kwan. ano. yon. yeh!

Isang mabilisan

Monday, August 30, 2010

Andaming nangyari. Pero hindi ko alam ang sasabihin ko.

> Na-hack ang fb account ko at kung hindi agad tinext sa akin ni Bikoman, nakow, mas malaking gulo ang mangyayari. Tantya ko, mga 30-15 minutes nagalaw nang walang paalam ang account ko. Alam kong kasalanan ko dahil sa kapabayaan ko pero hindi maarok ng pang-unawa ko kung bakit may mga taong gustong makialam ng account ng iba at magsalita ng mga kabastusan. Mahirap na talaga ngayon. Habang tumatalino ang mga robot at computer, mas nagiging bobo naman ang tao. Pasalamat na lang siya’t di ang kamao ko ang nakipag-usap sa mukha niya. Maraming salamat talaga kay Bikoman!

> Inaamin ko na dahil sa sobrang galit at inis ko, nag-post ako sa fb at tumblr ng picture ng mga estudyanteng nagpa-picture na ang background ay ang bus na ginamit sa pangho-hostage. Dapat hindi na pala ako nag-post ng ganun. I mean, wala namang magagawa kasi kung nag-post ako ng ganun eh. Wala namang mabuting maiaambag iyon sa nangyari.

>Sana bago manisi ng iba, sinisi muna ang sarili nang walang nagtuturuan. Pagkatapos, matuto sa pagkakamali at mag-move on.

> Busy ako sa opis. Mas busy kaysa dati sapat para di ako makapag-fb at tumblr. Lalo nitong nagdaang linggo. Inaasahan ko pa naman din ang workshop noong Sabado pero noong Biyernes pa lang, nag-text na si Sir Elbert na wala muna. Medyo nanghina ako pero naisip ko na ayos na rin para makapagpahinga ako upang makabawi sa ilang gabing kaunti lang ang oras ng tulog ko.

> Kaso wala naman akong nagawa para sa pagkokomiks ko. Wala akong nasulat o naguhit. Kaunting pagguhit, kumbaga praktis, meron. Bali, naguguluhan din kasi ako dahil dalawang istorya ang nasa isipan ko habang may naka-pending din sa likod ng utak ko. Binalak ko ring gumawa ng istorya para sa Saranggola Writing Contest (basta ganun) pero hindi ko malilok ang idea na nasa utak ko kasi nagkabuhol-buhol na. Pero sa wakas, ngayong araw, natapos ko na rin ang plot para sa isang ginagawa kong kwento para sa workshop. Habang ang isa naman, patapos na ang revision ng script. Naks! Hopefully, ngayong linggo, makakapagsimula na akong makapagguhit ng komiks.

> May girlfriend na pala ‘yung isa kong kaibigan. Nagulat ako kasi noong college, wala naman siyang nililigawan. Hehe. Asteg.

> Paki-like naman ‘to: http://www.facebook.com/video/video.php?v=110075619050206 Para kasi ‘yan sa midterm exam nila.

> Natapos ko nang panoorin ang tatlong episodes ng Sherlock. Ibinigay ni Sir Elbert ang tatlong episodes na ‘to para panoorin naming workshoppers. Isa pa, investigative/mystery kasi ang kwento ng sa akin kaya siguradong marami akong mapupulot na tips sa palabas. At higit sa lahat, talagang sakto talaga, ito ang isa sa pinakapaborito kong kwento at character, si Sherlock Holmes. Binabasa ko lang ang e-book niyan noong nag-o-OJT ako kasi wala naman akong ginagawa. Nakakatuwa dahil tuwing lalabas ako ng opis, sinusubukan kong gawin din ang deduction na ginagawa niya. Feeling Sherlock Holmes ako. Haha.

> Sa mahigit isang taong halos wala akong balita sa mga nakasama kong RADdicts, nagulat na lang ako noong isang araw tungkol sa mga nangyari at kung paano parang nabuwag ang grupo. Nakakalungkot kasi isang beses lang nangyari ang lahat. Nakakatuwa dahil naranasan ko ang ganoon. Nakakapanghinayang kasi hindi nagtagal. Nakakainis, ang init. Teka, itatapat ko lang ‘yung isang electric fan sa akin.

> Ang takbo ng isip ko ngayon kapag may nakikita akong babaeng type ko e ganito: Isang mahabang lovestory naming dalawa ang mabubuo agad sa isipan ko habang lilinga-linga ako sa kanya. Pagkatapos, saka ko maiisip na, di bale, marami pa naman diyang iba. Makakapaghintay ‘yan. 

> At pumapasok din sa isipan ko na huwag na ‘lang akong maghanap ng magiging asawa ko. Kumbaga, asawahin ko na lang ang pagkokomiks. Haha. Kahit dati naman, naiisip ko na ‘to.

> Marami pang nasa isip ko pero nalimutan ko nang magsulat na ako.

> Nagkaroon kami ng parang reunion kasi birthay ni gori. Nandoon si polio, si dugo, si fetus, at si hit. Si boldyak lang ang wala. Hindi rin ako gaano nagtagal kasi may pasok pa ako noon kinabukasan. Natutuwa lang talaga ako dahil hanggang ngayon, magkakaibigan pa rin kami.

Posted by andoyman at 9:13 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment