kwan. ano. yon. yeh!

Pakikipagtampisaw kay Writing

Wednesday, September 8, 2010

Mahirap palang magsulat kahit gusto mo magsulat pero hindi alam ng sarili mo kung paano mo isusulat ang gusto mong isulat. Para kang may tae sa tiyan at gusto mo nang ilabas pero hindi mo mailabas dahil wala kang mahanap na (sobrang duming) palikuran. Bigla ko tuloy naisip kung alin ang mas mahirap: ang aminin ang nagawa mong kasalanan o magpigil ng LBM habang nasa loob ka ng spacesuit at nakalutang sa outer space?

Nahihirapan akong ligawan ngayon si Writing. Moody siya. Kung gusto niya ngayon na, ngayon na dapat. Minsan, gusto naman niyang magpahinga kasi napapagod din naman siya. Kung minsan naman, gusto niya ngayon pero kapag nandyan na ako, aayaw na. Halimbawa, yayayain ko siyang makipagkwentuhan tungkol sa nangyari sa akin noong isang araw ilang taon na ang nakararaan. Sa una, um-oo siya pero maya-maya, pagkatapos kong magbihis, magpabango, mag-transcend sa parallel universe, saka niya ako ite-text na huwag na lang dahil ayaw na niya. May menstruation daw siya.

Ayaw ko naman siyang pilitin dahil ang bagay na pinipilit, masakit.

May times na parang andami kong gustong ikwento pero wala siya. Di nagre-reply sa mga text ko. O wala sa mood. Minsan naman, malayo pa lang, naaamoy ko na ang mabango niyang halimuyak at natatanaw ko na ang nakapang-aakit niyang alindog, tapos saktong busy ako o ako naman ang wala sa mood (pero wala naman talaga ako sa mood kasi nasa earth ako).

Ilang beses nang nangyari ‘yan. Sasabihin ko, saglit lang pero napapatagal hanggang sa nakalimutan ko na. Mahirap pa naman siyang habulin. At lagi pang nagpapahabol. Ambilis. Ngunit kapag nahabol mo naman, o yay, kaligayahang walang sing-sarap!

Siguro nagtatampo siya sa akin ngayon. Mahirap i-maintain ang relationship sa kanya pero di naman ako sumusuko. Baka kailangan ko lang siyang mas lambingin at kalabit-kalabitin ng mas madalas at maraming beses, baka bibigay rin at lalandiin na ako.

Baka nagtatampo rin siya dahil madalas na akong hindi nagsusulat. Akala niya siguro, talagang nakalimutan ko na siya. Alam niya kasing may notebook ako para sa mga idea pero kapag nagte-text siya sa akin, hindi ko nasusulat ang mga sinasabi niya kasi nga, ayun, sasabihin ko, saglit lang. Tsk.

Sana nagbakasyon lang siya ngayon kasama ang mga kaibigan niyang sina Reading, Watching, Surfing, Thinking, at Playing. Sa totoo lang, si Drawing kasi ang mas nakakasama ko ngayon eh. ‘Yung iba, hindi ko na rin madalas nate-table. Baka nagsama-sama sila’t nagtayo ng unyon at magra-rally ng “We need your attention, Mr. John Lloyd Crook!”

May times din na habang nagkukwento siya, na-a-absent-minded ako o naiiba ang tingin ng diwa ko sa ibang chicks. Siguro napapansin niya ‘yun. Nakow!!! Anhirap talagang maging gwapo!

Hindi naman niya hinihingi lahat ng oras ko. Ang gusto niya lang eh pansinin ko siya sa oras na gusto niyang pansinin ko siya. Katulad ngayon, kahit paputol-putol ang pakikipag-usap ko sa kanya dahil minsan bigla siyang di iimik (at marahil, nakulitan na rin sa akin kakalabit ko sa kanya nitong mga nagdaang araw), eto at magka-holding hands ang aming puso. Though, nagtatampururut pa rin siya sa akin. Pero ayos lang.

Ang mas mahalaga, magkausap ulit kami ngayon :)

Posted by andoyman at 5:03 pm | permalink | comments[1]