kwan. ano. yon. yeh!

Long Hair

Thursday, September 2, 2010

Barber’s cut lang ang tanging istilo na buong pananampalatayang nanalig sa aking buhok mula noong bata pa ako. Kahit ilang beses ko nang pinagtaksilan, tinalikuran, at iniwasan, tanging ang gupit na ‘yan ang may malaking tiwala sa akin kaya palaging ‘yan lang din ang haircut ko.

Pinakalbo ako ng nanay ko noong sanggol pa ako sa paniniwalang lalago ang buhok pag laki ko. Eto nga, malago. Ang side effect lang, nagmumukhang malaki ang ulo ko kaya dapat laging ginugupitan ang buhok ko. Wala naman akong gaanong problema sa istilo ng gupit ko. Asteg pa nga dahil kapag bagong gupit, masarap hawak-hawakan ang bagong ahit na patilya at kapag mahangin, ramdam mo ang pagguhit ng hangin sa may tenga mo.

Crew cut o crook cut yata ang tawag dun. Iyon ang ihe-haircut sa akin. Lagi kong kasama Daddy ko kapag magpapagupit. Kung abala naman siya, pinsan ko naman ang kasama ko. Minsan, nagpagupit ako kasama ang pinsan ko. Dapat, flat top ang igugupit sa akin kasi ‘yung gusto ng Daddy ko. Um-oo lang ako sa suggestion nya. Napilitan lang ako.  Gugupitan na ako nang mamroblema si manong. Bilog daw ang ulo ko at di pwede ang flat top kaya crew cut (crook cut) na lang. Okey lang naman sa akin. Ayos na sana ang lahat kung hindi lang humirit ang isang barbero na “malaki ang ulo”. Basta, ‘yung salitang iyon ako naasar. Oo na, malaki na ulo ko. Pero dapat ba talagang magbiro nang ganon? At tumawa nang ganon? Tsk.

Kaya mula noon, ganun na ang buhok ko. At kaya dahil din do’n, tampulan ako ng asar ng kapatid ko ng “buko!” kasi bilog at malaki ang ulo ko. Naranasan ko ring biruin na ‘mamamatay ang butiki kapag nahulog sa ulo ko’. Madalas ang birong ‘yan sa akin lalo noong nagpa-semi-kalbo ako. Napendong din ako. Kaya noong napuno na ako, sabi ko, ayoko na ng ganoong klase ng gupit.

Nagpapahaba ako ng buhok noon pero lagi akong sinasabihan ng magulang ko na magpagupit na. Kaya minsan, pagkatapos kong maligo, napag-trip-an kong pantayin ang bagito kong bigote. Putek. Anggaling ko!!! Hindi pantay ang nagawa ko. Nainis na ako kaya inahitan ko na lang. Kung papansinin mo ‘yung nasa picture sa itaas, ang nasa gitna ang estado ng buhok at balbas ko. Lagi kong inaahit ang bigote ko. Sa totoo lang, matagal ko nang balak magpahaba ng buhok at balbas. Ilang beses binalak, ilang beses din naudlot kasi: may job interview, mag-a-apply, etcetera. Pero ngayon, itutuloy ko na ‘to.

Nakailang experiment na rin ako ng istilo ng gupit na babagay sa akin. May longback, may syokoy, may clean look, at, hay, barber’s cut ulit. Sabi ko noon, hindi na ako babalik sa barber’s cut pero ayun, bumabalik pa rin ako.

Ngayon, ermitanyo look na ako. Wala na akong pakialam kung terorista o holdaper ang tingin sa akin ng iba. Problema na nila ‘yun at ng mapanghusga nilang ugali. Gusto ko ng ganito kaya gusto ko ng ganito. Hindi naman mahirap intindihin ‘yun.

Isa pa, pakiramdam ko, mas nagiging creative ang utak ko kapag mahaba ang balbas ko. Iyon naman kasi talaga ang dahilan. At kung magpapahaba ako ng balbas, alangan namang maiksi ang buhok ko. Ampanget naman ata nun. At gusto ko rin kasing mag-ipit ng buhok. ‘Yung naka-pony tail. ‘Yung parang samurai. Ganun. Basta gusto ko lang talaga.

Suggestion ng kapatid ko, dahil malago ang buhok ko, magpa-relax daw ako para numipis at nang umunat. Parang gusto ko pero umayaw ako. Virgin pa ang buhok ko. Gel o floor wax lang ang nilalagay ko. Pero ngayon, dahil mas nairita na ako sa fashion, ayoko na mag-style-style. Nakakabanas lang kasi. Minsan, maganda ang pag-aayos mo. Kapag humaba lang konti, nget-pax na. Nakakabanas din kapag nasa bus tapos malakas ang ihip ng hangin. Nagugulo ang inayos mong buhok. Maba-badtrip ka lang. Pero kung mahaba ang buhok ko, hwaha, ako naman’ng manlalatigo ng buhok sa kanila. Ang solusyon ko naman sa malago kong buhok e nagsusumbrero ako para sumiksik iyon at numipis tignan.

Kung hindi ako magugustuhan ng babae sa ganitong ayos ko, di ko na problema ‘yun. Masyado siya. Sinabihan nga ako ng katrabaho ko na kung ba’t ako nagpapahaba ng hok-bu, andumi ko raw tuloy tignan. Pa’no na raw niyan magkakagusto ang babae sa akin. Sabi ko, kung mahal ako ng babae, dapat mahal niya rin ang itsura ko. Sabat naman ng isa, UL**!

Sabi naman ng isa kong katrabaho, siguro, unconsciously, nasa utak ko na na kapag artist, dapat mahaba ang buhok. Siguro nga ganun.

Hmm. Gusto ko ring i-try ang ala-Bob Marley na buhok, ‘yung buhok na kontinente ng kuto.

E kung punks na buhok?

O afro?

E kung i-try ko kaya ‘yung isang style ng buhok na nabasa ko sa Kikomachine Komix? Hahahaha.

E kung kalbo? Basta, magpapa-long hair ako. Ermitanyo look. Yeah!

Posted by andoyman at 11:13 pm | permalink | comments[3]