Elevator Part I
Sunday, July 25, 2010
“Ay! Ganun pala ‘yun,” halong pagkamangha at panghihinayang ang kaniyang boses matapos ipakita ng inyong professor kung paano i-solve ang isang problem sa katatapos niyo pa lang na short quiz. “Uy, tama ba’ng sagot mo?”
Medyo dismayado kang sumagot, “Hindi nga e. Muntikan na kung hindi lang do’n sa isang step na ‘yon! Nalimutan ko kasi e. Sayang talaga.”
Agad niyang kinuha ang iyong scratch paper upang tignan kung paano ang ginawa mong solution. “Oo nga. Kulang ka lang ng gano’n. Sayang naman.”
Hindi mo alam kung ilang araw o ilang linggo na ba ang lumipas pagkatapos mong ipakilala ang iyong bestfriend sa iyong kaibigan na si Richard. Pero sa pakiwari mo naman, wala namang nagbago sa pagitan ninyong dalawa dahil ang mga dati niyong nakagawian ay ginagawa niyo pa rin naman sa kasalukuyan. At kahit sabihing hindi na ikaw ang naghahatid sa kaniya sa sakayan ng fx, mukhang wala namang naging epekto iyon sa inyong pagkakaibigan…at closeness.
“Ok class, see you next meeting.” Mabilis na nagsipagtayuan ang buong klase; inunat pa ng iba ang kanilang mga hapong katawan na kagagaling lang sa pagsagot ng surprise quiz na ibinigay ng inyong professor.
“Bes, may assignment ba tayo?” usisa mo sa kanya habang nag-aayos kayo ng gamit.
“Ahm…” nag-isip muna siya ng mga ilang segundo bago sumagot, “Mukhang wala naman. Grabe ‘no? Quiz pa lang ni ser e ang hirap-hirap na. Pa’no pa kaya kapag midterm exam na? Dudugo panigurado ang utak natin.”
“Sinabi mo pa! Wala ka ngang gaanong kakabisaduhin pero hirap ka naman mag-solve. Hay… Ano kaya’ng nakuha natin sa quiz?” Isinara mo ang iyong body bag at isinukbit ito sa iyong balikat habang hinihintay mo siyang matapos sa pag-aayos ng kaniyang gamit.
Nakangiti siyang tumingin sa’yo, “Sana pasado tayo.” Agad kang sumagot nang nakangiti rin, “Pasado ‘yun!”
Napupuno pa rin ng mga kwentuhan at mga tawanan ang buong klase. May ilang estudyanteng nagtatanong sa inyong professor na abala sa pagbubura ng mga isinulat niya sa whiteboard tungkol sa huling lesson na kaniyang itinuro. Muling magpapakita ng isang example ang professor para sa mga nagtatanong upang sila’y maliwanagan at kung nalinawan na, muli niya itong buburahin.
Papalabas na kayo ng klasrum nang makita mo si Richard. “Oo nga pala,” bulong mo sa iyong sarili matapos maalalang si Richard na nga pala ang naghahatid sa iyong bestfriend sa sakayan ng fx. Agad kang nagsuot ng isang ngiting walang laman nang ikaw ang una niyang batiin. Nang lumingon ka sa iyong bestfriend, nakita mong nakatingin din siya sa iyo. Alam mong may gustong iparating ang kaniyang mga titig.
***
Araw-araw, pinipilit mo sa iyong sarili na wala dapat magbago sa inyong dalawa. “Ipinakilala lang naman niya sa akin ang kaibigan niya. Wala naman sigurong kaso ‘yon.” Ito ang mga paulit-ulit na mga salitang ipinapahid mo sa puso mong punung-puno ng pagdududa. Maagap mong pinapagana ang iyong pagiging positibo upang salungatin ang lahat ng negatibo mong nararamdaman: “Kahit nandiyan pa ang Richard na ‘yan e wala namang nagbabago sa nararamdaman ko para sa kaniya. Mahal ko pa rin naman siya…
…
“Pero mahal rin ba niya ako?”
Lagpas sa itinakdang oras nang matapos ang pinakahuli ninyong klase. Gabi at inip na inip ang lahat sa pag-uwi lalo’t nagpa-quiz pa ang inyong professor. Paniguradong gutom na gutom kayong lahat dahil lubos na natrabaho ang inyong mga utak (o mata para sa mga nangopya) sa pagsagot sa mahihirap na tanong na ibinigay ng inyong prof. Tiyak na didiretso sa mga bukas pang kainan o sa mga bilihan ng burger ang ilan sa inyo.
Sanay ka na sa mga ganitong pangyayari. Kasabay mo naman ang “bestfriend” mo kaya kapag nagyaya kang kumain ay paniguradong sasamay siya. Hindi naman kasi siya makaka-hindi sa iyo. Aba! Malakas ka yata sa kaniya! Pero iba ngayon dahil hindi na siya ang madalas mong kasabay sa pag-uwi. Kaya kahit gutom na gutom ka na, titiisin mo na lang ito makarating lang kaagad sa sakayan ng fx.
Kinalabit ka niya at sabay itinuro ang taong naghihintay sa ‘yo sa labas ng klasrum, “Nand’yan na pala si Richard.” Hindi ka na lang umimik. Nagkunwari kang hindi mo siya narinig at patuloy ka lang sa paglalakad hanggang maabot ninyo ang labas ng klasrum.
“O ‘tol! ‘Musta ang quiz?” agad niyang pangangamusta sa iyong bestfriend. Ikaw naman ang sinunod niyang binati, “Hi…Ahm…Pa’no?…Sabay na tayo umuwi.” Nakangiti siya sa iyo at saglit ka ring ngumiti sa kaniya saka tinignan ang iyong bestfriend. May gustong sabihin ang iyong mga titig. Humihiyaw ang iyong mga mata nang tumingin ka sa kaniya: “Ano ba? Hindi ka na naman ba sasabay sa pag-uwi? Iiwanan mo na naman ba ako? Ha??”
Pero alam mong walang magagawa ang pagtitig at pagsigaw ng mga salitang ikaw lang ang nakakarinig kaya ikaw na mismo ang gumawa ng paraan. “O, bes, sabay ka na sa amin. Antagal mo nang hindi ako sinasabayan sa pag-uwi e. Ayos lang naman siguro ‘yon kay Richard. Di ba?” Agad kang lumingon kay Richard at um-oo naman siya.
Bago kayo tuluyang umuwi, nagpaalam kang dadaan muna ng CR at doon na lang sa may elevator niyo siya hihintayin. Pero ang totoo, gusto mo lang talagang itago ang ngiting napakakulit at gustung-gusto nang magmarka sa iyong mukha dahil sa wakas, makakasama mo ulit ang bestfriend mo sa pag-uwi.
***
Hindi mo pa ito nagagawa sa mga ex-girlfriend mo: ang paghihintay ng kahit ilang oras masabayan lang sa pag-uwi. Pero ngayon, magtitiis ka dahil talagang inlab na inlab ka sa kanya.
“Mga walang pakisama!” pabirong pagtatampo mo sa iyong mga barkada matapos nilang tanggihang samahan ka sa paghihintay sa kaniya.
“Sige na, ‘tol. ‘Kaw na lang. Kaya mo ‘yan!” pagpapalakas-loob sa ‘yo ng isa mong kaibigan kasabay ang papaalam nila sa ‘yo.
“Balitaan mo na lang kami kapag basted ka na!” pabirong sabi naman ng isa mo pang kaibigan kasabay ang maagap na paglayo sa ‘yo. Hindi mo siya nahabol kaya malutong na mura na lang ang ibinalik mo. Maya-maya, ikaw na lang mag-isa ang nandoon sa freedom park bukod sa mga ilan pang estudyanteng tumatambay roon. Madilim na ang paligid at wala ka nang nakikitang kaunting sinag ng araw. Unti-unti namang nagsisindihan ang mga ilaw sa buong campus. Pumasok ka sa Annex building at nag-elevator paakyat ng 5th floor. At sa natagpuan mong silya’t lamesa roon ka mag-isang naghintay ng paglabas niya habang inaaliw ang sarili sa pakikinig sa iyong iPod at paglalaro ng PSP.
Tinignan mo ang iyong relos. Ipinasok mo sa iyong bag ang PSP at ibinulsa naman ang iyong earphone saka tumayo’t sumilip sa may pintuan ng kanilang klasrum. Napuna mong hindi pa sila tapos kaya nakatayo kang naghintay. Hindi mo mapigilan ang puso mo sa pananabik sa kanya. Mga ilang minuto pa ang lumipas nang makarinig ka ng mga nagbubunying estudyante (parang mga bilanggong nakatanggap ng kalayaan) dahil natapos na rin sa wakas ang kanilang klase. Nag-abang ka sa may tapat ng pinto at hinintay ang kaniyang pagdating. Nang makita ka ng iyong kaibigan ay itinuro ka niya sa iyong nililigawan subalit napansin mong hindi ito tumingin sa ‘yo.
“O ‘tol. ‘Musta ang quiz?” agad mong bati sa iyong kaibigan nang lumabas sila ng klasrum. Kasabay nila sa paglabas ang ilan pa nilang kaklase na tulad nilang dalawa, exhausted din sa katatapos lang na quiz.
“Anhirap. Grabe.” Nakangiti niyang sagot iyo na tinugunan mo naman ng: “Di bale. Ayos lang ‘yan.” Pagkatapos, siya naman ang iyong binati. “Hi…Ahm…Pa’no…Sabay na tayo umuwi?” Hindi siya sumagot pero nginitian ka. Batid mong para siyang nahihiya sa iyo – at hiling mo na sana ay hindi naiilang – sapagkat hindi makatingin sa iyo nang diretso.
Tumingin siya sa iyong kaibigan at parang may gustong sabihin ang kaniyang mga mata, saka siya nagsalita, “O, bes, sabay ka na sa amin. Antagal mo nang hindi ako sinasabayan sa pag-uwi e. Ayos lang naman siguro ‘yon kay Richard. Di ba?” Nakangiti siyang lumingon sa iyo at agad ka namang um-oo. Bago pa man kayo tuluyang makalayo ng klasrum, nagpaalam siyang dadaan muna ng CR at napag-usapan ninyong sa may elevator niyo na lang siya hihintayin.
Tumungo rin kayong dalawa sa CR pagkaalis niya at napagkwentuhan ninyo ang tungkol sa exam nila. Nag-ayos ka ng iyong sarili at nagpabango. Nang matapos kayo, dumiretso na kayo sa may elevator sa Tech Building at hinintay siya roon.
Kanina mo pa pinipilit isara ang bibig mo tungkol dito ngunit hindi mo talaga maiwasan na muling itanong ‘to sa kaniya. Huminga ka muna nang malalim at bumwelo bago muling nagsalita.
“’Tol. Tapatin mo nga ako. May gusto ka ba talaga sa bestfriend mo?”
Gate 4
Monday, June 7, 2010
“Bakit? May kung ano ba sa mukha ko?” pag-usisa mo sa kanya matapos mong mahuli siyang nakatingin sa ‘yo. Napangiti ka pagkatapos niyon pero hindi mo ipinakita sa kanya. Alam mong madalas ka niyang pinapanood habang kumakain at gustung-gusto mo ‘yon. Minsan naman, siya naman ang pinapanood mo. Pagkatapos niyong maubos ang inyong burger at 7-Up, binayaran ninyo ang inyong kinain saka umalis.
Batid mo ang kanyang pagkabalisa kahit hindi niya sinasabi. Alam mong may gumugulo sa kanya. At balak mong itanong iyon kapag nasa pila na kayo sa sakayan ng fx mamaya. Ramdam mo ang tila buhawing bagay na nagpapaikot-ikot sa kanyang isipan sa kabila ng mga ipinapakita niyang ngiti at biro.
“Ano? Uwi na tayo?” tanong mo sa kanya bago kayo tumawid ng kalsada, may ngiti sa’yong labi, pampawala ng anumang pangambang iniisip niya sa kasalukuyan. Ngunit naguluhan ka lang sa kaniyang isinagot:
“Ah, hindi na muna. May ipapakilala pa kasi ako sa ‘yo.”
Mahina at bagsak ang kanyang boses. Hindi katulad ng dati, hirap kang wariin kung ano ba ang iniisip niya? Kung sino ang ipapakilala niya? Kung bakit ganoon siya ngayon? Hindi ka na lang sumagot. At nang marating ninyo ang Gate 4, napansin mo ang isang grupo ng mga lalakeng naka-uniporme rin tulad ninyo. Hindi mo mapagtanto ang kanilang mga ngiti at kung bakit sila nakangiti. Puno ng hamog ang nagaganap ngayon.
“Hi,” bungad ng isang lalakeng kayumanggi ang balat at kulay-mais naman ang harapan ng buhok. Maliit ang kanyang mga mata ngunit hindi singkit. May pagkamatangos naman ang kanyang ilong. Batid mong ang taong nakaharap sa’yo nang nakangiti ang gustong ipakilala sa’yo ng bestfriend mo. Gwapo siya tulad ng sinabi ng mga kaibigan mo. Ngunit walang kung anuman kang naramdaman matapos mo siyang makita. Iniabot ng lalake ang kanyang kamay sa iyo. Dahan-dahan mo ring iniabot ang iyong kamay sa kanya. Pilit kang ngumiti at bumati rin ng “Hello”. Maya-maya, narinig mong ipinapakilala ka na ng “bestfriend” mo sa kanya at sa
“Ako nga pala si Richard,” pormal niyang pagpapakilala kasunod ang mga tila nanunuksong ngiti ng kanyang mga kaibigan. Ikinuwento niya kung paano ka niya nakilala at kung gaano ka niya gustong makilala. Nakakadinig ka naman ng mga mahihinang tuksong “Yihee” at “Uyy” mula sa kanyang mga kasama na agad naman niyang pinapatigil. Sa kabila ng kanyang nahihiya’t nakangiting pagpapakilala, hindi mo pa rin maialis ang iyong mga mata sa bestfriend mong tila naging tuod at hindi na nagsasalita kapapanood sa inyong dalawa ni Richard. Malamlam ang kanyang mga mata. At alam mong ganoon din sa ‘yo.
‘Ah ok’ at pagtango lang ang tangi mong tugon sa iyong kausap kasabay ang pagguhit sa mukha ng isang ngiting ginagamit para sa mga ganoong pagkakataon. Hinawakan mo ang braso ng iyong bestfriend. Hinigpitan mo ang iyong pagkakakapit senyales na gusto mo ng umuwi. Subalit taliwas sa iyong inaasahan ang mga sumunod na nangyari.
“Ah bes, kung ok lang sa ‘yo, si Richard na muna ang sasabay sa ‘yo pag-uwi. May gagawin pa kasi ako. Di bale, mabait naman ‘yan eh. Medyo makulit lang pero gentleman naman. Magugustuhan mo rin s’ya kapag nakilala mo na siya,” nakangiti niyang sabi sa‘yo, ngiting pampawala ng kung anumang ligalig sa iyong kalooban. Ngunit alam mong peke ang ngiti niyang iyon. Mas lalo ka lang nabahala. At hindi mo siya pinaniwalaan sa mga sandaling iyon.
At sa loob lang ng ilang minuto, kasabay mo na sa paglalakad ang taong nakita mo lang kanina habang nakatingin ka lang sa iyong likuran at malungkot na tinatanaw ang iyong “bestfriend”. Mas malamlam na ang iyong mga mata di tulad kanina at puno ito ngayon ng mga tanong na naghahangad ng agarang kasagutan. Hindi mo masyadong naririnig ang mga sinasabi ng di mo kilalang taong kasabay mo ngayon.
***
Kusang umandar ang buo mong katawan at ipinakilala mo ang iyong “bestfriend” sa kaibigan mong si Richard. Nakasuot ka ng isang ngiting nagsisilbing pantakip sa tunay mong nararamdaman. Pansin mo ang pagkalamlam ng mga mata ng iyong bes. Ngunit wala kang magawa…o mas pinili mo lang na walang gawin?
Kumapit siya sa iyong braso. Alam mong gusto na niyang umuwi kasama ka. Alam mong ayaw niyang sumabay sa taong ipinapakilala mo sa kanya. Subalit, sa hindi mo malamang dahilan, kumawala ka sa kanya at ipinaubaya mo siya sa iyong kaibigan. Napupuno ng mga “Yihee” at “Uyy” ang iba mo pang mga barkada. Tinutukso nila si Richard at ang bestfriend mo. Naaasar ka. Nasasaktan ka. Ngunit pilit mong itinatago’t isinisilid ang mga nararamdaman mo. Ayaw mong mahalata na nasasaktan ka…kahit lubos na ang kirot na nasa iyong puso.
Nagpaalam ka sa kaniya at saka sila naglakad palayo. Nakatingin pa rin “siya” sa iyo at ganoon ka rin sa kaniya. Ilang sandali lang pagkaalis nilang dalawa, umalis na rin ang iba mo pang barkada. Ikaw na lang mag-isa ang nandoon bukod sa mga estudyanteng labas-masok sa campus at mga guwardiyang matiyagang nagbabantay at nakikipagkwentuhan sa isa’t isa. Bawat hakbang nilang dalawa ay mas lalo siyang lumalayo sa’yo. May dalawang bagay kang pwedeng gawin: ang habulin siya at bawiin mula kay Richard o manatiling nakatayo at panoorin ang kanilang paglayo. Ngunit pinili mong tumayo habang walang kurap kang nakatingin sa kanya. Bumigat ang iyong puso at tila hindi mo na ito kaya pang buhatin. Nakakuyom ang iyong mga palad sa loob ng iyong bulsa dahil sa galit at inis sa sarili. Isang manipis ngunit matalim na kidlat ang humiwa sa kalangitan kasunod ang nakapanggugulat na dagundong ng kulog muna ang nagdaan bago tuluyang pinakawalan ng langit ang malamig na ulan. At nanaig ang kalungkutan sa buo mong katauhan. Kalungkutang ikaw mismo ang gumawa para sa iyong sarili.
Bigla mong naisip: Gusto mong bawiin ang lahat ng nangyari, gusto mong burahin ang mga sandaling iyon, gusto mong ibalik ang kanina, gusto mong…
…
Nang hindi mo na sila matanaw sa pagitan ng mga maliliit na kristal na bumabagsak mula sa abong kalangitan, saka mo naisipang maghanap ng masisilungan ngunit marahan ka lang naglakad. At paulit-ulit mong sinasabi sa iyong sarili: “Gago ako!”
Liham
Thursday, April 22, 2010Hunyo, 1988
Para sa aking iniibig,
Kumusta? Hindi mo ako kilala at hindi rin kita kilala pero sana’y nasa mabuti kang kalagayan habang binabasa mo ang liham kong ito. Wala akong maalala na nagkita na tayo. Wala rin siguro tayong mga malalapit na koneksyon. Hindi pa tayo nagkikita, at mas lalong hindi natin alam ang pangalan ng isa’t isa. Pero sa pinakapuso ng aking puso, alam kong mahal kita.
Hindi ko alam kung kailan nagsimula ang pagmamahal kong ito para sa ‘yo. At tulad mo, nagtataka rin ako sa nararamdaman ng puso ko para sa isang taong ni minsan ay hindi pa dumadampi sa aking buhay.
Isang malaking hiwaga ang pag-ibig. Balot ng misteryo. Pero masaya at magaan sa dibdib. Tulad ng nararamdaman ko ngayon para sa ‘yo. Ni hindi sumagi sa akin na iibig ako sa isang taong hindi ko pa nakikilala, o nakikita ng harapan. Isa man itong misteryo, lubos akong masaya dahil mahal kita.
Palagi kong pinapanood ang nakangiting bukang-liwayway ng kalangitan dahil sa bawat ngiting iyon, alam kong nakangiti ka rin. Dala naman ng malambot na ihip ng hangin ang iyong halik na unti-unting nanunuot sa aking labi. Ang takbo ng buong araw ay puno ng pag-asa sapagkat sa anumang oras, maaari tayong magkita o magkasalubong kahit hindi man natin nalalaman. Nakakapanabik ang paglubog ng araw dahil kasunod nito ang gabi bitbit ang mainit mong yakap sa gitna ng kalamigan ng madilim na kalangitan at maliwanag na buwan at mga bituing nagkakantahan.
At sa aking pagtulog, ikaw ang aking panaginip.
Mahal kita. Ngunit hindi sapat ang mga salita para saluhin ang malakas na agos ng pag-ibig na nagpipinta ng kulay sa aking puso. Ikaw ang awit at ang bahaghari sa bawat pagtibok nito.
Sana, o sana, balang araw, pagdating ng takdang panahon na itinadhana ng Kamay na gumawa ng lahat, lubos kong papangarapin at kasasabikan, ang araw na magkikita tayong dalawa, at buong dalisay kong sasabihin sa iyo na mahal kita bago pa man tayo nagkita.
Lubos na nagmamahal,
Ang iyong mangingibig
Bilihan ng Burger
Wednesday, March 10, 2010Pabosong sumisilip ang araw sa mga taong paroo’t parito sa kalsada at pilit silang nilililiman ng kaniyang liwanag bago pa man sumikat ang dilim na idudulot ng nagbabadyang pag-ulan. Abala kayong dalawa sa paghihintay na maluto ang in-order ninyong super special burger na naglalaman ng burger patty, cheese, itlog, bacon, ham, repolyo, mayonnaise, at ketchup.
“Mukhang uulan,” nakatingala niyang sabi matapos mapuna ang mga kulay abong ulap na unti-unting gumagapang sa buong lugar.
Tumingala ka rin at sumang-ayon sa kanya. Sa totoo lang, kanina ka pa hindi mapakali. Hindi mo lang ipinapahalata sa kanya dahil ayaw mong mag-alala siya sa ‘yo. Ayaw mong gawin “ito” pero napipilitan ka.
“Wala pa naman akong dalang payong,” pag-aalala mong sabi sa kanya.
“’Buti may dala ako. Sabay naman tayo mam’ya e kaya hindi tayo mauulanan,” malambing niyang sagot para mapawi ang iyong pag-aalala. Ngunit kung alam lang niya, higit pa roon ang iyong inaalala. Nginitian mo na lang siya pagkatapos saka pinagmasdan ang malapit ng malutong burger.
Sinimulan mo ang kwentuhan sa isang reklamo: “Grabe si ser, ‘no? Palaging late kung dumating sa klase.”
“Oo nga. Sayang lang ibinabayad nating tuition fee. Wala rin naman tayong natutunan sa kaniya e. Pa’no, binabasa lang niya ang mga nasa presentation niya,” dagdag pa niya.
“Sana refundable ang tuition fee kapag gano’n ang mga prof mo. Hehehe.”
Nakatawa siyang sumagot kasabay ang pagtapik sa iyong balikat, “Oo nga! Sa bawat late ng prof, may maibabalik sa ‘yo mula sa ibinayad mo. Hahaha!”
“Weeeeh. Tawa naman si Panget!” agad mong pambabara sa kaniya.
“Panget mo mukha mo!” at isang suntok sa braso ang iginanti niya sa iyo dahil sa pambabara mo. Palagi niyang ginagawa iyon sa tuwing napipikon siya sa pang-a-alaska mo. Kung hindi “Panget” ang tawag mo sa kaniya e “Baboy” naman minsan. At kung minsan naman, “Shrek”. Wala lang. Trip mo lang talagang asarin siya ng ganoon kahit hindi naman totoo ang mga salitang ipinang-aasar mo sa kaniya. Madalas mo siyang barahin at gustung-gusto mo ang mga reaksiyon ng mukha niya. Kumbaga para sa iyo, ganoon ang paraan mo ng panlalambing sa kaniya. At kahit nakabusangot ang kaniyang mukha, naku-cute-an ka pa rin sa kaniya.
Kasunod niyong napagkuwentuhan ang exam kanina. Hindi alam ng mga kaklase niyo at lalo na ng mga prof na nagkokopyahan kayong dalawa kahit magkalayo. Gamit ang bluetooth ng cellphone ninyo, patago niyong kinukuhanan ng picture ang inyong mga sagot at solutions saka ipapasa sa isa’t isa. Madalas siyang magreklamo sa sulat mo dahil hindi niya maintindihan ang sulat-kamay mong pang-reseta-ng-gamot habang ikaw naman ay madalas magreklamo sa tagal ng pagbu-bluetooth niya ng sagot sa iyo.
Habang masaya kayong nagkukwentuhan, nakuha niyo na sa wakas ang in-order ninyong burger. Bumili rin kayo ng 7-Up bilang panulak. Hindi lang kayo ang nandoon. Madalas dinadayo ng mga estudyante ang mga burger stand bilang pamatid-gutom matapos ang mahaba at nakakaantok na klase. Mayroon ding mga iba pang pagpipiliang pagkaing ang mga nagugutom at nagtitipid. Nandiyan ang kwek-kwek, fishball, squidball, calamares, kikiam, banana cue at camote cue at palamig bilang pamatid-uhaw. At may ibang footlong at iba’t ibang klaseng shake ang itinitinda.
Sa bawat pagkagat at pagnguya niya sa burger, palihim mo siyang tinitignan. Sa tuwing pinapanood mo kasi siyang kumakain, napapangiti ka. Namamangha ka kasi sa kanyang kagandahan kahit kumakain siya. Patago mo siyang tinititigan sa tuwing hindi siya nakatingin at palihim ka ring ngumingiti. Magkalapit lang ang inyong upuan at hindi mo maiwasang kiligin.
“Bakit?” pag-usisa niya matapos mahuli kang nakatitig sa kaniya. “May kung ano ba sa mukha ko?”
“Ha? W-wala. Wala naman,” nakangiti kang sumagot para hindi siya mag-isip ng kung ano at saka mo iniwas ang iyong mga mata sa kaniya. Bumalik siya sa pagkain pagkatapos. Inubos niyo muna ang inyong burger bago ininom ang biniling panulak. Umalis na kayo matapos kayong magbayad sa ale.
“Ano? Uwi na tayo?” muli niyang tanong sa iyo. Napansin mo ang ngiti sa kanyang mukha. Sa ngiti palang niyang iyon, nagiging instant obese ang puso mo sa ligaya. Naihiling mo sa iyong sarili: “Sana, hindi na matapos ang sandaling ito.”
Gusto mo na sanang umuwi din kasama siya kaso hindi pa pwede. May kailangan ka pang gawin. May kailangan ka pang tuparing pangako. Bago kayo makatawid ng kalsada, mahina kang nagsalita sa kaniya,
“Ah, hindi na muna. May ipapakilala pa kasi ako sa ‘yo.”
Kumulog sa kalangitan babala ng isang paparating na sigwa.
Paano yumaman (agad)?
Wednesday, February 17, 2010Paano nga ba yumaman?
Marahil halos lahat yata ng Pilipino e gustong yumaman. Baguhin natin ang pangungusap. Marahil halos lahat yata ng Pilipino e gustong yumaman agad. Tama ba ako? Marahil halos lahat yata e gustong maging si Pacquiao o maging kamag-anak ni Pacquiao dahil sa sobrang yaman nito na ayon sa narinig ko sa tv kanina, sa may Punto por Punto, e maraming bahay si Manny saanmang panig ng bansa at madalas ang nakatira e caretaker niya. Andami rin niyang sasakyan! Bukod pa roon, may mga pagmamay-ari rin siya sa ibang bansa! Hanep talaga si Manny. Sa sobrang yaman, nagiging instant gwapo siya! O dibadibs? Hehehe. Marami rin siyang pelikula na hindi kumita. Wala e. Ganun talaga. Marami naman siyang pera kaya produce siya nang produce ng mga pelikula kahit hindi pumapatok sa takilya. Pero ika nga ni Ara Mina, “Ayos lang basta bayad ang talent fee ko.” (Parang ganiyan ang pagkakasabi) Asteg. Pero lahat naman ‘yon e pinagpaguran niya mula nang pumasok siya sa pagbo-boxing.
Sa panahon natin ngayon na mas naghihirap ang mga mahihirap at mas yumayaman pa ang mga mayayaman, e talagang mas nanaisin ng mga dukhang Pinoy na yumaman para makatikim ng ginhawa. Pero aminin natin o hindi, mas gusto natin ng instant yaman ka’gad. Mas maganda ring pagyaman e ‘yung buhos lang nang buhos ang pera sa ‘yo kahit wala kang ginagawa. Ansarap siguro ng buhay mo kapag gano’n. Haha. Papalobo ka lang ng uhog mo e patuloy pa rin sa pag-ulan ng pera sa bulsa mo.
Kanina, narinig ko ang isang ale habang nag-uusap sila ng isang mama at ng isa pang ale. Sabi ng mama, “O magkano ba kailangan mo?(tawa)” Sundot naman ng ale, “Hahaha, ‘yan ang gusto kong anak, maraming pera!”
Sa mundo natin ngayon na mas pinapahalagahan ang mga materyal na bagay (na kung hindi ako nagkakamali e pinauso ng kaisipang Kano), nararapat talagang mayroon kang pera para bumili ng mga maluhong bagay upang sustentuhan lang ang “kaligayahan” mo. Ang tawag ko sa kaligayahang ito e “disposable happiness”. At para masustentuhan mo ang kaligayahang naka-ugat sa pera, maabot ang pakiramdam na mas nakaaangat ka sa iba dahil mayaman ka, na may kapangyarihan ka dahil sa pera, na tanyag ka dahil sa marami kang pera, at dahil pera ang nagpapaikot sa mundo, eto, may mga paraan akong inilatag para mas madali at mas mabilis kang yumaman. Inilista ko rito mula sa pinakamadali hanggang sa pinakamahirap.
Kaya para makuha natin kaagad ang yaman=ginhawa, simulan na natin ‘to:
(more…)
Sa Loob ng Elevator
Saturday, February 6, 2010“Hi,” nakangiti mong unang bati sa kaniya pagkatapos niyang pumasok sa loob ng elevator. Kayong dalawa lang ang nasa loob at hindi mo inaasahan iyon. Pauwi ka na galing ng trabaho at nasa mataas na floor ang inyong opisina. Pagod ka sa dami ng trabaho kaya hindi mo maiwasan ang mga ganitong oras ng uwi. Mga ilang minuto pagkatapos ng ikalawa at kalahati ng madaling araw ang basa mo sa iyong relos bago mo narinig ang “ting” ng elevator saka nagbukas. Pumasok ka at ang akala mo ay bababa na ito ngunit umakyat pa pala ng isang floor. At pagbukas ng pintuan ng elevator, nabigla ka sa isang mala-diwatang anghel na kagandahan nang pumasok ang dalaga. Napapatanong ka tuloy sa iyong sarili kung bakit sa itinagal-tagal ng pagtatrabaho mo sa loob ng inyong building ay ngayon mo lang nakita ang babaeng iyon.
“Ako nga pala si Joel,” agad mong pagpapakilala sa kaniya. Lihim kang tumitingin sa kaniya gamit ang reflection sa dingding ng elevator. Nalulusaw ka sa maamo niyang mukha at sa suot niyang simple ngunit magarang kasuotang pang-opisina. Isinunod mong binanggit ang iyong position at ang kumpaniyang pinagtatrabahuhan mo. Umaasa kang makikilala mo siya ng mga sandaling iyon at magsisimula ang isang kwentuhang magpapalapit sa inyong dalawa subalit hindi siya sumasagot at tila binging iniisnab ang mga sinabi mo.
Napalunok ka sa iyong pagkapahiya kasabay ang pagsabi sa iyong sarili ng: “Hmp. Suplada.”
Patlang.
Maya-maya, nang wala man lang kaabi-abiso, biglang tumigil ang elevator at nag-off ang ilaw nito. Napahawak ka sa iyong sinasandalan at inilibot ang iyong mga mata sa buong paligid upang malaman kung anong nangyari. Saka mo napansin na tila natatakot ang babaeng kasabay mo sa loob.
“Miss, ayos ka lang ba?” agad mo siyang tinignan at tumingin rin siya sa iyo at tumango. Nababanaag mo sa kaniyang mukha ang takot. Maagap mo siyang nilapitan at inakbayan upang bigyan ng kahit papaano’y kapanatagan ng kalooban. Ramdam na ramdam mo ang panginginig ng kaniyang katawan. “O-ok lang ako. Ok lang ako,” nangangatal ang kaniyang boses at maya-maya lang ay may gumuhit ng luha sa kaniyang mga mata.
Dahan-dahan kayong napaupo sa isang sulok ng elevator habang pilit mo siyang pinakakalma. Pumasok sa isip mo na baka claustrophobic ang babaeng kasama mo ngayon dahil sa panginginig sa takot ng kaniyang katawan. Kaya dalian kang nag-isip ng paraan upang humupa ang takot na kaniyang nararamdaman. “Miss, tingin ka sa akin. Huminga ka nang malalim. Ayan. Ganiyan. Mag-isip ka ng isang malawak na lugar. Isipin mo nandoon tayo ngayon. Good. Mag-focus ka sa iniisip mong iyon. Ayan.”
Unti-unting nababawasan ang panginginig at pangangatal ng kanyang boses. Sa kalagitnaan ng kaniyang takot, pinilit pa rin niyang magsalita upang magpasalamat. “S-salamat.”
“Wala ‘yon. Basta mag-isip ka lang ng malawak na lugar para hindi ka gaano matakot,” nakangiti mong pagpapakalma sa kaniya. Sumagot rin siya ng isang maliit na ngiti.
“Ano ba ‘yan? Nag-brown-out pa. Tsk,” pabulong mong reklamo sa iyong sarili na inambunan naman ng positibong tugon, “Di bale. Maganda naman ang kasama ko e.” Nakaakbay ka pa rin sa kaniya at hawak-hawak ang kaniyang mga kamay. Damang-dama mo ang lambot ng mga kamay niya at ganoon din ang lamig na dala ng takot. Nababanguhan ka sa amoy ng kaniyang buhok na humahalo sa pabangong bumabalot sa kaniya. Ilang minuto muna ang nagdaan bago niya binasag ang katahimikan sa loob ng maliit na espasyong kinaroroonan ninyo.
“Ako nga pala si Marissa,” medyo nahihiya ang kaniyang boses na mababakasan pa rin ng kaunting takot.
“Huh?”
“Di ba tinanong mo kanina kung ano ang pangalan ko?” nakatingin niyang sabi sa iyo. Malapit lang ang distansiya ng inyong mga mukha kaya kitang-kita mo ang mabibilog niyang mga mata na tila tumatagos hanggang sa iyong kaloob-looban. Parang nalulusaw ang iyong puso sa ganda ng kaniyang mga tingin.
Nakatawa kang sumagot, “O-oo nga pala. Hehe. Akala ko masungit ka talaga eh.” Nakangiti siyang tumungo pagkatapos mong muling tumingin sa kaniya.
“So Marissa, matagal ka na ba dito sa building? Anong kumpaniya ka pala nagtatrabaho?” Inaasahan mong sasagot siya pero nahalata mong lumuluha na pala siya. Nagtangka kang magtanong, “Um…Marissa? Ayos ka lang ba? Try to think of wide spa—“
“No. No. Wala ‘to. May naalala lang kasi ako,” agad niyang tinanggal ang kaniyang mga kamay mula sa pagkakahawak mo at maagap na pinunasan ang luhang dumadaloy sa kaniyang pisngi. Saglit kang tumahamik at nakiramdam bago muling nagsalita.
“Kung ayos lang sa ‘yo, pupwede mo namang sabihin sa akin at baka, malay mo, makatulong ako sa ‘yo.”
“’De. Kahit hindi na,” agad siyang ngumiti sa ‘yo. “S-salamat na lang.”
“You know, I can help you. Tungkol sa ano ba ‘yan? Tungkol ba ‘yan sa family? Sa career? I think, wala namang masama kung ise-share mo sa akin ‘yang nararamdaman mo. Gagaan pa ‘yang dinadala mo kapag may taong nakinig sa mga problema mo. ‘Wag ka ng mahiya sa akin. Tell it and I will listen.”
Nagbuntung-hininga muna siya saka ipinatong ang kaniyang baba sa kaniyang tuhod at niyakap ang kaniyang mga binti bago malungkot na nagkwento. “M-may boyfriend kasi ako. Matagal na rin kami. Mula pa noong college. Siguro over 7 years na rin kaming mag-on. Mabait siya at sobrang maalalahanin. Napaka-supportive din niya sa akin. We were in a steady relationship. Wala na akong ibang mahihiling pa. Sabay kaming nangangarap mula sa aming magiging kasal, sa dream house, at sa kung ilan ang magiging anak namin. It was a very beautiful relationship that one could ever wish for. Then a few months after ng 7th anniversary namin, parang may nagbago. Hindi ko alam kung ano ang nagbago pero parang nakaramdam ako ng something na alam kong magiging mitsa ng isang malaking problema sa aming relationship.”
Saglit siyang huminto saka muling nagpatuloy. “Walang third party. Lilinawin ko lang. Wala talagang third party. It’s just, there is something in him na parang lagi niyang dala-dala at inaalala. Whenever I asked him tungkol sa kung ano ang iniisip niya o kung may problema siya, hindi siya umaamin. He always tell me that there is nothing to worry and then he will show me a fake smile. He can’t fool me. I believe in my intuitions. And I know him so much. Our souls are like connected to each other and I know there is something wrong. That there is something that he always carries and worries a lot. Sa tingin ko, parang isang napakalaking problema pero ayaw lang niyang sabihin sa akin. And anong magagawa ko? I always try to make him smile just to light up his day.
“And even araw-araw kaming pumapasok sa trabaho at palaging magkasama, he never uttered a single word about that ‘something’ which worries him. I thought na baka may sakit siya pero wala naman. Ayos naman ang pamilya niya at ang trabaho niya. Pati ang relationship namin, maayos naman. But still, nararamdaman ko pa rin na may isang bagay na sobrang nagpapabigat ng kaniyang kalooban and I don’t have any ideas kung ano ‘yon? I just pray na sana kung anuman ‘yon e malagpasan niya. And one day, sasabihin niya sa akin kung ano ‘yon.”
Patlang.
Hinayaan mo muna siyang tumahimik at muling punasan ang kaniyang mga namumugtong mga mata. Sinusubukan mong pakalmahin ang kaniyang kalooban. Maya-maya, ipinagpatuloy niyang muli ang pagkukwento.
“And then one sunny day, wala akong kaide-ideya. Siguro lunch break ‘yon. Hinahanap ko siya para sabay kaming mag-lunch pero hindi ko siya makita. Hanggang sa may tumawag sa aking officemate ko. Sa lakas ng tono ng kaniyang boses at sa galaw ng kaniyang katawan, alam kong pinamamadali niya ako dahil may nangyaring kung ano. I was very nervous habang tumatakbo kami. At sa loob ng CR ng mga lalake, I found him hanging in the ceiling. A telephone cable was tied around his neck. Sobra akong nanlumo sa nakita ko. Hindi ako pwedeng magkamali. Sa likod pa lang ng katawang nakabitin sa kisame, alam kong siya ‘yon! Ang boyfriend ko! He committed suicide. He committed suicide!” bumuhos ang mabibigat na luha sa kaniyang mga matang kanina pa umiiyak. Tumatagos sa iyong dibdib ang kaniyang walang tigil na paghagulgol.
Agad mong siyang inalo habang patuloy sa pagtagas ng luha sa kaniyang mga mata. Wala kang magawa kundi aluin siya. Walang salitang lumalabas sa iyong bibig na magpapagaan sa kaniyang kalooban. Walang magawa ang iyong sariling kanina lang ay malakas ang loob na nagpakilala sa kaniya. Nagpatuloy pa rin siya sa pagsasalita kahit hirap ng huminga at panay ang pagsinghap, “M-mahal ko siya… S-sobrang mahal ko siya…”
“Sshh…I know…I know…Mahal mo siya…Tahan na…Tahan na, Marissa…” niyakap mo ang babaeng kanina lang ay balot ng takot ngunit ngayon ay punung-puno ng kalungkutan ang puso. Paulit-ulit mo siyang pinapatahan habang umaalingawngaw sa apat na sulok ng elevator ang kaniyang hikbi at pag-iyak.
“Don’t worry. I’ll be here for you. Mula ngayon, magkaibigan na tayo.” Winika mo ang mga salitang ito bagama’t ang una mo talagang gustong mangyari ay maging nobya siya. Ngunit wala ka rin namang magagawa dahil nalulunod sa kalungkutan ang babaeng kasama mo ngayon sa loob ng elevator. Alangan namang samantalahin mo ang pagkakataon para pumorma sa kaniya?
Pagkatapos, itinaas niya ang kaniyang ulo at nakangiting tumingin sa iyo, “S-salamat…Joel…” Parang musika sa iyong tainga nang marinig mo ang pagbanggit niya ng iyong pangalan. Isang maginhawang ngiti ang isinukli mo sa kaniya.
Biglang nagkailaw at umandar ang elevator. Agad kayong tumayo at dumistansiya ka sa kaniya. Gayunpaman, mayroong mga ngiti sa inyong mga mukha. “Paglabas natin dito, ililibre kita sa labas para naman gumaan ang loob mo.” Nakangiti lang siyang tumango.
*Ting*
Agad kang humakbang palabas ng elevator pagkabukas ng pinto at nakita mo ang mga nag-aalalang security guard na sumalubong sa ‘yo. “Ser, kamusta po kayo? Ayos lang po ba kayo? Bigla po kasing nag-brown-out kaya huminto ang elevator.”
“Oo, oo. Ayos lang ako. ‘Wag niyo na akong alalahanin. Siya muna dapat ang –” Ngunit paglingon mo ay wala ka ng makitang ibang sakay sa loob ng elevator. Ni anino ng babae ay wala kang mahanap. Agad namang nagsalita ang isa pang security guard, “Ser, wala po kayong kasama nang magbukas ang pinto. Wala po kaming nakitang iba bukod sa ‘yo. Kayo lang po talaga ang nasa loob ng elevator.”
Ilang segundo kang hindi nakapagsalita. Mabilis at sigurado ang bawat pagbalot sa iyo ng pangingilabot at tumindig ang lahat ng iyong balahibo. Nanlaki ang iyong mga mata at biglang pinawisan. “H-hindi maari…K-kanina may kasama ako…”
“Ser, wala po talaga.”
Agad mong naalala na matagal na palang abandunado ang floor sa taas ng inyong opisina dahil sa isang babaeng nagpatiwakal sa loob ng CR. Saka mo rin naalala ang mga kwento tungkol sa isang babaeng nagpapakita sa elevator tuwing 2:30 hanggang 3:00 ng madaling araw. Hindi ka makapaniwala. Ayaw mong maniwala.
“Sh*t!”
Computer Shop
Saturday, January 23, 2010“Ano ba talaga kayo?” tanong ng isa mong kaibigan habang nakatambay kayo sa isang klasrum na walang prof at mga estudyante. Tanging mga upuang magulo ang ayos at mga balat ng kendi’t kapirasong mga papel ang inyong mga tagapakinig.
Paulit-ulit ka nilang kinukulit ng mga ganitong tanong tungkol sa inyong dalawa. Subalit panay pagtanggi naman ang iyong ginagawa. Ayaw mong malaman nila ang iyong lihim. Ayaw mong may ibang makaalam tungkol sa tunay mong nararamdaman para sa “kanya”. Mahirap na. Konting singaw lang ng iyong lihim ay maaaring maging isang malaking usok.
“Uy girl, baka naman pinapaasa mo lang siya ha.”
Agad kang sumagot at ipinagtanggol ang iyong sarili, “Hindi ha. At anong pinapaasa? Magkaibigan lang talaga kami.”
“Uyyyy…Defensive,” nakangising panunukso nila sa iyo habang hindi mo mapigilan ang pagmula ng iyong pisngi.
Minsan, naiinis ka na talaga sa kakulitan ng mga kaibigan mo. Naisip mo minsan na tumahimik na lang at i-“silent treatment” sila kapag nagtanong ulit ng ganoon. Kaso, naisip mo ring kung sakaling tatahimik ka lang, sasabihin naman nilang ‘Oo’ ang sagot mo kasi nga, “Silence means yes.” At kapag sumagot ka naman, defensive naman ang sasabihin nila. Sa kanan o kaliwa ka man pumunta, parehas pa rin ang patutunguhan. Iisa lang ang magiging sagot para sa kanila. Kaya nga sinasakyan mo na lang ang mga hirit nila sa tuwing ikaw ang kanilang pinagti-trip-an habang pilit mong itinatago ang lihim mong pag-ibig sa pinakamamahal mong kaibigan.
“Eh, teka. Wala bang pag-asa sa ‘yo ‘yung kaibigan ng bestfriend mo? ‘Yung si Richard? Di ba, gwapo rin ‘yon? Baka ‘yon talaga ang gusto mo, ‘no?” pabiro ngunit mapanuring tanong ng isa mo pang kaibigang abala sa pagkain ng potato chips.
“Uy, hindi ha. Wala akong gusto do’n,” todo-tanggi mo namang sagot. Inilabas mo ang iyong cellphone saka nagsimulang magpipindot at nagbabakasaling maya-maya lang ay hindi ka na nila pagti-trip-an.
“Weh,” tukso ng iyong kaibigan kasabay ang pagkumpas ng kaniyang kamay. “Ang gwapu-gwapo kaya n’on,” pagdagdag pa niya. “Ang balita ko nga, may gusto ‘yon sa ‘yo. Pa’no pala kung ligawan ka n’on? Sasagutin mo ba?”
“Imposibleng ligawan ako n’on ‘no,” medyo inirapan mo ang kaibigan mong iyon. Samantala, patuloy ka pa rin sa pagiging abala kuno sa iyong cellphone. “Grabe kayo mag-isip,” dagdag mo pa kasabay ang pag-iling.
“E kung ligawan ka nga niya, sasagutin mo ba?” nakangising tanong ng isa mo pang kaibigan.
“Hindi,” madiin mong sagot sa kanila kasabay ang paghiling sa mga talang hindi nakikita tuwing umaga na sana ay tumigil na sila sa kakukulit sa iyo. Iniwas mo ang tingin mo sa kanila. Para sa ‘yo, halata naman na siguro sa iyong mga mata’t ikinikilos ang pagkairita mo sa mga pangungulit nila.
“’Hindi’ kasi nga, mas gusto mo si bestfriend!” sabay-sabay nilang sabi kasunod ang nakakatuyang halakhak. Dinig na dinig mo ang kanilang pagtawa na umalingawngaw sa apat na sulok ng klasrum.
Mas lalo kang namula at nainis sa kanila. Gusto mo silang iwan pero hindi mo ginawa at baka kung ano pa ang isipin nila. Tumahimik ka na lang at nagpakitang naiinis. Ilang minutong hindi mo sila pinansin kahit makailang ulit nilang tinawag ang iyong pangalan. Naramdaman naman nilang pikon ka na kaya agad ka nilang sinuyo at humingi ng tawad. Pagkatapos, tumayo kayong lima sa upuan at lumabas ng room patungo sa kainan sa labas at sabay-sabay tumawa, nagkwentuhan, at nag-o-krayan.
***
*Dominating!*
Maingay. Medyo masikip. At puno ng estudyante ang suki ninyong computer shop. Siksikan ang mga nasa loob ng shop. Bawat computer ay may gumagamit. Marami rin ang nakatayo’t nanonood ng laro. Mangilan-ilan naman ang mga nag-i-internet o gumagawa ng assignment o nagre-research. At yamot na yamot naman ang lalakeng nagbabantay sa shop. Halos isang oras pa ang hihintayin bago magsimula ang susunod niyong subject. Napapangisi ka dahil maganda ang laro mo ngayon. Wala ka pang patay. Ikaw ang nangungunang player. Taob silang lahat sa ‘yo.
“Aba! Anganda ‘ata ng laro mo ngayon, ah,” puna ng isa mong kaibigan habang pilit niyang pinapatay ang hero mo. Ngumiti ka lang at nagawa mong i-kill ang hero niya. Napamura na lang ang kaibigan mo pagkatapos.
“Hoy! May assignment na ba kayo?” tanong ng isa mo pang kaibigang abala rin sa paglalaro.
Sumagot ang katabi mo, “Wala pa. Teka, sino na ba’ng may assigment diyan? Pakopya naman mam’ya.”
Agad namang tumugon si Richard na may halong pagyayabang, “Sure.” Nakaupo siya sa kabilang hilera katapat mo.
“May assignment ka na Richard?!” pagkagulat ng katabi niya kasabay mapatay ang kaniyang hero.
“Oo. Kakokopya ko lang kanina e. Teka lang… Pusanggala! Putik! Waaa— Deds. Anlakas mo ngayon, ah,” pagpuri niya sa ‘yo matapos mong matalo ang hero niya.
*Godlike!*
“Hehehe. Wala e. Gano’n talaga. Weak kasi kayo e,” buong yabang mong sabi kasabay ang pagkibit-balikat. Minura ka ng iba niyong kaibigan sa kayabangan mo na tinanggap mo naman sa pagtawa. Ganoon talaga sa magkakabarkada, nagmumurahan.
“Yabang,” pang-aasar naman sa iyo ni Richard. Tumawa kayo. Pagkatapos, nanahimik kayong magkakabarkada. Nag-concentrate kayo sa paglalaro. Medyo matagal bago muling nagsalita si Richard. “P’re, girlfriend mo na ba ang bestfriend mo?”
Nagulat ka sa kanyang tanong. Biglang nawala ang konsentrasyon mo sa paglalaro. Bakit niya naman biglang naitanong iyon, reklamo mo sa iyong sarili. Ayaw mo sanang sumagot pero sumagot ka pa rin nang patanong kahit medyo naiirita ka, “H-ha? Bakit mo naman naitanong?”
“Wala lang. Parang gf mo na kasi siya sa sobrang close niyo e.” Napalunok ka sa iyong mga narinig.
“Oo nga. Nagseselos na kasi sa inyo si Mokong e,” sabat ng katabi niya. “Utot mo,” pagtanggi ni Richard.
“Torpe kasi! Haha! Palibhasa, UB! Urong-bayag! Hahaha!” sabat naman ng katabi mo. “Mga gago,” naaasiwang tugon ni Richard sa mga nagtatawanan ninyong kaibigan.
“H-haha. Magkaibigan lang kami, ‘no ka ba? Bestfriend lang tingin ko sa kanya,” sabi mo na may halong konting nginig sa iyong boses. Parang alam mo na ang mga susunod niyang sasabihin at ayaw mo nang marinig pa. Gusto mong takpan ang dalawa mong tenga. O kundi man, putulin ang dila ni Richard para hindi na niya ituloy pa ang sasabihin niya. Naiinis ka at napunta sa “kanya” ang usapan. Ayaw mo kasing pinag-uusapan ang kung anumang meron sa inyong dalawa dahil mas nahihirapan ka lang ikubli ang tunay mong nararamdaman para sa iyong pinakamamahal na kaibigan.
“Ah, gano’n ba? ‘Tol, ayos lang bang magpatulong ako sa ‘yong manligaw? Balak ko kasing ligawan siya e. Tutal, bestfriend mo naman siya…” Nagpatuloy pa siya sa pagsasalita subalit hindi mo na naririnig ang mga sinasabi niya. Sa isang iglap, nilamon ka ng nakakahilong kumunoy at nawalan ka ng lakas para makaalis sa pesteng sitwasyong iyon.
Sasagot ka ba o hindi? Kumabog ang dibdib mo tulad sa mga nagtatalunang dambuhalang alon sa binabagyong karagatan. Pinagpawisan ka ng malamig bagama’t medyo mainit sa lugar ninyo. Parang mga tanong sa isang exam na hindi mo alam ang sagot at sa ilang saglit lang ay dapat ng ipasa. Kailangang may makopyahan kang sagot pero wala kang mapagkuhanan. Wala ka ring kodigo para sa mga ganitong klase ng sitwasyon. Gusto mong putulin sa timeline ng buhay mo ang mga sandaling iyon. Natuliro ka. “Ano ang isasagot ko?” naguguluhang tanong mo sa iyong sarili. Mabilis na naging pula ang buhay ng hero mo hanggang sa…
*Our champion has fallen!*
“HAHAHAHA!!! Deds ka ngayon!” tuwang-tuwa si Richard na parang nanalo sa lotto nang mapatay niya ang hero mo. Ngumiti ka na lang at hindi nagpahalata ng iyong pagkatuliro at pagkailang. Gusto mo nang tumayo at umalis at iwan sila ngunit hindi mo pwedeng gawin. Baka kasi kung ano pa ang isipin nila kapag ginawa mo iyon kaya minabuti mo na lang na tumahimik.
Nanigas ang buo mong katawan ng muli siyang nagtanong sa iyo: “Ano ‘tol? Ayos lang ba sa ‘yo?”
Ang Binhi
Saturday, January 16, 2010“Guro, ang sabi po ng isa kong kaklase, mas importante raw ang pagtupad sa pangarap. Ang isa naman, ang paghahanap ng sarili mong kaligayahan. At iyong isa naman po, mas mahalaga raw ang pagtulong sa kapwa. Naguguluhan po ako. Alin po ba sa mga ‘yun ang talagang mahalaga?” tanong ng Estudyante sa Guro.
“Bago ko sagutin ‘yan, hayaan mong kwentuhan kita ng isang maikling kwento. Isang kwentong ipinasa-pasa sa bawat henerasyon.” Parehas silang umupo sa luntiang damuhan sa tabi ng isang matandang puno na tanyag sa kanilang lugar dahil sa masasarap nitong mga bunga at mga luntiang dahon, matitibay na mga sanga at malawak na lilim, sa mga kwento at alamat noong unang panahon, at mga lihim at karunungan ng mundo.
“Minsan may isang binhi na hindi alam kung ano ang nararapat niyang gawin. Hindi nagtagal, may lumapit na isang tao. Sa kanyang itsura at tindig, nakilala ng binhi na iyon ang Pantas. Tinanong niya ang Pantas kung ano ang nararapat niyang gawin. Kinuha ng Pantas ang binhi at sa di kalayuan, ito’y kanyang itinanim. Noong una, hindi maintindihan ng binhi ang ginawa ng Pantas. Dumaan ang mga araw, nagkaroon siya ng mga ugat, tumubo ang kanyang tangkay at nagkaroon siya ng mga dahon. Siya ay nabigla at natuwa na mayroon pala siyang ganoong kakayahan. Bagama’t pakiramdam niya, hindi iyon sapat upang punan ang nararamdaman niyang kakulangan. Ilang araw muna ang dumaan bago siya binalikan ng Pantas.
“Nagtanong siyang muli kung bakit siya itinanim. Sumagot ang Pantas, ‘Upang ikaw ay maging puno. Ikaw ay naging binhi upang maging isang puno. Iyan ang ipinagkaloob sa iyo.’
“‘Ngunit hindi ko ‘yon kaya. Imposible iyon mangyari. Masyado akong maliit para maging isang puno,’ pagtutol ng binhi na ngayo’y isa ng maliit na halaman.
“‘Hindi ka naging binhi kung hindi mo kayang maging puno. Magtiwala ka lang sa iyong puso at sa nagbigay niyan sa iyo,’ sagot ng Pantas saka siya nagpaalam na umalis. Bitbit ang tiwalang ibinigay ng Pantas, nagkaroon siya ng lakas ng loob upang maging isang puno balang-araw. Sa gitna ng matitinding bayo ng hangin, sa malalakas na bagsak ng ulan, sa malalamig na gabi, at sa tindi ng sikat ng araw, naroon pa rin siya’t nakatayo. Patuloy na lumalaki hanggang siya’y maging isang puno.
“Siya’y tuwang-tuwa at punung-puno ng kagalakan ang kanyang puso. Hindi makapaniwalang ang dating maliit na binhi, ngayon ay isa ng malaking puno. Namunga siya ng prutas na walang kahalintulad sa sarap at nutrisyon. Subalit sa kabila ng lahat ng ito, nakadarama pa rin siya ng kalungkutan.
“Makalipas ang ilang taong hindi nila pagkikita, dumating ang Pantas upang siya’y kumustahin.
“Ikinuwento niya ang kanyang mga pinagdaanan: mga bagyo’t tag-init na kanyang nalagpasan, mga pagsubok at paghihirap sa bawat araw na dumaan, at makailang ulit na pagsuko at pagtayo. Ibinahagi din niya ang kanyang kaligayahan nang siya’y maging isang puno. Ipinagmalaki niya ang kanyang mga naggagandahang dahon, at mga masasarap niyang bunga. Ipinakita rin niya kung gaano siya naging katatag sa lahat ng pagsubok at kung paano siya nagtiwala sa kanyang puso. At naibulalas din niya ang kalungkutang nagtatago sa kanyang anino.
“‘Ngayon, isa na akong puno,’ buong puso niyang pagmamalaki. ‘May matitibay na mga sanga, mga magagandang luntiang dahon, malawak na lilim, at masasarap na mga bunga. Ngunit sa kabila ng kaligayahang nadarama ko ngayon, aanhin ko ang lahat ng ito kung wala namang makikinabang? Aanhin ko ang tagumpay sa pagtupad ng pangarap kung ako lang mag-isa ang babahagi sa kaligayahan kong ito? Para saan pa ang kaligayahang aking nadarama kung wala akong mga kasama?’ pag-iyak ng puno. Ang kanyang daing ay narinig ng hangin na nagpalamig sa kanya; ng araw na nagpa-init sa kanya; ng lupa na kanyang naging suporta; at ng tubig na sa kanya’y dumidilig. Gusto man nila siyang tulungan ngunit hindi nila alam ang kanilang gagawin. Naramdaman din ng Pantas ang luha ng puno na bagama’t sa kanyang kalakihan at kagandahan, nagkukubli pa rin ang kulungkutan.
“Umalis ang Pantas. Samantala, malungkot namang naiwan ang puno sa pag-aakalang wala na itong maisasagot pa sa kalungkutang kaniyang dinadala.
“Ngunit siya pala’y nagkakamali. Ilang oras lang ang lumipas, bumalik din ang Pantas…ng may iba pang mga kasama. Mga bata’t matanda, lalake’t babae, mga ibon at hayop, bawat isa’y nakangiti at masayang tinatahak ang kaniyang lugar. Dahan-dahang gumuhit ang ngiti sa kanyang puso. Nakaramdam siya ng kakaibang init sa kanyang kalooban. Malugod niyang sinalubong ang lahat.
“Tiningala ng Pantas ang puno at nakangiting nagsalita, ‘Natutuwa akong hinanap mo ang iyong pangarap at sarili. Ikaw ay nagtiwala sa pangarap mong ito at sa iyong puso, at napagtagumpayan mo itong tuparin. Dahil dito, natagpuan mo ang sarili mong kaligayahan. At mas natutuwa ako na ang kaligayahan mong ito ay hindi mo sinarili. Ito ay malugod mong ibinahagi sa iba. Ang tawag sa nararamdaman mo ngayon diyan sa loob ng iyong puso…ay pagmamahal. Masaya akong mula sa iyong paghahanap ay nahanap mo ang iyong pangarap. At ang pangarap mong ito ay iyong natupad. Natanggap mo ang sarili mong kaligayahan at ibinahagi sa iba. Natuto kang magmahal. Masaya ako para sa iyo.’
“Taos-pusong nagpasalamat ang puno. Magmula noon, hindi na nawala ang ngiti sa kanyang puso at ang kanyang kwento ay naging kilala sa buong mundo.”
Freedom Park
Saturday, December 19, 2009Tinext ka niyang samahan mo siyang tumambay sa freedom park. Tutal, wala naman na kayong klase at maaga pa upang umuwi. Dali-dali kang tumayo sa iyong kinauupuan at nagpaalam sa iyong mga kalaro.
Pagpasok mo sa Gate 4, dumaan ka muna ng rest room sa food court para ayusin ang iyong sarili at magpabango upang mawala ang anumang hindi kanais-nais na amoy galing sa computer shop. Napatingin ka sa salamin at tinanong ang iyong sarili,
“Magtapat na kaya ako?”
Nagitla ka sa iyong sinabi. Biglang bumilis at lumakas ang tibok ng iyong puso. Nablanko ang laman ng iyong isipan at tila bumagal ang oras. Matagal kang nakatitig sa salamin. Iniisip mo kung paano mo sasabihin na mahal mo siya, paano ang magiging gawi o istilo mo sa pagsasalita, paano ang iyong mga ikikilos, at kung paano mo palilitawing romantiko ang bawat bibitawan mong salita. Subalit naisip mo ring baka ikaw ay masaktan lang sa huli.
Atras-abante ang iyong puso. Wala kang magawang matinong desisyon. Pilit mong pinipiga ang iyong utak upang makaisip ng mga pamatay na linya ngunit wala kang mahalungkat sa isip mong biglang binulabog ng iyong mga salitang sinambit kanina. Anuman ang gawin mong paghalughog sa iyong isipan ay wala ka talagang mahukay na walastik na linya. Mukhang uurong ka na lang, ang naibulong mo sa iyong sarili. Muli mong hahayaan ang pagkakataon na mawala at palalampasin ang sandaling matagal mong hinihintay – ang pagtatapat.
Pinuntahan mo siya sa kanyang lugar at pilit mong pinakakalma ang iyong sarili upang huwag niyang mahalata ang iyong kaba. Dapat casual lang, payo mo sa iyong nangangatog na puso. Nang makita ka niyang dahan-dahang tinutungo ang kaniyang lugar, ngumiti siya at kumaway sa ‘yo. Nginitian mo rin siya upang suklian ang matamis at malambing niyang nagniningning na ngiti. Pagkatapos ay marahan kang lumapit sa kanya. Tinabihan mo siya. Napansin mong magkalapit ang inyong mga kamay kaya naisipan mong hawakan ito. Datapuwat hindi mo itinuloy ang iyong pagtatangka ay nakuntento ka na lamang sa pagdikit ng inyong mga hinliliit. Nagdulot ito ng isang lihim na kilig. Magkasabay ninyong pinanood ang mga estudyanteng paroo’t parito, mga nakaupong tulad niyo, mga nagtatawanan at nagkukwentuhan, at ang mga tahimik at maiingay.
Pinag-usapan ninyo ang tungkol sa kung anu-anong bagay. Alam mong masaya siya kapag nasa tabi ka niya. At alam mong hindi niya alam kung gaano mo siya kamahal.
Sinambit mo ang kanyang pangalan. Lumingon siya at hinintay ang iyong sasabihin. Dahan-dahan mong winika ang mga salitang nakakulong sa iyong puso…
“Ahm…May ipagtatapat ako sa iyo…”
“Ano ‘yon?”
Biglang nawala ang iyong kaba. Tumahimik ang paligid. Nakatitig siya sa iyo at ganoon ka rin sa kanya. At kusang lumabas sa iyong bibig ang mga romantikong salitang ikaw mismo ay gustung-gusto mo nang marinig sa iyong sarili. Sa wakas, malalaman na rin niya. Ang pinakahihintay mong sandali. Ang pinakaaasam mong pagkakataon. At sa kanyang nakakaakit na mga mata, inihayag mo ang iyong pagmamahal.
***
Tinext mo siya para samahan kang tumambay sa freedom park. Ayaw mo sanang gambalain ang paglalaro niya ngunit alam mong hindi ka niya matitiis at agad niyang ititigil ang lahat ng kanyang ginagawa upang puntahan ka kaagad.
Nagpabango ka. Nagdagdag ng kaunting foundation at lipgloss. Inayos ang iyong buhok. At ikaw ay naghintay.
“Magtatapat na kaya siya?”
Nagulat ka at bigla mong naitanong iyon sa iyong sarili. Bigla kang kinabahan. Namula ang iyong pisngi. Bigla kang hindi mapakali. Nagpaikot-ikot sa iyong isipan ang mga eksenang maaaring mangyari sa sandaling siya’y magtapat sa iyo. At mas lalo kang kinabahan kaalinsabay ang lihim at nangingimi ngunit mahinhin mong ngiti nang pumasok sa iyong imahinasyon ang mga salitang maaaring gumuhit ng isang napakalaking puso sa sandaling ihayag niya ang kanyang damdamin sa iyo. Inosente mong naitanong sa iyong sarili, “Sa mga simple’t romantiko niyang linya, paano ako mag-re-react?”
Mas bumilis ang tibok ng iyong puso. Mas hinanap ng iyong mga mata ang kanyang mga mata. Mas nasabik ang iyong tenga sa maaari mong marinig. Pilit mong hinahanap ang kanyang anino sa malayo. Gusto mo siyang makitang papalapit sa ‘yo. Gusto mong makita siya agad upang mapunan ang umaapaw na pananabik sa iyong kalooban. Ngunit paano kung mali pala ang iyong akala? Umatras ang iyong puso at naisip mong huwag na lang umasa at baka masaktan pa.
Pinuntahan ka niya sa iyong lugar. Pinigil mo ang iyong pananabik. Nang makita mo siya ay agad kang ngumiti at kumaway sa kaniya. Ngumiti rin siya’t lumapit sa iyo. Magkatabi kayong nagkwentuhan at pinanood ang sari-saring estudyanteng nandoon sa freedom park. Napansin mong magkalapit lang ang inyong mga kamay. “Paano kung bigla niya akong hawakan?” mapanuksong tanong mo sa iyong sarili. Hindi mo tinangkang alisin ang iyong kamay mula sa kinaroroonan nito. Ikaw naman ay patagong ngumiti at kinilig. At kahit hindi niya hinawakan ang iyong kamay ay nakuntento ka na lang sa kuryenteng hatid nang magdikit ang inyong mga hinliliit.
Masayang-masaya ka at katabi mo siya ngayon. Mga simpleng biro at kwentuhan ang pumupuno sa bawat sandaling kayo’y magkasama. Alam mong alam niya na masaya ka kapag katabi mo siya. Ngunit hindi niya alam kung gaano mo siya kamahal.
Sinambit niya ang iyong pangalan. Lumingon ka at hinintay mo ang kanyang sasabihin. At ikaw ay nagulat sa mga salitang tila mababangong bulaklak sa iyong pandinig…
“Ahm…May ipagtatapat ako sa iyo.”
“Ano ‘yon?” ang tanging isinagot ng nanginginig mong labi.
Kusang nawala ang iyong kaba at mabilis na umikot ang mundo para sa inyong dalawa. Dahan-dahang bumakas sa iyong mukha ang pananabik sa matagal mo nang gustong marinig. Ang iyong ngiti ay gusto nang magpakita at ang iyong galak ay gusto nang sumabog mula sa kailaliman ng iniingatan mong puso. Sa wakas, ang pinakahihintay mong sandali – ang kanyang pagtatapat. Ang pinakaaasam mong pagkakataon: Ang pagpapahayag niya ng mga nakasulat sa kanyang puso.
***
Masayang nagising ang dalawa nang may maaliwalas na ngiti sa kanilang mga mukha. Magkatapat at magkalapit ang kanilang mga upuan nang datnan sila ng isa nilang kaklase sa loob ng kanilang klasrum. Napatitig ang dalawa sa isa’t isa ng ilang segundo kasunod ang maikling pagtawa. Pareho ang kanilang panaginip ngunit hindi nila iyon batid.
At gumuhit sa kanilang mga mukha ang ngiting hindi pa nakikita ninuman.
Walang Pamagat
Saturday, December 5, 2009Ipapanganak ka’t matutuwa ang mga magulang mo sa iyo pagkalabas mo sa mundo. Papangalanan ka nila, bibigyan ng damit, ng lampin, ng kuna, at ng pagmamahal. Padededehin ka ng iyong ina, kakalungin ka ng iyong ama…at kung may mga kapatid kang nauna sa ‘yo, lalaruin ka nila ng mga “Kutsi-kutsi” at “Bulaga!”. Iiyak, tatawa, manonood, at matutulog lang ang gagawin mo habang ang mga magulang mo, mapupuyat kababantay sa ‘yo tuwing gabi para hindi ka kagatin ng lamok at mangangawit naman sa kakakarga sa ‘yo. At gagastos sila para sa handaan mo sa araw ng binyag mo.
Paglaki mo, papaluin ka, pagsasabihan ka at tuturuan ka kung ano ang tama at mali. Madadapa ka, masusugatan ka, at magagalusan ka kapag ika’y naglalaro. Matutuwa ka kapag binili ang itinuro mong laruan at nakakain ka ng matamis na pagkain. Iiyak ka kapag hindi nila binili ang mga gusto mo at pinilit isubo sa ‘yo ang mga gulay na ayaw mo.
Itatapon mo ang pagkain na ayaw mo. Sisirain mo ang laruang ayaw at pinagsawaan mo. Aawayin mo ang kalaro mong nang-aaway sa ‘yo. Iiyak ka kapag nabuburot sa laro. Aayusan ka ng mga magulang mo o ng mga kapatid mo sa ayos na hindi mo alam kung talaga bang bagay sa ‘yo o para ka lang pagtawanan. At matututo ka sa mga unang guro mo tungkol sa mga “basic” sa buhay.
Mangarap ka. Balewalain mo ‘yung mga sinasabi nilang “imposible” at “hindi mo kaya ‘yun”. Huwag mong pansinin ang mga taong hindi naniniwala sa ‘yo. Jumbagin mo sa mukha ang iba na tatawanan ka nang napakalakas. Sila kasi ang mga taong natatakot madapa ng maraming beses at walang tiwala sa sariling tumayong muli pagkatapos ng lahat ng iyon. Mangarap ka at tuparin mo ang pangarap mo.
Maninibago ka sa unang pagpasok mo sa eskwelahan. Noong una, gusto mong kasama ang nanay mo sa loob ng klasrum. ‘Pag malaki ka na, halos hindi na nila malalaman ang mga pinaggagawa mo. Noong una, iiyak ka kapag iiwanan kang mag-isa ng nanay mo. ‘Pag malaki ka na, mga magulang mo naman ang maiiyak sa mga kalokohang pinaggagawa mo.
Magkakasakit ka’t ikaw ay kanilang aalagaan. Magkakapilay ka’t dadalhin sa manghihilot. At masasaktan mo sila kapag sinigawan mo sila, sadya man o hindi, dahil ang alam mo, tama ka kahit hindi naman. Hihingi ka ng tawad, yayakapin, at hahalikan mo sila at sasabihan ng “Mahal na mahal po kita” o “I love you”. Gagawan mo sila ng cards tuwing kaarawan nila, o kapag Father’s o Mother’s day. At ipapasyal ka nila sa mga karnibal o di kaya’y manonood kayo ng sine. Tapos, bibilhan ka nila ng lobo at paliliparin mo lang ‘to sa langit.
Sa loob ng klasrum, ikaw ay mag-aaral, magrerebyu, mag-e-exam, papasa, babagsak, papasang-awa, mangongopya, mangongodigo, mahuhuli, makakalusot, pakakantahin, pasasayawin, at ililista ka sa pisara kung “Noisy” ka o “Standing” ka…minsan “NIPS” pa. Pagpapawisan ka’t magkakabulol-bulol sa pagsasalita kapag hindi mo alam ang sagot sa tanong ng guro mo…o ‘pag nasa harapan mo ang crush mo.
Magkakaroon ka ng maraming kaibigan o kaaway depende sa ‘yo at sa ugali mo. Pwede ring piliing mag-isa kung ayaw mong may kasama. Tutuksuhin ka kung may gusto ka sa isa sa iyong mga kaklase. Kakantyawan ka kung pangit o maitim ka. At ang mga taong tatanggap sa ‘yo? Depende ‘yan kung ilan ang talagang tanggap ka sa kung sino ka at hindi lang dahil sa tuwing araw ng exam. Bahala ka na rin kung paano mo patutunguhan ang mga taong ayaw sa ‘yo, mga taong maloko, mga taong plastik, at mga taong back-stabber.
Magpapa-cute ka, titigyawatin ka, pipiyuk-piyok ang boses mo, lolobo ang dibdib mo, mas tataba, mas papayat, tatangkad, at mag-a-astang malaki ka na at kaya mo na ang lahat ng bagay kahit hindi pa. Mang-aaway ka, mamamatok ka, palagi kang manghihingi, at palagi kang may lait sa ibang tao. Marami kang hirit, marami kang biro, at marami kang blanko sa test paper mo. Lalaki ang ulo mo dahil palagay mo, mas tama ka kesa sa iba. Malalaman mong hindi ka pala perpekto. Dapat ka ring magkamali para malaman ang tama.
Mabibigatan ka sa bigat ng bag mo. Maluluha-luha ka kapag wala pa ang sundo mo. At mawawalan ka ng kumpiyansa sa sarili kapag may nagpahiya sa ‘yo sa maraming tao. Hindi mo alam kung magpapasalamat ka o maiinis kapag sabon at tuwalya ang iniregalo sa ‘yo sa Christmas Party ninyo. Manonood ka’t makakatulog sa mga programa niyo sa iskul pati habang nagkaklase pero mahihirapan kang makatulog sa gabi kaiisip sa crush mo. Maiinis ka sa mga titser na mainit ang dugo sa ‘yo. Mababad-trip ka sa Math at Science pati sa History at English. Gudtaym naman kapag recess at uwian. Sasaya ka kapag intrams ninyo. Makakasayaw mo rin ang taong crush mo sa JS Prom niyo. At palagi kang manghihingi ng papel tuwing may exam.
Sa college, lalaki ng konti ang utak mo, lalawak ang kaalaman mo, at mas marami kang makikilalang iba’t ibang klase ng tao. Maraming maloko, maraming weird, maraming geek, maraming “urban legend” na sa kolehiyo, maraming magaganda, maraming gwapo, at maraming pinoproblema ang tigyawat na dala pa mula noong hayskul.
Out ka kung hindi ka sosyal, kung jologs ka, at kung korni ka. Kung gusto mong mabuhay sa college, hindi sapat ang pagkakaroon ng 200 na I.Q. Kailangan alam mo kung paano makibagay, magpakapal ng mukha, maging sipsip, maging madiskarte, maging matiyaga, at maging masipag. Dapat sigurado ka rin sa papasukin mong kurso dahil hindi lang pinupulot ng mga magulang mo ang tuition fee na kini-kickback mo at ipinambabayad sa iskul mo. Hindi palaging isinusubo sa ‘yo ang mga nasa syllabus at hand-outs. Dapat sinusubuan mo rin ang sarili mo. Sige lang at magka-bf o magka-gf ka pero huwag magpapabuntis at mambubuntis. Isipin mo na lang kung paano iiyak ang mga magulang mo kapag nangyari ang gano’n. Bahala ka kung gusto mong marami kang gf o bf, basta lagi mo lang tatandaanan na makokonsensiya ka panigurado sa mga pinaggagawa mo. Hindi mo sila mga alipin…tao rin sila na nasasaktan. At hindi rin sila mga laruan na kapag pinagsawaan mo na, sisirain at itatapon mo sa basurahan. Hindi mo itinataas ang sarili mo kapag marami kang karelasyon bagkus mas ibinababa mo pa ito.
Kapag nagmahal ka, huwag mong ikukulong ang taong mahal mo sa iyong kamay. Ganoon din, huwag mong ikukulong ang sarili mo sa pag-ibig na nararamdaman mo para sa isang tao. Malaya ang pag-ibig kaya dapat malaya rin ang bawat isa. Magseselos ka rin sigurado pero kung talagang mahal mo talaga ang isang tao, hindi mo hahayaang kainin ka ng selos. Kung lalake ka, huwag mong sasaktan ang babae, pisikal man o emosyonal. Kung babae ka, huwag kang makikipaglambuntsingan sa ibang lalake. Kung bakla ka, huwag mong hahayaang huthutan ka nang huthutan ng bf mo. Kung tibo ka, huwag mong paiiralin ang pagiging possessive sa gf mo.
Makakagawa ka ng kasalanan sa ibang tao sa ayaw mo man o hindi, kahit sa mga taong malalapit sa buhay mo. Wala kang ibang magagawa kundi humingi ng tawad at tuparing hindi na iyon mauulit pa. Magpatawad ka rin. Una sa sarili mo, sunod sa mga nakagawa sa iyo ng kasalanan, sadya man nila o hindi. Gumawa ka ng mabuti sa iba nang walang hinihintay na kapalit.
Gamit ang mga kaalaman mo, makialam ka sa bayan mo. Gamit ang mga natutunan mo, maging mas mabuting tao ka kaysa kahapon. Gamit ang mga pagkakamali mo, matuto kang tumayo. Gamit ang mga paniniwala mo, matuto kang manindigan. At gamit ang mga pangarap mo, baguhin mo ang sarili mo sa kung paano mo gustong baguhin ang mundo.
Magtatapos ka at maghahanap ng trabaho. Magkakatrabaho ka at magkaka-sweldo. Magtrabaho ka para tuparin ang mga pangarap mo, hindi para ma-promote. Paghusayan mo ang trabaho mo, hindi lang para sa pera kundi para sa ikasasaya mo. Mag-ingat sa mga plastik sa paligid mo, mas marami ‘yan ngayon. Mapagod ka man sa trabaho at sa biyahe, ngumiti ka pa rin bago matulog. Huwag mo ring kalilimutan ang magdasal.
Kung gusto mo ng mansiyon sa tuktok ng bundok, o ng sampung luxury cars, o ng benteng private jetplanes, o ng isang napakalawak na rancho, o ng isang malaking kumpanya, o isang banyong sinlaki ng limang swimming pool, o mapabilang sa mga pinakamayayaman na tao sa mundo, sige lang. Ikaw ang bahala. Basta huwag kang magnanakaw. Mas simpleng buhay? Mas ayos.
Suklian mo ang mga ginawa sa iyo ng magulang mo. Hindi ito bayad kundi pagganti sa pagmamahal na ibinigay nila sa ‘yo. Bigyan mo sila ng pang-date, pampanood ng sine, pang-aliw sa Disneyland, pang-trip sa Las Vegas, o pambakasyon sa Boracay. Huwag mong isubsob ang mukha mo sa trabaho. Higit ka pa sa payslip o sa memo na ibibigay sa ‘yo ng boss mo. Higit pa ang pangarap mo kaysa sa trabaho mo. At higit pa ang iyong “ligaya” kaysa sa iyong sahod na malaki ang kaltas. Huwag mong kalimutang ibahagi sa iba ang kaligayahan mo. Tumulong ka sa iba: hindi upang magmukhang mabuting tao kundi para makatulong ng bukal sa puso mo. Maging tapat ka sa lahat ng oras. Iangat mo hindi lang ang sarili mo kundi ang sinilangan mo. Umangat ka nang hindi nanghihila ng ibang tao pababa.
Hindi lang ikaw ang tao sa mundo. At hindi mo pwedeng sarilinin ang lahat. Anumang bagay ang ginagawa mo, may epekto sa takbo ng buhay sa mundo. At anumang makamit mo sa buhay, i-mighty bond mo lang palagi ang mga paa mo sa lupa. Masarap lumipad ngunit kung wala ang mga paa mo sa lupa, masakit ang landing. Huwag ding kalilimutang magpasalamat, higit sa Taas at sa mga nakapaligid sa ‘yo.
Pa-autograph kapag sikat ka na.
Sponsored Links
Let's help Rumicah
Ang blog na 'to ay...
...tungkol sa mga reklamo, kalokohan, kabaliwan, kaisipan(kung meron man) at kaadikan ng isang taong gusto lang gumawa ng komiks. Maari lamang po na isumbong kaagad ako sa kinauukulan para sa karampatan mong parusa.
v(o",o)v
Mga bawal basahin
Bulols
- roanne: Haha ang cute!!! Long hair! Parang ung nandun sa balak...
- yeye: Kung hindi ako magugustuhan ng babae sa ganitong ayos ko,...
- Oliver: @yeye: seryoso may PVZ2 na? @andoyman: lumayo layo ka sa mga...
- yeye: i know your type: tall dark and dead. hehehe may PVZ2 na....
- yeye: may kopya ka ba nung pang apat na litrato na...
- andoyman: @yeye hahahaha adeeeek!! alien ka diyan! hehe, salamat...
- yeye: happy anniversary sa parents mo. isinilang ang pinaka-artistahing lalake sa buong...
- yeye: idate mo si mama mo. :) so sinong emo ngayon ha? hehe...
- yeye: bakit kelangan pang sabihin dito na nag-eemo ako. /wrist :) nagttx t ako. di...
- Oliver: hayup! haha. nakita mo ba ung budget ko sa foodtrip...
Ano???
Tsatbaks
- andoyman:
Hap-pey birthday kay Mama Mary!
- andoyman:
oy!
- andoyman:
:|
- andoyman:
ansarap. busog na ako.
- andoyman:
argh
- andoyman:
ngayon lang ulit ako nakapag-blog hehe
- andoyman:
galit na galit talaga ang mga intsik sa atin. tignan mo http://www.facebook.com/pages/yao-qiu-fei-lu-bin-zheng-fu-jiu-shi-wu-ming-gang-ren-bei-qiang-shou-qiang-sha-shi-jian-dao-qian/144662095566388
o sige, tumawa ka pa- andoyman:
Humiliating “Philippines” about the hostage drama yesterday will make no good to improve the country.
- andoyman:
di ako makakapunta ng MetroCon
- andoyman:
nasa lugar ng workshop ako…najejebs na…
- andoyman:
k. saka na ang blogroll.
- andoyman:
:|
- andoyman:
experimenting on fb social plugins…
- andoyman:
di na pala ako gumagawa ng tula….
- andoyman:
dapat pala nag-ipon na ako noon pa…
- Cebuphoto.org:
Learn Digital Photography
- andoyman:
:D
- andoyman:
Imagine this – I am receiving financial assistance from the proceeds of the use of the land which is meant to be mine. Isn’t this the ultimate in mockery? [http://antipinoy.com/justice-delayed-justice-denied-i-am-too-old-to-till-the-land/]
- andoyman:
@roanne
di ko rin alam kasi nasa dyip ako nun..tignan ko ulit sa sabado kung madadaan ako dun- roanne:
nacurious ako, sino author nung quote?
Censored
- Lab Kowts (984)
- Talentadong Pinoy Adventure (570)
- Mula kay Bob Ong (479)
- A(H1N1) (417)
- Paano yumaman (agad)? (351)
- Tungkol sa Utak (346)
- Pakikisama(?) (330)
- Ang Pagsisimula sa Pagtatapos: Isang alay para sa Batch 2009 (307)
- SmartBobo||FirstYearGirl||TypingJob (299)
- Tungkol sa pag-aasawa (295)
- Haircut (294)
- Blog||Alzheimer||theAlchemist (288)
- Computer Laboratory Secret File (285)
- Wanted: Manyakis sa Jeep (258)
- Unang Araw ng Pasukan Para Sa Pinakahuling Semester (255)
- Ang Dalagang Naka-asul na Jacket at si Andoyman (Makalaglag-ipin na panghihinayang at pagkainis sa sarili) (225)
- Pagpapasalamat (222)
- Ang Pagguhit ng Buhay (210)
- Boys Over Loren (192)
- Ako, bilang isang Buwan (191)
- Pusang-gala (188)
- Online Donations (181)
- Ano ang nasa isip ni Andoyman? (175)
- Sino si andoyman? (169)
- Presyo ng Utak (168)
- (Kapitan) Sino Ang Bayani Ng Bayan Natin (168)
- Madaya Ka, Santa Claus! (166)
- Wanted: Call Center Agent (162)
- Kabulukan (161)
- Ang Lovestory ng Ipis (155)



