kanila pero ganoon ang nangyari na hinayaan ko lang.

Anak ako. Nagkakamali. Siguro sapat na ang ilang taong naging malayo ako sa kanila kahit naging mahaba iyon. Kaya siguro naging ganoon ang lahat at nangyari ang di pagkakaunawaan sa amin ng nanay ko ay para sabihin sa akin ni Bro na panahon na upang magbago ako bilang anak nila bago mahuli ang lahat. Nag-iisa lang sila at hindi na pwedeng palitan tulad ng toothbrush, o pumili ng bago tulad ng housing ng cellphone. Isang beses lang sila sa buhay ng anak. Kumbaga, eto na ‘to, panahon ko na para ipakita na mahal ko talaga sila, panahon na upang bumawi sa mga taong sinayang ko.

Magbabago ako pero alam kong matatagalan. Pero uunti-untiin ko. Anak ako, magulang ko sila, pamilya kami. Anumang tahakin ko sa buhay ko, anumang gusto kong tuparin sa buhay ko, sinuman ang mapangasawa ko, saanman ako magpunta, palaging sila pa rin ang magulang ko at hindi ‘yon magbabago magpalit man ng pangulo ang bansa ng ilang beses.

Posted by andoyman at 12:29 pm | permalink | comments[1]

Guess the title!

Friday, August 20, 2010

Bukas Metro Con pero sand Day 2 ako makakapunta. May workshop kasi ako tuwing sabado at hindi ko pa nagagawa ang assignment namin: paggawa ng plot. Di ko pa rin tapos ang readings na binigay ni Sir Elbert.

Mabuti pa sina Kuya Olive Oil, pa-foodtrip-foodtrip na lang. Dami pera. Mayaman. Haha.

Nasa pangatlong file na ako sa ginagawa ko sa SEO. Bawat file e may 170 na sites na dapat kong submit-an ng article na ika-copy&paste ko. Malamig sa labas. Nagyeyelo. Puro snow.

Di ko pa nagagawa ‘yung isang raket ko e sa 24 na kelangan ng estudyante. Hmm.

Di muna ako magbubukas ng tumblr kasi…marami pa akong hindi nase-save at mag-i-stock lang dun.

Gusto ko lang magsalita. Pabayaan niyo na ako.

Tipid-tipid talaga ako ngayon sa pera kasi may balak akong gawin. Ilang araw na akong hindi nakakapagguhit. Nakakamiss na.

Wala lang.

May nagtapat sa akin kanina. Mahal daw niya ako noon pa. Joke. Inilabas lang niya ang nasa kalooban niya: hindi na siya masaya. Hindi sa buhay kundi sa trabaho niya. Parehas lang kami. Tinatiyaga ko na lang.

Langya. Pag nakahanap talaga ako ng trabaho na magdodrawing lang ako buong araw, tatanggapin ko kaagad ‘yun. Ayoko ng graphic designer. Basta ayoko.

Si yeye, nag-e-emo. Si xienah, wala na akong balita. Nagpa-sex change na siguro. Haha. Wala akong ka-text. Ayos lang at mas gusto ko ang ganun.

May di pagkakaunawaan kami ng nanay ko at dahilan ‘yun ng isang linggong kalungkutan ko, isang linggong paglalamay. Hay.

Sana makaabot pa ako sa slots sa Komikon para makapaglabas na ako ng komiks. Tapos ko na ang draft script ko. Konting revision na lang tapos edit pa konti tapos drawing na sa papel, sunod pa-scan (hahanap ng sponsor) tapos pa-photocopy. Ganun lang kasimple. Tapusin ko lang ‘tong rakets ko ta’s itutuloy ko na ang paggawa ng komiks ko. Yey.

Tuwing Huwebes, lagi kong inaakala na Biyernes na. Tuwing umaga, gusto ko na kaagad umuwi. Ganun na ako naiinip.

Kikitlin ko na ‘to bago pa ako mahuli. Kung bakit kasi laging 1000 years katagal ang meeting.

Pa-kiss.

Posted by andoyman at 2:32 pm | permalink | comments[2]

As You Inhale by Blue Boys Bites Back

Wednesday, August 18, 2010

MYX<space>VOTE<space>AS YOU INHALE send to 2366.

I-vote natin sila para mag-number-1 sila. Isa sa mga gitarista d’yan e kaklase ko kaya suportahan natin sila. Yeah!

(Bawat boto natin,  tataas ang tsansa na bigyan nila ako ng libreng cd album nila. Haha.)

Posted by andoyman at 7:00 pm | permalink | Add comment

Side A

Sa totoo lang, isa sa hinahangaan kong banda ang Side A at palagi akong nabibilib sa kanila. Noong minsang narinig ko ang kanta nilang “Forevermore”, akala ko dati e kantang-dayuhan. Nagulat ako nang sila pala ang kumanta. Ang pinapatugtog ko tuloy ngayon e “Harana” ng Parokya ni Edgar, ang pinakapaborito kong banda.

Kung i-a-anagram mo ang “Side A”, ang lalabas e “Ideas.” Wala. Gumawa lang ako ng intro para maidikit ko lang basta ang “Ideas” kasi ‘yon naman talaga ang ikukwento ko.

Nabasa ko sa Kikomachine Komix, paano kung merong isang lugar kung saan napupunta ang mga nakalimutan nating concepts, ideas na di nagamit, mga latak na kaalaman kumbaga? Tapos nakapasok ka doon at nag-explore ka ng mga ideas na nandoon. E paano kung di lang pala ikaw ang nandoon at may kaagaw ka sa idea na gusto mo? Sapakan na ‘to!

Sa dami ng naiisip ng tao, mula sa simpleng reklamo tulad ng naiingayan ka sa teacher mo hanggang sa pinakakomplikado tulad ng “Paano nagiging ebak ang pagkain?”, mula sa mga imbensiyon, bagong tuklas, bagong pag-aaral, at pesteng pagsagot ng 10×1 noong bata ka pa, nakamamanghang isiping galing lahat iyon sa utak ng tao.

Ayon sa kalkulasyon ng radioisotopes ng tambay na physicists sa amin, nagpapalit ang tao ng kanyang utak bawat taon (nang hindi mo namamalayan). At araw-araw, meron tayong 60,000 idea na iniisip/naiisip. Ang panget lang, 95% doon ay katulad kahapon.

Kung sakaling magawa mong makaisip ng 60,000 original idea bawat araw, putek, napakagaling na ng utak mo. Napakarami mo nang naisip na bagay mula sa pinakawirdo hanggang sa di-na-kayang-i-process-ng-super-computer-sa-sobrang-napaka-ultimate-weird na ideas. Pero paano nga ba napoproseso ang idea? At pare-pareho ba ang proseso na ‘yon sa bawat tao? Aba’y malay ko. Scientist ba ‘ko?

Sabi ni Sir Elbert noong huling-huling workshop namin, ang idea habang nasa utak natin, nabubuo ‘yan at akala natin, walang butas, walang loopholes, as in, buo talaga pero sa oras na isulat natin ang idea na ‘yon, mapupuna natin ang mga defect, mali, imperfection niyon. Gets?

Mula sa pelikula, soap opera, nobela, maiikling kwento, tula, kanta, sayaw, sining, imbensiyon, innovation sa technology, pang-aasar, lahat ‘yan ay galing sa “idea”. Mga cool, weird, at “ayos lang” na idea, d’yan nabubuo ang mga bagay na kinahihiligan ng tao.

Para sa akin, ang idea ay isang maliit na binhi na kapag naitanim mo nang tama, inalagaan ng tama, pinalaki at pinakain ng tama, inaruga’t minahal, magiging isang napakalaki’t magandang puno na mapapakinabangan mo at ng ibang tao.

Noong thesis namin, napakahirap mag-isip ng idea kung ano ang gagawin naming project para sa lintik na thesis na ‘yan. Kumbaga, kung kelan kailangan mong makaisip ng idea, saka naman wala kang mahagilap, walang maisip. Pang-asar ba. Pero pagdating sa kalokohan, ambilis at andami kaagad ang naiisip. Asteg.

May assignment kami noong huling-huling workshop. Kailangan kaming magbigay ng 50 ideas. Basta idea.

Bali noong una, ayos naman pero di nagtagal, hirap na akong mag-isip. Parang nilapa na ng leon ang utak ko. Ubos na kumbaga. Pero hindi naman ako tumigil mag-isip. Pinilit ko pa rin. Isinama ko na rin ang mga idea na naisip ko noon para may dagdag na kaagad. Pagdating sa workshop, sabi ko ke sir, di umabot ng singkwenta ang sa akin. Sabi niya, since hihintayin pa ang iba na dumating, dagdagan ko pa at kaya ko naman daw.

Pag-upo ko, hindi ko alam kung sa paanong paraan ako na-vortex pero nakaisip agad ako ng 11 na ideas, bale, naka-51 akong ideas at sa loob lang iyon ng ilang minuto! Putek. Namangha ako dahil sunud-sunod ang pag-iisip at pagsusulat ko noon. Parang may kung ano sa lugar na ‘yon na nag-magic sa akin na mag-isip ng idea nang walang humpay. Weird na kung weird. Basta idea.

Heto nga pala ang sampu sa limampung idea mula sa listahan ko:
1.    Paano kung tayo ang binibingwit ng mga isda?
2.    Paano kung papunta ka sa mundo’t panahon nina Ibarra at nagkagusto ka kay Maria Clara?
3.    Paano kung detachable ang parte ng katawan ng tao?
4.    Paano kung pwedeng i-modify ang sarili mo gamit ang computer?
5.    Paano kung may ilog ng pera?
6.    Paano kung maging totoo ang characters sa DOTA at manggulo sa mundo?
7.    Paano kung may “cheat codes” ang buhay? (Ninakaw ko ‘to sa kaklase ko nang hindi niya alam. Sshh)
8.    Paano kung may flash drive na naglalaman ng lahat ng kasagutan sa mundo?
9.    Paano kung bigla na lang may nabasa kang mensahe sa calculator habang nag-e-exam ka?
10.    Adventure ng mga nagsasalitang damit at underwear.

Naisip ko ang number 10 kasi naalala ko ang Cars at Toy Story 3. Isipin mo, biglang magsasalita ang damit mo habang pinaplantsa mo, o ang brip mo habang sinusuot mo. O kaya magrereklamo sa’yo ang bra dahil ano raw. ‘Yon.

O siya. Suminghot ka na nang malakas at malalim at baka makasinghot ka ng isang napakaganda’t walastik na idea.

Antaba ng utak mo!

P.S.
Maligayang kaarawan nga pala kay Sir Larry Alcala. Marahil sa dami po ng utak ninyo e napuno niyo na ng drawings ang pader ng langit. Lagot po kayo kay San Pedro niyan. Hehe.

Posted by andoyman at 10:52 am | permalink | comments[1]

Sana nga

Tuesday, August 17, 2010

sana pinangarap ko na lang maging mayaman kesa mag-komiks habambuhay.

sana hindi ko nalaman na ang “pangarap” ay hindi ang pangarap na “gusto kong yumaman”, “gusto ko ng mansiyon”, “gusto ko ng magarang kotse (na sampu ang gulong)”, “gusto kong sumikat” atpb.

sana naging katulad na lang ako ng karamihang tao na sa pagyaman, pagkakaroon ng mansiyon, pagiging sikat, pagkakaroon ng kotse, pagkakaroon ng hasyenda, o pagkakaroon ng sariling pamilya nakukuha ang kaligayahan. sana hindi ko nalaman na hindi “lang” sa mga iyon nakukuha ang “kaligayahan”.

sana hindi ko na lang nalaman ang mga nalaman ko ngayon.

sana kaya kong lokohin ang puso sa totoong gusto nito.

sana naging katulad na lang ako ng karamihan na maligaya na lang sa paulit-ulit na ginagawa araw-araw sa kanilang buhay.

sana hindi ko na lang pinipilit gawan ng paraan kung paano ko tutuparin ang pangarap ko.

sana mayaman na lang kami para mas madadalian akong tuparin ang pangarap ko.

sana noon pa man, nagtiwala na ako sa puso ko. sana hindi ako nakinig sa pagdududa o kagustuhang-sigurado-ang-lahat-ng-bagay ng utak ko.

sana naging mas matapang ako noon.

sana mas natakot ako sa riyalidad na idinidikta ng karamihan.

sana kaya kong sabihing masaya ako sa trabaho ko, sa ginagawa ko.

sana hindi na lang ako naniniwala sa sinasabi ng puso ko.

sana hindi ako natutong mangarap.

sana hindi na lang ako nangarap.

e di sana, hindi ako nahihirapan ngayon.

hindi dahil gusto kong matupad ang pangarap ko ay makasarili na ako, o hindi ko kayang pahalagahan ang buhay na meron ako ngayon, o hindi ko iniisip o kasama sa “pangarap” ko ang pamilya ko, o wala na akong pakialam sa paligid ko.

nangarap ako kasi ibinigay N’ya sa akin ang kakayahang mangarap at tuparin iyon. at naniniwala ako, na sa dulo ng daang tinatahak ko ngayon (na hindi ko noon tinahak at hindi ko pa rin lubos matahak ngayon) naghihintay ang pinapangarap ko.

sana alam ‘to ng mga mahal ko sa buhay, ng mga taong nakikita ko araw-araw, ng nakararaming Pilipino na mahalaga ang pagtupad sa pangarap kasi biyaya ‘yon, pero karamihan kasi, ipinagsasawalang-bahala na lang iyon at nagsasabi na lang ng “wala eh, ganon talaga ang buhay”. hay…

pasensya, may problema lang ako ngayon at sensitibo kapag “pangarap” na ang pinag-uusapan.

“Reality can destroy the dream; why shouldn’t the dream destroy reality?”

—George Moore

Posted by andoyman at 10:22 am | permalink | comments[1]

Bahay-Kubo

Monday, August 16, 2010

Posted by andoyman at 10:28 am | permalink | Add comment

Kowts

Friday, August 13, 2010

Hindi importante kung sino ka noon; ang mahalaga ay kung sino ka ngayon.

-andoyman

Posted by andoyman at 12:00 pm | permalink | Add comment

I Survived

Thursday, August 12, 2010

Nanonood ka ba ng palabas na I Survived sa channel 2? Ako kasi hindi. Patay na kasi ang tibi sa amin noon. Oras na para matulog…pero gising pa rin ako kahit tulog na silang tatlo: mama ko, daddy ko, at kapatid ko. Ang mga oras na ‘to ako tumitira ng gramu-gramong libag habang nakikipag-tsuk-tsak-an sa mga nilalang na hindi nakikita kasi di ko naman tinitignan. Ito ang mga oras na nakikipag-meeting ako sa kanila, ang oras na kausap ko ang sarili ko. Madalas ang mga pinagmi-meeting-an namin ay hindi ko naman ikukwento ngayon. Ang totoo, ichu-chorva ko lang ang tungkol sa mga near-death experience na naranasan ko sa buhay ko—in short, mga katangahan.

Mas maganda habang binabasa mo ‘to ay may nakatutok na kutsilyo sa teddy bear mo at nakikinig ka ng kantang I Will Survive at pinapasayaw mo ang kasambahay ninyo nang nakapatiwarik. Kumain ka na rin ng pop corn na hindi pa luto para mas masaya…pero straw-hin mo, ha?

Mula sa iskul hanggang sa payak naming mansiyon ay dinig na dinig ang nakakairitang boses ng aming principal. Langya. Naka-megaphone siya habang pinapapila niya nang maayos ang mga pasaway na estudyante. Parang MMDA Enforcer lang na nagtatalak. Field trip kasi noon at ayokong mahuli at mapag-iwanan kapag ganyan dahil naranasan ko na ‘yan. Nauna na akong maligo, kumain ng almusal at nag-ayos ng mga dadalhing gamit/baon para sa educational (kuno) field trip. Nagmamadali ako at hindi ko na magawang hintayin pa ang kapatid ko. Tutal susunod naman siya, nauna na akong umalis.

(Sayang at walang gasolina ang private jetplane namin para makarating sana agad ako sa mahigit-limang-minutong-lakad na layo mula sa amin hanggang iskul kasi wala naman kaming private jetplane kasalukuyang lumilipad iyon. At paano ‘yon lumilipad kung walang gasolina? Imagine-in mo na lang!)

Nagmistula ako noong si The Flash, hindi si Elorde o si Donaire kundi ‘yung superhero, ‘yung kulay pula, pero hindi si Santa Clause. Mabilis lahat ng kilos ko pati utak. Singbilis tulad kapag nagka-cramming ako sa (walang kamatayang) school projects at limang minutong review bago ang (sadistang) exam. Ang iniisip ko lang noon ay makarating sa iskul sa tamang oras at hindi mapag-iwanan ng mga estudyante at sasakyan naming bus. Kasi kapag gano’n, tatawagan ko ang NPA para kidnap-in silang lahat. Bumaba na ako ng hagdan. Naglakad papuntang gate. Lumabas. Tumawid. BOG!

Di ko namalayan na may ala-sports car na bumubusina kanina pa hanggang sa mabunggo na lang ang binti ko, pero hindi naman ako natumba. Parang natapik lang. Kaunting lingon lang ang naisukli ko sa drayber na bumunggo sa akin nagambala ko. Hindi ko alam kung nakapag-sorry pa ako. Pagkatapos, tuluy-tuloy lang ako sa paglalakad, kunwari di ‘yon nangyari. Pero kung sakaling mabilis ang patakbo noon, marahil nag-field trip na ako noon sa langit.

Nakakaloko minsan ang sarili ko dahil biglang kung anu-ano na lang ang naiisip ko. Halimbawa noong pare-refill-an ko lang ang gallon ng tubig namin sa may water refilling station. Habang binabagtas ko ang daan papuntang tarangkahan, pumasok sa isip ko na kung sakaling mamatay ako, mumultuhin ko ang inaanak ko para siya ang magpatuloy sa mga pangarap ko blah blah blah. Paglabas ng gate habang iniisip ko ang mga ganoong bagay, sabay tawid naman ako nang hindi tinitignan ang kaliwa’t kanan ko. Putek. Biglang napahinto at napabusina ang sasakyan ng baranggay dahil may isang lalaking biglaang tumawid sa harapan nila. Napalingon ang mga tao noon sa akin samantalang ako napangiti na lang sa katangahan at ka-absent-minded ko. Ano bang iniisip ko? Ang nasabi ko na lang sa sarili ko.

Mahirap na libangan sakit ang pagiging absent-minded dahil hindi mo nararamdaman ang nasa paligid mo kaya hindi ka agad makakapag-react o makakaiwas o makakasipat ng chicks. Hindi ko na maalala ang eksaktong oras, araw, buwan, at taon kung kelan madalas kusang kumakawala ang diwa sa sarili ko.

Madalas na lumilipad ang isipan ko kapag naglalakad ako, nakasakay ako sa bus/dyip/taxi/kabayo/space shuttle, nag-e-exam, nagtuturo ang prof, nakaupo sa isang sulok, nagrerebyu, nagso-solve, may kausap ako, nanonood ng boring na pelikula, play, o palabas sa tibi, nabuburyong, nagtatrabaho, at tumatae.

Pero bakit kelangang ma-absent-minded sa pag-inom ng tubig na naging dahilan pa ng ikatlong near-death experience ko?

Di ko alam kung absent-minded ako o kasama na rin doon ang katangahan. Basta bumili lang ako ng ice cream sa 7-eleven, pamatid init, at isang litro ng Absolute mineral water. Bumalik ako sa tinutuluyan naming magkaka-thesis groupmate, sa nirerentahang kwarto ng kaklase/ka-groupmate din namin. Nakita ko ang dalawa sa labas na pinipinturahan ang ginawa naming ID tray(na kinaumagahan, nalaman naming ninakaw na pala ng kung sino, pati konting piraso na kahoy, pinatos pa!). Pumasok ako. Umakyat. At inilapag ang bote ng tubig. Nang naubos ko na nag ice cream ko, kinuha ko ang bote ng Absolute at tinungga.

Anak ng putek!!! Hindi pala tubig ang iniinom ko kundi PCB developer (parehas kasing clear)! Salamat sa Diyos at mabuti na lang, ako ang tao na hindi agad lumalagok ng iniinom kundi iniipon ko muna sa loob ng bibig bago lagukin. Eh nakaramdam ako ng biglaang pag-init. Pumasok agad sa isip ko na hindi tubig ang iniinom ko kaya agad kong ibinuga iyon at bumaba para dumuwal, dumura, at pilit na sumuka(pero di ako nasuka).

Para sa iyong kaalaman, nakalalason ang PCB developer at kung sakaling nainom ko ‘yon, maaaring wala na ako. Tuwing naiisip ko ‘yon, natatakot pa rin ako. Hay… Salamat talaga ke Lord at buhay pa ako. Nawalan ako ng panlasa noon ng ilang araw. Mabuti’t gano’n lang.

Tinanong ako ng dalawa kong kasama kung ano ang nangyari at medyo natawa sila nang marinig. Nakwento ko/namin sa mga prof sa aming department ang nangyari sa akin at malakas ang tawa nila.

Kahit ako man ay natatawa na lang kapag naaalala ko ‘yon. Ilang araw pagkatapos nun, may nabalitaan akong isang nursing student na di sadyang nakainom ng formaline at nadeds. Medyo kinilabutan ako dahil naisip ko ulit ang nangyari sa akin. Kung saka-sakali, maaaring naging ganon din ang sa akin. Salamat talaga ke Bro.

Kaya mula noon, bukod sa lagi na akong ingat sa iniinom ko, di na ako bumibili ng Absolute dahil na-trauma na ako. Phobia na rin siguro.

Pero ang pinakamatindi ay noong kinombulsyon ako. Kinagabihan, nagising ang mga magulang ko dahil sumisigaw (yata) ako noon. Ang pakiramdam ko, humihiwalay ako sa katawan ko, lumilipad, at di kontrolado ang sarili. Alam kong nandyan sila at natatakot na. Alam ko rin na nilagyan ako ni Daddy ng kutsara sa bibig para hindi mag-lock ang panga ko at alam ko rin ang sinasabing dasal ni Mama na inuusal ko rin ngunit usal tulad sa isang bata. Tirik daw ang mga mata ko noon at nakadiretso’t magulo’t umiikot ang kamay at paa, parang sinaniban. Samantala, ako naman noon ay parang lumilipad papaitaas hanggang lumabas ako ng mundo at nasa kalawakan na.

Ang sabi nila e makakakita ka ng liwanag, di ba? Ako rin, nakakita. Pero walangya. Hindi ko alam kung bituin din ‘yon o liwanag talaga kasi nga nasa kalawakan ako. Basta ang nakita kong liwanag na gusto kong puntahan ay kulay pula! Putek. Ano kayang nandoon sa pulang liwanag na ‘yon? At bakit kulay pula, hindi puti? Maya-maya, nagpatulong sila kina Kuya Alex, pinsan ko, at kinarga ako patungong sasakyan para dalhin sa ospital. Nang malabas ako sa kwarto ay nasa sarili na ako. Gusto kong matulog noon sa sasakyan pero sabi ng pinsan ko, huwag. Pagdating sa ospital, tarantang binuhat at dinala ako ni Daddy sa pampasyenteng kama at agad na lumapit ang doktor. Nag-blah-blah sila na kesyo ii-scan ang utak ko ek-ek. Pero sa huli, binigyan lang ako ng biogesic.

Pag-uwi, umiiyak ang kapatid ko at pinapakalma siya ng asawa ng pinsan ko. Natulog ako sa pagitan nina Mama at Daddy at silang tatlo, kasama ang kapatid ko, ay magdamag akong binantayan. Kaya mula noon, hindi na ako nilalagyan sa tuktok ng ulo ng bimpo na may yelo upang hindi na maulit ang pagkokombulsyon ko. Hehe.

Hay…ansarap talagang mabuhay.

P.S. Muntikan ulit akong mabundol kanina dahil nakatingin ako sa magandang babae sa pagiging absent-minded. Tsk.

Posted by andoyman at 10:16 am | permalink | comments[1]

Close-Family Ties

Tuesday, August 10, 2010

hahaha

sa totoo lang, napapaisip ako: ang lahat ba ng anak ay kailangan mabuhay para sa kanyang pamilya habambuhay? at ang kaniyang magiging anak ay mabubuhay naman para sa kanya? at ganoon din sa susunod na henerasyon?

hindi ko yata nakwento sa’yo sa chat na tulong ‘yung ginagawa ko…pero pusanggala pa rin dahil mas gusto ko talagang magkomiks.

hay…ang pinakamahirap doon, panganay ako at may inaasahan sa akin, na kung saan, ayokong may inaasahan ang tao sa akin…ayun…

minsan, napapaisip ako na “sobra” na ang close-family-ties sa kultura natin, na sa sobrang close, kinukulong na natin ang mahal natin sa buhay…hay…

Hindi ko alam kung mabuti o masama akong anak. Basta ginagawa ko ang makakaya ko para makagawa ng mabuti para sa magulang at kapatid ko. Hindi ako “expressive” para iparamdam na mahal ko sila. Kaya sa mga simpleng bagay ko na lang ipinapakita tulad ng paghuhugas ng plato.

Nasabi ko ‘yang nasa taas na ‘yan dahil madalas kong napupuna sa pamilyang pilipino na kung ano ang mas kailangan ng pamilya, iyon ang inuuna/pinapauna ng/sa anak. Walang masama roon. Ang masama e kung habambuhay na ganoon. At mukhang ganoon nga madalas. At paano, sa aking palagay, nagiging masama ang ganoon? Dahil nakukulong ang mahal mo sa buhay sa isang buhay na ginawa/idinikta mo sanhi para hindi niya makita ang buhay na naghihintay para sa kanya kung sakaling tinahak niya ang sarili niyang daan kasi pinigilan mo nga.

Ang “close family ties” ng pilipino, kapag isinaling-wika mo, ganito ba: Malapit na buklod ng pamilya o Saradong buklod ng pamilya?

Kung ako ang sasagot, sa karamihan, mukhang ang ikalawa ang sagot.

Masaya ang makatulong sa pamilya. Masaya talaga. At masaya rin kung matulungan mo silang matupad ang “kanilang” pangarap. Pero, paano ang sa’yo? Di bale na lang?

Sa totoo lang, mukhang sa kultura natin e ganito ang sitwasyon: “Kapag ginawa mo ang gusto mo, makasarili ka. Kapag hindi mo ginawa ang gusto ko, mabuti ka.”

Hindi ko alam kung nage-gets mo ang pinagsasabi ko basta ang gusto ko lang ipunto e sana sa hinaharap, ang pamilyang pilipino e mas malalapit at mas may kalayaan sa bawat isa. Ganun lang.

At ang talagang inirereklamo ko sa buhay ko ngayon ay hindi ko magawang tuluyang dumiretso sa gusto ko dahil kailangan kong tumulong muna sa pamilya bilang isang anak. (Natatakot din ako na baka makulong ako sa ganito at hindi ko matupad ang pangarap ko.)

Hindi ko mailalahad lahat ng nais kong sabihin dahil hirap akong isalin sa salita ang mga bagay na gusto kong ipaliwanag. Hay…

Uulitin ko lang ang sinabi ko noon sa business planning namin:

Gusto kong mabuhay.

 

Kung tatanungin kita, ano ang pangarap mo? (Lahat ng tao gustong tumulong sa pamilya, magka-pamilya at simpleng buhay. Ang tinutukoy kong pangarap ay ang pangarap mo para sa sarili mo, pangarap na gusto mong tahakin, pangarap na matagal mo nang hinihiling mula noong bata ka pa, pangarap na mukhang imposible, pangarap na maaaring may kinalaman sa hilig/gusto/talento mo, pangarap na galingsa puso mo, hindi dahil kailangan mo, o ng ibang tao.)

Posted by andoyman at 2:14 pm | permalink | comments[4]

Kowts

Sunday, August 8, 2010

“Wikang Inggles ang itinuturo sa utak ko. Wikang Filipino ang natutunan ng puso ko.”

-nakita ko kahapon sa UP. asteg.

Posted by andoyman at 6:09 pm | permalink | Add comment

Year 4599

Thursday, August 5, 2010

Ginalaw ko kanina ang kalendaryo sa laptop ng katrabaho ko kasi may kinakalikot ako (akin na lang ‘yun kung ano). Ini-scroll ko ‘yon at umabot ako ng year 2200-something. Napaisip ako. “Patay na ako niyan.”

Dati mahahaba pa ang buhay ng tao dahil walang polusyon, sariwa ang pagkain, malinis ang paligid, at alaws pang chocnut kaya kawawa pa rin sila’t di nila naabutan ‘yon. Nababanat din ang mga katawan nila dahil wala silang mga (pantamad na) machine/gadget di tulad ngayon. (Pati nga paglilipat ng channel sa tibi e “padadaliin” din ng tao ngayon, remoteless kumbaga. Napansin mo? Naimbento ang remote dahil tamad ang taong magpihit ng knob sa tibi para maglipat ng channel tapos ngayon, mas tinamad pa ang tao dahil ayaw na niyang magpipindot sa remote kasi gusto niya, iba na ang pinipindot!)

Kung ako ang tatanungin mo, gusto kong mabuhay nang mahaba. Siguro lagpas 100 years old. Ganun. Gusto ko lang kasing namnamin nang mahabang panahon ang buhay, obserbahan at panoorin ang mga tao sa paligid ko, at ikwento sa mga magiging apo sa tuhod ko ang mga pakikipagsapalaran at kalokohan ko.

Apo: Hey old man, wazzup! (Marahil sa panahon nila e extinct na ang pambansang wika natin)
Ako: Hu u?
Apo: I’m your grandson, idiot.
Ako: Ah…………….K.
Apo: What kind of reply is that my dearest f— grandf—??
Ako: Gusto mo ba akong magkwento?
Apo: Sure. Sure. C’mon. Lemme hear it. (Sabay pasak ng speaker sa tenga)
Ako: The end.
Ako: …
Ako: …
Ako: …
Apo: What? Oh, very beautiful story, grandpa. See you later alligator! (Sabay double combo dirty finger)

Pakiramdam ko kasi, napakasarap magkwento ng mga nangyari sa buhay mo lalo sa mga bata, mas lalo sa mga apo mo. Nandiyan ‘yung pakakantahin mo muna sila, pasasayawin, o kahit ano pa bago nila marinig ang kwento mo. Pwede mo ring utusang hugasan muna nila ang pwet mo dahil katatapos mo lang tumae bago ka magkwento nung minsang na-LBM ka habang nagkaklase ang guro mo.

Masarap mabuhay. Este, napakasarap talagang mabuhay. Kaya nga nagtataka ako kung bakit may mga taong nagpapakamatay. May iba na gusto lang nila e maiksi lang silang mabuhay. Ibig kong sabihin, ansarap-sarap-sarap mabuhay tapos gusto lang nila maikli? Gusto nilang tapusin kaagad? Helloooooo. Isang beses lang tayo mabubuhay, tapos paiigsiin mo pa? Tatapusin mo pa kaagad? Hindi ka ba nanghihinayang?

Pero seryoso, noon e nagre-register din sa brain cells ko na magpakamatay. Lalo siyempre kapag sobrang lungkot. Mas lalo ang mga biglaang kalungkutan. Pero mabuti na lang e hindi ko ginagawa. Hanggang drowing lang ako. Sa ngayon, hindi ko na naiisip magpakamatay. Kapag nasa mataas na floor ng SM ako, napapaisip na lang ako ng ‘kung buhay pa kaya ako pag tumalon ako mula rito?’ Mga ganung bagay na lang.

Si Apong, ang lola ng nanay ko. Hindi ko siya nakita nang personal pero naabutan ng existence ko ang buhay niya. Mahigit 100 taong gulang siya nang namatay. May sariling nurse. At marunong kumausap ng butiki. Naikwento ng mama ko sa akin na kapag nag-“tsk tsk” si Apong e lumalapit ang mga butiki sa kanya at binibigyan niya ng pagkain. Minsan ginawa naman ng nanay ko, hindi naman umubra. Sintonado siguro kaya ganun.

Sayang nga lang at hindi naming magkapatid nakita nang personal si Apong. Namimigay pa naman daw ‘yon ng pera. Pero mas gusto kong makarinig ng mga kwento niya noong kabataan pa niya. Halimbawa na lang nitong si Amang, anak ni Apong, tatay ni mama, bali lolo ko (sumalangit nawa). Kapag nagkwento e nagkukwento talaga. Minsan sa daan habang hinahatid ni mama sila ni Inang e nagpunta sila sa Eco drug para bumili ng biskwit. Biglang kinausap ni Amang ‘yung isang babae doon at mabuti naman, nakipagkwentuhan din kay Amang. Palangiti rin siya, malayo sa pagiging istrikto base sa kwento sa amin ni mama. Parang bumalik sa pagiging bata si Amang. Minsan kapag nadadalaw naman sila ni Inang todits sa bahay, at nakatabi ko siya, kinukwentuhan rin niya ako. Nakangiti siya habang nagsasalaysay ng kung anuman. Iyon nga lang, wala akong maintindihan dahil hindi naman ako nakakaintindi ng Ilokanong salita. Pagtango at pag-“oo” lang lagi ang sagot ko habang tawa nang tawa naman si mama. Hindi ko alam na tinatanong na pala ako ni Amang kung naiintindihan ko pa ba ang mga sinasabi niya. Hehe.

Si Inang (buhay pa, salamat sa Diyos) naman e naging emosyonal nang minsang ikwento niya sa akin ang mala-telenobela niyang buhay-pag-ibig. Ika niya, hindi naman niya talagang mahal si Amang at pinilit lang sila ng mga magulang nila na ipakasal silang dalawa. Tinanong ko siya kung natutunan ba niyang mahalin si Amang. Ang sagot niya, hindi raw. Medyo irita pa nga siya nang sumagot siya. Naikwento niya ‘yan nang humingi siya ng konting (napakagwapong) graduation picture ko with dedication sa likod nun.

Meron akong nabasa tungkol sa isang lola na 125 years old nang nabubuhay. At talagang sa kanilang tribo e pangkaraniwan lang ang umabot ng mahigit 100 years old lalo’t malayung-malayo ang lifestyle nila at sa polusyon todits sa lungsod. Nakakaawa nga lang dahil wala na siyang sasabihin nating koneksyon sa pamilya niya bukod sa lagi na lang siyang dinadalhan ng pagkain. At natawa rin ako nang mabasa kong nagtatampo siya kay Bro dahil mukhang nalimutan na raw siyang kunin.

Pero kung sakaling mabuhay ka nga nang napakahaba, gugustuhin mo bang maabutan ‘to? Ang mga prediksiyon ni Vangelia Gushterova:

* In 1980, she predicted in either 1999 or 2000, Kursk will be covered by water. At first, the Russians thought she was referring to the city of Kursk, so they were all confused and stuff. But then in 2000, the Russian submarine, Kursk, sank.
* In 1989, she predicted that the World Trade Centre would be attacked by “steel birds”.
* She predicted World War III will begin in November 2010. As a result, radioactive fallout will destroy almost all life in the Northern Hemisphere.
* She predicted China will control the world by 2018. (so buhay pa pala ang mundo at di totoo ang doomsday sa 2012)
* By 2046, all body organs can be reproduced (baka made in china rin ang mga organs)
* In 2111, people will become robots. (made in china ulit)
* In 2125, aliens will contact us (chinese language naman)
* In 2130, the aliens will teach us how to breathe and live underwater. (so magiging syokoy ang mga intsik?)
* In 2164, animals will turn half-human. (bali kalahating tao, kalahating tao)
* In 2183, our colony on Mars will break off from Earth and ask for independence. (tapos ang peace offering nila e MARShmallows)
* In 2196, Asians and Europeans would have completely mixed. (puro pilipino na lang siguro ang matitira, bwahahahaha)
* In 2221, while searching for ETs in space, humans will encounter something terrible (baka makikita nila si Son Goku)
* In 2341, something terrible will approach Earth from space. (baka si Freeza naman ‘to)
* In 3797, Earth will die. But humans by then were advance enough to move to another planet (sa Sun daw tayo lilipat)
* In 4509, we’ll be able to communicate with God. (baka mamaya politikong nagdiyos-diyosan lang yan)
* And in 4599, people will become vampires achieve immortality.

Hwoohoo! Putek. Di ko kinaya ang dulo! Magiging bampira ang tao na nag-i-sparkle tulad ke Edward. Pag ganon e magiging talamak ang pagbabalat ng tao este bampira kasi maraming magsasangla niyon sa sanglaan. Hahahahaha.

Wait. Kung ang lahat ng tao e magiging bampira, paano sila mabubuhay kung wala nang taong masisipsipan ng dugo? Eh di si Piccolo na lang pagkukunan ng dugo? Yak. Berdeng dugo.

Posted by andoyman at 11:40 pm | permalink | comments[7]

Takada ni Islaw Palitaw

Monday, August 2, 2010
Gayong Buwan ng Wika naman ngayon, ibabahagi ko sa inyo ang pinakapaborito kong tula. May larawan ang tula na ito sa aklat ko (na ginamit ko noong nasa unang antas ako ng hayskul) at masasabi kong ang larawang iyon ang naging inspirasyon ko kay Andoyman. Ito rin ang tula na (halos) kabisado ko at itutula ko sa harapan mo kapag biglaan mo akong pinatula. (Saka ko isusunod ang pagtula naman ng Adios patria adorada, region del sol querida, swiper no swiping, swiper no swiping)

O siya, heto na ang pinakapaborito kong tula.

Takada ni Islaw Palitaw
ni Lamberto E. Antonio

Ang tawag sa akin ay Islaw Palitaw,
Lulubog-lilitaw sa taing-kalabaw.

Sa sinilangan kong bayan ng San Roque,
Naging kalaro ko’y apat na pulubi.

Si Pepe’t si Pilar, nakilala ko rin,
At kabisado ko’ng kantang Ay Heb Tu Hens.

Nang tuliin ako, ang sabi ni Ama:
“Tama na ang gred por. Ako’y matanda na.

“Saka nakabaon na tayo sa utang.
Tulungan mo akong gumawa sa linang.”

Kaya’t ang mithi kong humusay sa Ingles,
Nauwi sa aking pagsipol sa bukid.

Kahit nakabuntot ako sa araro,
Aking iniinglis ang baguntao ko.

Buntot naman niya’y parang nagsasabi:
“Talagang bagay ka lamang sa San Roque;

“Iinglis-inglis ka e pilipit naman,
Bagay ngang marinig lamang ng kalabaw.”

Pag nakasalansan ang ani sa bukid
Ay walang magawan’ng aking aritmitik.

Sa bolpen ng aming propitaryong bundat:
“O, sandaang kaban pa ang ibabawas.

“Buti nga’t mahina akong magpatubo.”
(Buti’t me natirang konting isusubo!)

At ihihinga ko sa alagang hayop—
Namatay si Inang sa hirap ng loob.

Ang aking pangalan ay Islaw Palitaw,
Lulubog-lilitaw sa karalitaan.

Isinilang ako sa bayang hikahos
Na kumikilala sa sipag at Diyos.

Posted by andoyman at 10:36 am | permalink | Add comment