kwan. ano. yon. yeh!

Pakikipagtampisaw kay Writing

Wednesday, September 8, 2010

Mahirap palang magsulat kahit gusto mo magsulat pero hindi alam ng sarili mo kung paano mo isusulat ang gusto mong isulat. Para kang may tae sa tiyan at gusto mo nang ilabas pero hindi mo mailabas dahil wala kang mahanap na (sobrang duming) palikuran. Bigla ko tuloy naisip kung alin ang mas mahirap: ang aminin ang nagawa mong kasalanan o magpigil ng LBM habang nasa loob ka ng spacesuit at nakalutang sa outer space?

Nahihirapan akong ligawan ngayon si Writing. Moody siya. Kung gusto niya ngayon na, ngayon na dapat. Minsan, gusto naman niyang magpahinga kasi napapagod din naman siya. Kung minsan naman, gusto niya ngayon pero kapag nandyan na ako, aayaw na. Halimbawa, yayayain ko siyang makipagkwentuhan tungkol sa nangyari sa akin noong isang araw ilang taon na ang nakararaan. Sa una, um-oo siya pero maya-maya, pagkatapos kong magbihis, magpabango, mag-transcend sa parallel universe, saka niya ako ite-text na huwag na lang dahil ayaw na niya. May menstruation daw siya.

Ayaw ko naman siyang pilitin dahil ang bagay na pinipilit, masakit.

May times na parang andami kong gustong ikwento pero wala siya. Di nagre-reply sa mga text ko. O wala sa mood. Minsan naman, malayo pa lang, naaamoy ko na ang mabango niyang halimuyak at natatanaw ko na ang nakapang-aakit niyang alindog, tapos saktong busy ako o ako naman ang wala sa mood (pero wala naman talaga ako sa mood kasi nasa earth ako).

Ilang beses nang nangyari ‘yan. Sasabihin ko, saglit lang pero napapatagal hanggang sa nakalimutan ko na. Mahirap pa naman siyang habulin. At lagi pang nagpapahabol. Ambilis. Ngunit kapag nahabol mo naman, o yay, kaligayahang walang sarap!

Siguro nagtatampo siya sa akin ngayon. Mahirap i-maintain ang relationship sa kanya pero di naman ako sumusuko. Baka kailangan ko lang siyang mas lambingin at kalabit-kalabitin ng mas madalas at maraming beses, baka bibigay rin at lalandiin na ako.

Baka nagtatampo rin siya dahil madalas na akong hindi nagsusulat. Akala niya siguro, talagang nakalimutan ko na siya. Alam niya kasing may notebook ako para sa mga idea pero kapag nagte-text siya sa akin, hindi ko nasusulat ang mga sinasabi niya kasi nga, ayun, sasabihin ko, saglit lang. Tsk.

Sana nagbakasyon lang siya ngayon kasama ang mga kaibigan niyang sina Reading, Watching, Surfing, Thinking, at Playing. Sa totoo lang, si Drawing kasi ang mas nakakasama ko ngayon eh. ‘Yung iba, hindi ko na rin madalas nate-table. Baka nagsama-sama sila’t nagtayo ng unyon at magra-rally ng “We need your attention, Mr. John Lloyd Crook!”

May times din na habang nagkukwento siya, na-a-absent-minded ako o naiiba ang tingin ng diwa ko sa ibang chicks. Siguro napapansin niya ‘yun. Nakow!!! Anhirap talagang maging gwapo!

Hindi naman niya hinihingi lahat ng oras ko. Ang gusto niya lang eh pansinin ko siya sa oras na gusto niyang pansinin ko siya. Katulad ngayon, kahit paputol-putol ang pakikipag-usap ko sa kanya dahil minsan bigla siyang di iimik (at marahil, nakulitan na rin sa akin kakalabit ko sa kanya nitong mga nagdaang araw), eto at magka-holding hands ang aming puso. Though, nagtatampururut pa rin siya sa akin. Pero ayos lang.

Ang mas mahalaga, magkausap ulit kami ngayon :)

Posted by andoyman at 5:03 pm | permalink | Add comment

Long Hair

Thursday, September 2, 2010

Barber’s cut lang ang tanging istilo na buong pananampalatayang nanalig sa aking buhok mula noong bata pa ako. Kahit ilang beses ko nang pinagtaksilan, tinalikuran, at iniwasan, tanging ang gupit na ‘yan ang may malaking tiwala sa akin kaya palaging ‘yan lang din ang haircut ko.

Pinakalbo ako ng nanay ko noong sanggol pa ako sa paniniwalang lalago ang buhok pag laki ko. Eto nga, malago. Ang side effect lang, nagmumukhang malaki ang ulo ko kaya dapat laging ginugupitan ang buhok ko. Wala naman akong gaanong problema sa istilo ng gupit ko. Asteg pa nga dahil kapag bagong gupit, masarap hawak-hawakan ang bagong ahit na patilya at kapag mahangin, ramdam mo ang pagguhit ng hangin sa may tenga mo.

Crew cut o crook cut yata ang tawag dun. Iyon ang ihe-haircut sa akin. Lagi kong kasama Daddy ko kapag magpapagupit. Kung abala naman siya, pinsan ko naman ang kasama ko. Minsan, nagpagupit ako kasama ang pinsan ko. Dapat, flat top ang igugupit sa akin kasi ‘yung gusto ng Daddy ko. Um-oo lang ako sa suggestion nya. Napilitan lang ako.  Gugupitan na ako nang mamroblema si manong. Bilog daw ang ulo ko at di pwede ang flat top kaya crew cut (crook cut) na lang. Okey lang naman sa akin. Ayos na sana ang lahat kung hindi lang humirit ang isang barbero na “malaki ang ulo”. Basta, ‘yung salitang iyon ako naasar. Oo na, malaki na ulo ko. Pero dapat ba talagang magbiro nang ganon? At tumawa nang ganon? Tsk.

Kaya mula noon, ganun na ang buhok ko. At kaya dahil din do’n, tampulan ako ng asar ng kapatid ko ng “buko!” kasi bilog at malaki ang ulo ko. Naranasan ko ring biruin na ‘mamamatay ang butiki kapag nahulog sa ulo ko’. Madalas ang birong ‘yan sa akin lalo noong nagpa-semi-kalbo ako. Napendong din ako. Kaya noong napuno na ako, sabi ko, ayoko na ng ganoong klase ng gupit.

Nagpapahaba ako ng buhok noon pero lagi akong sinasabihan ng magulang ko na magpagupit na. Kaya minsan, pagkatapos kong maligo, napag-trip-an kong pantayin ang bagito kong bigote. Putek. Anggaling ko!!! Hindi pantay ang nagawa ko. Nainis na ako kaya inahitan ko na lang. Kung papansinin mo ‘yung nasa picture sa itaas, ang nasa gitna ang estado ng buhok at balbas ko. Lagi kong inaahit ang bigote ko. Sa totoo lang, matagal ko nang balak magpahaba ng buhok at balbas. Ilang beses binalak, ilang beses din naudlot kasi: may job interview, mag-a-apply, etcetera. Pero ngayon, itutuloy ko na ‘to.

Nakailang experiment na rin ako ng istilo ng gupit na babagay sa akin. May longback, may syokoy, may clean look, at, hay, barber’s cut ulit. Sabi ko noon, hindi na ako babalik sa barber’s cut pero ayun, bumabalik pa rin ako.

Ngayon, ermitanyo look na ako. Wala na akong pakialam kung terorista o holdaper ang tingin sa akin ng iba. Problema na nila ‘yun at ng mapanghusga nilang ugali. Gusto ko ng ganito kaya gusto ko ng ganito. Hindi naman mahirap intindihin ‘yun.

Isa pa, pakiramdam ko, mas nagiging creative ang utak ko kapag mahaba ang balbas ko. Iyon naman kasi talaga ang dahilan. At kung magpapahaba ako ng balbas, alangan namang maiksi ang buhok ko. Ampanget naman ata nun. At gusto ko rin kasing mag-ipit ng buhok. ‘Yung naka-pony tail. ‘Yung parang samurai. Ganun. Basta gusto ko lang talaga.

Suggestion ng kapatid ko, dahil malago ang buhok ko, magpa-relax daw ako para numipis at nang umunat. Parang gusto ko pero umayaw ako. Virgin pa ang buhok ko. Gel o floor wax lang ang nilalagay ko. Pero ngayon, dahil mas nairita na ako sa fashion, ayoko na mag-style-style. Nakakabanas lang kasi. Minsan, maganda ang pag-aayos mo. Kapag humaba lang konti, nget-pax na. Nakakabanas din kapag nasa bus tapos malakas ang ihip ng hangin. Nagugulo ang inayos mong buhok. Maba-badtrip ka lang. Pero kung mahaba ang buhok ko, hwaha, ako naman’ng manlalatigo ng buhok sa kanila. Ang solusyon ko naman sa malago kong buhok e nagsusumbrero ako para sumiksik iyon at numipis tignan.

Kung hindi ako magugustuhan ng babae sa ganitong ayos ko, di ko na problema ‘yun. Masyado siya. Sinabihan nga ako ng katrabaho ko na kung ba’t ako nagpapahaba ng hok-bu, andumi ko raw tuloy tignan. Pa’no na raw niyan magkakagusto ang babae sa akin. Sabi ko, kung mahal ako ng babae, dapat mahal niya rin ang itsura ko. Sabat naman ng isa, UL**!

Sabi naman ng isa kong katrabaho, siguro, unconsciously, nasa utak ko na na kapag artist, dapat mahaba ang buhok. Siguro nga ganun.

Hmm. Gusto ko ring i-try ang ala-Bob Marley na buhok, ‘yung buhok na kontinente ng kuto.

E kung punks na buhok?

O afro?

E kung i-try ko kaya ‘yung isang style ng buhok na nabasa ko sa Kikomachine Komix? Hahahaha.

E kung kalbo? Basta, magpapa-long hair ako. Ermitanyo look. Yeah!

Posted by andoyman at 11:13 pm | permalink | comments[2]

Zombie

Tuesday, August 31, 2010

pakiramdam ko zombie ako ngayon.

siguro dala ng kulang sa tulog o ng iba pang bagay tulad ng paulit-ulit na ginagawa ko rito sa opis o dahil pressured sa mga ginagawa. di ko pa nasisimulang gawin ang pinakahuling pinapagawa sa akin. bukas na kailangan at mamaya ko palang sisimulan.

siguro kulang lang ako sa bitamina. hindi poten-cee o enervon o viagra, di pa ako gumagamit n’on. bitamina ko ang pagkokomiks. doon nabubuhay ang dugo ko bukod sa kapag nakakakita ako ng maganda. bitamina ko rin pamilya ko, mga kaibigan ko, at mga bagay na kinahihiligan ko tulad ng…ng…tulad mo? bitamina ko si Bro at, weird mang isipin, pati lumilipad na paru-paro sa daan.

siguro dahil walang workshop noong sabado kaya ako zombie ngayon.

hindi ako gaano makapag-isip. naiinis pa ako sa walang hiyang printer na ‘to at kanina pa ayaw mag-print. mabagal pa ang gamit kong computer at marami pa akong gagawin tulad ng blog designing para sa apat na kumpanya. last day naman ng isa kong katrabaho. argh. buwang talaga ako ngayon.

zombie!

plants vs zombies! hindi ko pa natatapos ‘yan. wag ka mag-alala. hindi talaga ako updated sa mga bagong laro sa bawat buwan. naiwan pa rin ang utak ko sa ragnarok at kung saka-sakali, iyon pa rin ang lalaruin ko.

gusto ko ng umuwi. sweldo day ngayon. simula na ng pasko season kasbu.

kulang na ako sa pagkokomiks. gusto ko ring bumili ng sherlock holmes na aklat. may nakita ako nun dati, dalawang book. mas gusto ko kasing binabasa at nasasalat iyon sa papel kaysa binabasa sa monitor. pero hindi pa ako makakabili kahit ‘yung binabalak kong harry potter series.

makapanood pa kaya ng kapatid ko ng ‘despicable me’? iba-budget ko pa ang sahod ko ngayon.

argh. zombie rin ‘tong post ko.

Posted by andoyman at 11:32 am | permalink | comments[2]

Isang mabilisan

Monday, August 30, 2010

Andaming nangyari. Pero hindi ko alam ang sasabihin ko.

> Na-hack ang fb account ko at kung hindi agad tinext sa akin ni Bikoman, nakow, mas malaking gulo ang mangyayari. Tantya ko, mga 30-15 minutes nagalaw nang walang paalam ang account ko. Alam kong kasalanan ko dahil sa kapabayaan ko pero hindi maarok ng pang-unawa ko kung bakit may mga taong gustong makialam ng account ng iba at magsalita ng mga kabastusan. Mahirap na talaga ngayon. Habang tumatalino ang mga robot at computer, mas nagiging bobo naman ang tao. Pasalamat na lang siya’t di ang kamao ko ang nakipag-usap sa mukha niya. Maraming salamat talaga kay Bikoman!

> Inaamin ko na dahil sa sobrang galit at inis ko, nag-post ako sa fb at tumblr ng picture ng mga estudyanteng nagpa-picture na ang background ay ang bus na ginamit sa pangho-hostage. Dapat hindi na pala ako nag-post ng ganun. I mean, wala namang magagawa kasi kung nag-post ako ng ganun eh. Wala namang mabuting maiaambag iyon sa nangyari.

>Sana bago manisi ng iba, sinisi muna ang sarili nang walang nagtuturuan. Pagkatapos, matuto sa pagkakamali at mag-move on.

> Busy ako sa opis. Mas busy kaysa dati sapat para di ako makapag-fb at tumblr. Lalo nitong nagdaang linggo. Inaasahan ko pa naman din ang workshop noong Sabado pero noong Biyernes pa lang, nag-text na si Sir Elbert na wala muna. Medyo nanghina ako pero naisip ko na ayos na rin para makapagpahinga ako upang makabawi sa ilang gabing kaunti lang ang oras ng tulog ko.

> Kaso wala naman akong nagawa para sa pagkokomiks ko. Wala akong nasulat o naguhit. Kaunting pagguhit, kumbaga praktis, meron. Bali, naguguluhan din kasi ako dahil dalawang istorya ang nasa isipan ko habang may naka-pending din sa likod ng utak ko. Binalak ko ring gumawa ng istorya para sa Saranggola Writing Contest (basta ganun) pero hindi ko malilok ang idea na nasa utak ko kasi nagkabuhol-buhol na. Pero sa wakas, ngayong araw, natapos ko na rin ang plot para sa isang ginagawa kong kwento para sa workshop. Habang ang isa naman, patapos na ang revision ng script. Naks! Hopefully, ngayong linggo, makakapagsimula na akong makapagguhit ng komiks.

> May girlfriend na pala ‘yung isa kong kaibigan. Nagulat ako kasi noong college, wala naman siyang nililigawan. Hehe. Asteg.

> Paki-like naman ‘to: http://www.facebook.com/video/video.php?v=110075619050206 Para kasi ‘yan sa midterm exam nila.

> Natapos ko nang panoorin ang tatlong episodes ng Sherlock. Ibinigay ni Sir Elbert ang tatlong episodes na ‘to para panoorin naming workshoppers. Isa pa, investigative/mystery kasi ang kwento ng sa akin kaya siguradong marami akong mapupulot na tips sa palabas. At higit sa lahat, talagang sakto talaga, ito ang isa sa pinakapaborito kong kwento at character, si Sherlock Holmes. Binabasa ko lang ang e-book niyan noong nag-o-OJT ako kasi wala naman akong ginagawa. Nakakatuwa dahil tuwing lalabas ako ng opis, sinusubukan kong gawin din ang deduction na ginagawa niya. Feeling Sherlock Holmes ako. Haha.

> Sa mahigit isang taong halos wala akong balita sa mga nakasama kong RADdicts, nagulat na lang ako noong isang araw tungkol sa mga nangyari at kung paano parang nabuwag ang grupo. Nakakalungkot kasi isang beses lang nangyari ang lahat. Nakakatuwa dahil naranasan ko ang ganoon. Nakakapanghinayang kasi hindi nagtagal. Nakakainis, ang init. Teka, itatapat ko lang ‘yung isang electric fan sa akin.

> Ang takbo ng isip ko ngayon kapag may nakikita akong babaeng type ko e ganito: Isang mahabang lovestory naming dalawa ang mabubuo agad sa isipan ko habang lilinga-linga ako sa kanya. Pagkatapos, saka ko maiisip na, di bale, marami pa naman diyang iba. Makakapaghintay ‘yan. 

> At pumapasok din sa isipan ko na huwag na ‘lang akong maghanap ng magiging asawa ko. Kumbaga, asawahin ko na lang ang pagkokomiks. Haha. Kahit dati naman, naiisip ko na ‘to.

> Marami pang nasa isip ko pero nalimutan ko nang magsulat na ako.

> Nagkaroon kami ng parang reunion kasi birthay ni gori. Nandoon si polio, si dugo, si fetus, at si hit. Si boldyak lang ang wala. Hindi rin ako gaano nagtagal kasi may pasok pa ako noon kinabukasan. Natutuwa lang talaga ako dahil hanggang ngayon, magkakaibigan pa rin kami.

Posted by andoyman at 9:13 pm | permalink | Add comment

23

Monday, August 23, 2010

Si Michael Jordan ang unang pumapasok sa aking isipan kapag number 23 ang pinag-uusapan. Hindi natin alam, at nalaman ko lang, na ang number na ito ang ikalimang Eisenstein prime na walang imaginary at real part para sa form na 3n-1, na sinasabi naman ng iba na ang karamihan sa mahahalagang event o mga nangyayaring aksidente ay may kaugnayan, sa kahit anong paraan, sa number 23.

Psalm 23 o Shepherd Psalm ang pinakasikat na i-quote na chapter mula sa Bible. Samantala, ang pag-divide ng 2 sa 3 ay magreresulta sa 0.666 o, katulad sa paniniwala, ang marka ng demonyo. Twenty-three din ang resulta kapag pinag-add mo ang 8 at 15 na oras ng pagbagsak ng bomba sa Hiroshima. 23 years naman ang nagdaan muna bago ma-revealed kay Muhammad ang Qur’an. At ganito rin ang title ng action tv series ni Jack Bauer…kung manonood ka sa piratang dvd.

Ang hindi alam ng lahat, mahigit dalawampu’t tatlong taon na ang nakakaraan, may isang babae mula sa Cotabato ang hinulaan ng isang matanda na pagtapak na pagtapak niya sa Maynila ay mag-aasawa siya. At nangyari nga ang hula ng matanda dahil nagpakasal ang babae sa lalakeng nakilala niya sa Maynila saktong 23 taon na ang nakakaraan. Isang taon ang lumipas pagkatapos nilang magpakasal, isinilang ang pinaka-artistahing lalake sa buong universe at underverse hanggang sa ibang dimension.

HAPPY 23RD WEDDING ANNIVERSARY SA MGA MAGULANG KO!!!

Beinte-tres na taon na rin ang edad ng aming palanggana. Hehe. Mas matanda pa sa akin.

 

P.S. 

Hap-pey birthday kay Ate Roanne!!! Wiiiiii!! Manlilibre ‘yan pagbalik todits sa Pinas. Hahaha!

Posted by andoyman at 2:28 pm | permalink | comments[2]

Makasariling anak

Saturday, August 21, 2010

Sa kabila ng pangarap ko, hindi ko napansing naging makasarili ako sa pamilya ko. Hindi ako nasanay na ipadama sa kanila na mahal ko sila. Hindi ako nasanay na ipakitang alam ko ang pagmamalasakit nila sa amin. Naging malayo ako sa kanila at, siguro, dala na rin ng mga naghalu-halong bagay na nag-udyok sa akin para maging duwag, wala akong ginawang malaking hakbang para mapalapit sa kanila.

Sa pag-uusap namin ng nanay ko, nalaman ko kung gaano ako naging hindi mabuting anak sa kanila, mga pagkukulang ng isang anak sa magulang na hindi ko nakita noon; may nakita man ako, hindi ganoon kalawak. Lagi akong nasa mundo ko. Hindi nila alam ang damdamin ko, ang mga hinaing sa buhay, mga problema, mga bagay na magsasabi kung naging sino ako kasi hindi ko hinayaang buksan ang puso ko sa kanila.

Hindi ko ginustong maging malayo sa kanila pero ganoon ang nangyari na hinayaan ko lang.

Anak ako. Nagkakamali. Siguro sapat na ang ilang taong naging malayo ako sa kanila kahit naging mahaba iyon. Kaya siguro naging ganoon ang lahat at nangyari ang di pagkakaunawaan sa amin ng nanay ko ay para sabihin sa akin ni Bro na panahon na upang magbago ako bilang anak nila bago mahuli ang lahat. Nag-iisa lang sila at hindi na pwedeng palitan tulad ng toothbrush, o pumili ng bago tulad ng housing ng cellphone. Isang beses lang sila sa buhay ng anak. Kumbaga, eto na ‘to, panahon ko na para ipakita na mahal ko talaga sila, panahon na upang bumawi sa mga taong sinayang ko.

Magbabago ako pero alam kong matatagalan. Pero uunti-untiin ko. Anak ako, magulang ko sila, pamilya kami. Anumang tahakin ko sa buhay ko, anumang gusto kong tuparin sa buhay ko, sinuman ang mapangasawa ko, saanman ako magpunta, palaging sila pa rin ang magulang ko at hindi ‘yon magbabago magpalit man ng pangulo ang bansa ng ilang beses.

Posted by andoyman at 12:29 pm | permalink | comments[1]

Guess the title!

Friday, August 20, 2010

Bukas Metro Con pero sand Day 2 ako makakapunta. May workshop kasi ako tuwing sabado at hindi ko pa nagagawa ang assignment namin: paggawa ng plot. Di ko pa rin tapos ang readings na binigay ni Sir Elbert.

Mabuti pa sina Kuya Olive Oil, pa-foodtrip-foodtrip na lang. Dami pera. Mayaman. Haha.

Nasa pangatlong file na ako sa ginagawa ko sa SEO. Bawat file e may 170 na sites na dapat kong submit-an ng article na ika-copy&paste ko. Malamig sa labas. Nagyeyelo. Puro snow.

Di ko pa nagagawa ‘yung isang raket ko e sa 24 na kelangan ng estudyante. Hmm.

Di muna ako magbubukas ng tumblr kasi…marami pa akong hindi nase-save at mag-i-stock lang dun.

Gusto ko lang magsalita. Pabayaan niyo na ako.

Tipid-tipid talaga ako ngayon sa pera kasi may balak akong gawin. Ilang araw na akong hindi nakakapagguhit. Nakakamiss na.

Wala lang.

May nagtapat sa akin kanina. Mahal daw niya ako noon pa. Joke. Inilabas lang niya ang nasa kalooban niya: hindi na siya masaya. Hindi sa buhay kundi sa trabaho niya. Parehas lang kami. Tinatiyaga ko na lang.

Langya. Pag nakahanap talaga ako ng trabaho na magdodrawing lang ako buong araw, tatanggapin ko kaagad ‘yun. Ayoko ng graphic designer. Basta ayoko.

Si yeye, nag-e-emo. Si xienah, wala na akong balita. Nagpa-sex change na siguro. Haha. Wala akong ka-text. Ayos lang at mas gusto ko ang ganun.

May di pagkakaunawaan kami ng nanay ko at dahilan ‘yun ng isang linggong kalungkutan ko, isang linggong paglalamay. Hay.

Sana makaabot pa ako sa slots sa Komikon para makapaglabas na ako ng komiks. Tapos ko na ang draft script ko. Konting revision na lang tapos edit pa konti tapos drawing na sa papel, sunod pa-scan (hahanap ng sponsor) tapos pa-photocopy. Ganun lang kasimple. Tapusin ko lang ‘tong rakets ko ta’s itutuloy ko na ang paggawa ng komiks ko. Yey.

Tuwing Huwebes, lagi kong inaakala na Biyernes na. Tuwing umaga, gusto ko na kaagad umuwi. Ganun na ako naiinip.

Kikitlin ko na ‘to bago pa ako mahuli. Kung bakit kasi laging 1000 years katagal ang meeting.

Pa-kiss.

Posted by andoyman at 2:32 pm | permalink | comments[2]

Side A

Wednesday, August 18, 2010

Sa totoo lang, isa sa hinahangaan kong banda ang Side A at palagi akong nabibilib sa kanila. Noong minsang narinig ko ang kanta nilang “Forevermore”, akala ko dati e kantang-dayuhan. Nagulat ako nang sila pala ang kumanta. Ang pinapatugtog ko tuloy ngayon e “Harana” ng Parokya ni Edgar, ang pinakapaborito kong banda.

Kung i-a-anagram mo ang “Side A”, ang lalabas e “Ideas.” Wala. Gumawa lang ako ng intro para maidikit ko lang basta ang “Ideas” kasi ‘yon naman talaga ang ikukwento ko.

Nabasa ko sa Kikomachine Komix, paano kung merong isang lugar kung saan napupunta ang mga nakalimutan nating concepts, ideas na di nagamit, mga latak na kaalaman kumbaga? Tapos nakapasok ka doon at nag-explore ka ng mga ideas na nandoon. E paano kung di lang pala ikaw ang nandoon at may kaagaw ka sa idea na gusto mo? Sapakan na ‘to!

Sa dami ng naiisip ng tao, mula sa simpleng reklamo tulad ng naiingayan ka sa teacher mo hanggang sa pinakakomplikado tulad ng “Paano nagiging ebak ang pagkain?”, mula sa mga imbensiyon, bagong tuklas, bagong pag-aaral, at pesteng pagsagot ng 10×1 noong bata ka pa, nakamamanghang isiping galing lahat iyon sa utak ng tao.

Ayon sa kalkulasyon ng radioisotopes ng tambay na physicists sa amin, nagpapalit ang tao ng kanyang utak bawat taon (nang hindi mo namamalayan). At araw-araw, meron tayong 60,000 idea na iniisip/naiisip. Ang panget lang, 95% doon ay katulad kahapon.

Kung sakaling magawa mong makaisip ng 60,000 original idea bawat araw, putek, napakagaling na ng utak mo. Napakarami mo nang naisip na bagay mula sa pinakawirdo hanggang sa di-na-kayang-i-process-ng-super-computer-sa-sobrang-napaka-ultimate-weird na ideas. Pero paano nga ba napoproseso ang idea? At pare-pareho ba ang proseso na ‘yon sa bawat tao? Aba’y malay ko. Scientist ba ‘ko?

Sabi ni Sir Elbert noong huling-huling workshop namin, ang idea habang nasa utak natin, nabubuo ‘yan at akala natin, walang butas, walang loopholes, as in, buo talaga pero sa oras na isulat natin ang idea na ‘yon, mapupuna natin ang mga defect, mali, imperfection niyon. Gets?

Mula sa pelikula, soap opera, nobela, maiikling kwento, tula, kanta, sayaw, sining, imbensiyon, innovation sa technology, pang-aasar, lahat ‘yan ay galing sa “idea”. Mga cool, weird, at “ayos lang” na idea, d’yan nabubuo ang mga bagay na kinahihiligan ng tao.

Para sa akin, ang idea ay isang maliit na binhi na kapag naitanim mo nang tama, inalagaan ng tama, pinalaki at pinakain ng tama, inaruga’t minahal, magiging isang napakalaki’t magandang puno na mapapakinabangan mo at ng ibang tao.

Noong thesis namin, napakahirap mag-isip ng idea kung ano ang gagawin naming project para sa lintik na thesis na ‘yan. Kumbaga, kung kelan kailangan mong makaisip ng idea, saka naman wala kang mahagilap, walang maisip. Pang-asar ba. Pero pagdating sa kalokohan, ambilis at andami kaagad ang naiisip. Asteg.

May assignment kami noong huling-huling workshop. Kailangan kaming magbigay ng 50 ideas. Basta idea.

Bali noong una, ayos naman pero di nagtagal, hirap na akong mag-isip. Parang nilapa na ng leon ang utak ko. Ubos na kumbaga. Pero hindi naman ako tumigil mag-isip. Pinilit ko pa rin. Isinama ko na rin ang mga idea na naisip ko noon para may dagdag na kaagad. Pagdating sa workshop, sabi ko ke sir, di umabot ng singkwenta ang sa akin. Sabi niya, since hihintayin pa ang iba na dumating, dagdagan ko pa at kaya ko naman daw.

Pag-upo ko, hindi ko alam kung sa paanong paraan ako na-vortex pero nakaisip agad ako ng 11 na ideas, bale, naka-51 akong ideas at sa loob lang iyon ng ilang minuto! Putek. Namangha ako dahil sunud-sunod ang pag-iisip at pagsusulat ko noon. Parang may kung ano sa lugar na ‘yon na nag-magic sa akin na mag-isip ng idea nang walang humpay. Weird na kung weird. Basta idea.

Heto nga pala ang sampu sa limampung idea mula sa listahan ko:
1.    Paano kung tayo ang binibingwit ng mga isda?
2.    Paano kung papunta ka sa mundo’t panahon nina Ibarra at nagkagusto ka kay Maria Clara?
3.    Paano kung detachable ang parte ng katawan ng tao?
4.    Paano kung pwedeng i-modify ang sarili mo gamit ang computer?
5.    Paano kung may ilog ng pera?
6.    Paano kung maging totoo ang characters sa DOTA at manggulo sa mundo?
7.    Paano kung may “cheat codes” ang buhay? (Ninakaw ko ‘to sa kaklase ko nang hindi niya alam. Sshh)
8.    Paano kung may flash drive na naglalaman ng lahat ng kasagutan sa mundo?
9.    Paano kung bigla na lang may nabasa kang mensahe sa calculator habang nag-e-exam ka?
10.    Adventure ng mga nagsasalitang damit at underwear.

Naisip ko ang number 10 kasi naalala ko ang Cars at Toy Story 3. Isipin mo, biglang magsasalita ang damit mo habang pinaplantsa mo, o ang brip mo habang sinusuot mo. O kaya magrereklamo sa’yo ang bra dahil ano raw. ‘Yon.

O siya. Suminghot ka na nang malakas at malalim at baka makasinghot ka ng isang napakaganda’t walastik na idea.

Antaba ng utak mo!

P.S.
Maligayang kaarawan nga pala kay Sir Larry Alcala. Marahil sa dami po ng utak ninyo e napuno niyo na ng drawings ang pader ng langit. Lagot po kayo kay San Pedro niyan. Hehe.

Posted by andoyman at 10:52 am | permalink | comments[1]

Sana nga

Tuesday, August 17, 2010

sana pinangarap ko na lang maging mayaman kesa mag-komiks habambuhay.

sana hindi ko nalaman na ang “pangarap” ay hindi ang pangarap na “gusto kong yumaman”, “gusto ko ng mansiyon”, “gusto ko ng magarang kotse (na sampu ang gulong)”, “gusto kong sumikat” atpb.

sana naging katulad na lang ako ng karamihang tao na sa pagyaman, pagkakaroon ng mansiyon, pagiging sikat, pagkakaroon ng kotse, pagkakaroon ng hasyenda, o pagkakaroon ng sariling pamilya nakukuha ang kaligayahan. sana hindi ko nalaman na hindi “lang” sa mga iyon nakukuha ang “kaligayahan”.

sana hindi ko na lang nalaman ang mga nalaman ko ngayon.

sana kaya kong lokohin ang puso sa totoong gusto nito.

sana naging katulad na lang ako ng karamihan na maligaya na lang sa paulit-ulit na ginagawa araw-araw sa kanilang buhay.

sana hindi ko na lang pinipilit gawan ng paraan kung paano ko tutuparin ang pangarap ko.

sana mayaman na lang kami para mas madadalian akong tuparin ang pangarap ko.

sana noon pa man, nagtiwala na ako sa puso ko. sana hindi ako nakinig sa pagdududa o kagustuhang-sigurado-ang-lahat-ng-bagay ng utak ko.

sana naging mas matapang ako noon.

sana mas natakot ako sa riyalidad na idinidikta ng karamihan.

sana kaya kong sabihing masaya ako sa trabaho ko, sa ginagawa ko.

sana hindi na lang ako naniniwala sa sinasabi ng puso ko.

sana hindi ako natutong mangarap.

sana hindi na lang ako nangarap.

e di sana, hindi ako nahihirapan ngayon.

hindi dahil gusto kong matupad ang pangarap ko ay makasarili na ako, o hindi ko kayang pahalagahan ang buhay na meron ako ngayon, o hindi ko iniisip o kasama sa “pangarap” ko ang pamilya ko, o wala na akong pakialam sa paligid ko.

nangarap ako kasi ibinigay N’ya sa akin ang kakayahang mangarap at tuparin iyon. at naniniwala ako, na sa dulo ng daang tinatahak ko ngayon (na hindi ko noon tinahak at hindi ko pa rin lubos matahak ngayon) naghihintay ang pinapangarap ko.

sana alam ‘to ng mga mahal ko sa buhay, ng mga taong nakikita ko araw-araw, ng nakararaming Pilipino na mahalaga ang pagtupad sa pangarap kasi biyaya ‘yon, pero karamihan kasi, ipinagsasawalang-bahala na lang iyon at nagsasabi na lang ng “wala eh, ganon talaga ang buhay”. hay…

pasensya, may problema lang ako ngayon at sensitibo kapag “pangarap” na ang pinag-uusapan.

“Reality can destroy the dream; why shouldn’t the dream destroy reality?”

—George Moore

Posted by andoyman at 10:22 am | permalink | comments[1]

I Survived

Thursday, August 12, 2010

Nanonood ka ba ng palabas na I Survived sa channel 2? Ako kasi hindi. Patay na kasi ang tibi sa amin noon. Oras na para matulog…pero gising pa rin ako kahit tulog na silang tatlo: mama ko, daddy ko, at kapatid ko. Ang mga oras na ‘to ako tumitira ng gramu-gramong libag habang nakikipag-tsuk-tsak-an sa mga nilalang na hindi nakikita kasi di ko naman tinitignan. Ito ang mga oras na nakikipag-meeting ako sa kanila, ang oras na kausap ko ang sarili ko. Madalas ang mga pinagmi-meeting-an namin ay hindi ko naman ikukwento ngayon. Ang totoo, ichu-chorva ko lang ang tungkol sa mga near-death experience na naranasan ko sa buhay ko—in short, mga katangahan.

Mas maganda habang binabasa mo ‘to ay may nakatutok na kutsilyo sa teddy bear mo at nakikinig ka ng kantang I Will Survive at pinapasayaw mo ang kasambahay ninyo nang nakapatiwarik. Kumain ka na rin ng pop corn na hindi pa luto para mas masaya…pero straw-hin mo, ha?

Mula sa iskul hanggang sa payak naming mansiyon ay dinig na dinig ang nakakairitang boses ng aming principal. Langya. Naka-megaphone siya habang pinapapila niya nang maayos ang mga pasaway na estudyante. Parang MMDA Enforcer lang na nagtatalak. Field trip kasi noon at ayokong mahuli at mapag-iwanan kapag ganyan dahil naranasan ko na ‘yan. Nauna na akong maligo, kumain ng almusal at nag-ayos ng mga dadalhing gamit/baon para sa educational (kuno) field trip. Nagmamadali ako at hindi ko na magawang hintayin pa ang kapatid ko. Tutal susunod naman siya, nauna na akong umalis.

(Sayang at walang gasolina ang private jetplane namin para makarating sana agad ako sa mahigit-limang-minutong-lakad na layo mula sa amin hanggang iskul kasi wala naman kaming private jetplane kasalukuyang lumilipad iyon. At paano ‘yon lumilipad kung walang gasolina? Imagine-in mo na lang!)

Nagmistula ako noong si The Flash, hindi si Elorde o si Donaire kundi ‘yung superhero, ‘yung kulay pula, pero hindi si Santa Clause. Mabilis lahat ng kilos ko pati utak. Singbilis tulad kapag nagka-cramming ako sa (walang kamatayang) school projects at limang minutong review bago ang (sadistang) exam. Ang iniisip ko lang noon ay makarating sa iskul sa tamang oras at hindi mapag-iwanan ng mga estudyante at sasakyan naming bus. Kasi kapag gano’n, tatawagan ko ang NPA para kidnap-in silang lahat. Bumaba na ako ng hagdan. Naglakad papuntang gate. Lumabas. Tumawid. BOG!

Di ko namalayan na may ala-sports car na bumubusina kanina pa hanggang sa mabunggo na lang ang binti ko, pero hindi naman ako natumba. Parang natapik lang. Kaunting lingon lang ang naisukli ko sa drayber na bumunggo sa akin nagambala ko. Hindi ko alam kung nakapag-sorry pa ako. Pagkatapos, tuluy-tuloy lang ako sa paglalakad, kunwari di ‘yon nangyari. Pero kung sakaling mabilis ang patakbo noon, marahil nag-field trip na ako noon sa langit.

Nakakaloko minsan ang sarili ko dahil biglang kung anu-ano na lang ang naiisip ko. Halimbawa noong pare-refill-an ko lang ang gallon ng tubig namin sa may water refilling station. Habang binabagtas ko ang daan papuntang tarangkahan, pumasok sa isip ko na kung sakaling mamatay ako, mumultuhin ko ang inaanak ko para siya ang magpatuloy sa mga pangarap ko blah blah blah. Paglabas ng gate habang iniisip ko ang mga ganoong bagay, sabay tawid naman ako nang hindi tinitignan ang kaliwa’t kanan ko. Putek. Biglang napahinto at napabusina ang sasakyan ng baranggay dahil may isang lalaking biglaang tumawid sa harapan nila. Napalingon ang mga tao noon sa akin samantalang ako napangiti na lang sa katangahan at ka-absent-minded ko. Ano bang iniisip ko? Ang nasabi ko na lang sa sarili ko.

Mahirap na libangan sakit ang pagiging absent-minded dahil hindi mo nararamdaman ang nasa paligid mo kaya hindi ka agad makakapag-react o makakaiwas o makakasipat ng chicks. Hindi ko na maalala ang eksaktong oras, araw, buwan, at taon kung kelan madalas kusang kumakawala ang diwa sa sarili ko.

Madalas na lumilipad ang isipan ko kapag naglalakad ako, nakasakay ako sa bus/dyip/taxi/kabayo/space shuttle, nag-e-exam, nagtuturo ang prof, nakaupo sa isang sulok, nagrerebyu, nagso-solve, may kausap ako, nanonood ng boring na pelikula, play, o palabas sa tibi, nabuburyong, nagtatrabaho, at tumatae.

Pero bakit kelangang ma-absent-minded sa pag-inom ng tubig na naging dahilan pa ng ikatlong near-death experience ko?

Di ko alam kung absent-minded ako o kasama na rin doon ang katangahan. Basta bumili lang ako ng ice cream sa 7-eleven, pamatid init, at isang litro ng Absolute mineral water. Bumalik ako sa tinutuluyan naming magkaka-thesis groupmate, sa nirerentahang kwarto ng kaklase/ka-groupmate din namin. Nakita ko ang dalawa sa labas na pinipinturahan ang ginawa naming ID tray(na kinaumagahan, nalaman naming ninakaw na pala ng kung sino, pati konting piraso na kahoy, pinatos pa!). Pumasok ako. Umakyat. At inilapag ang bote ng tubig. Nang naubos ko na nag ice cream ko, kinuha ko ang bote ng Absolute at tinungga.

Anak ng putek!!! Hindi pala tubig ang iniinom ko kundi PCB developer (parehas kasing clear)! Salamat sa Diyos at mabuti na lang, ako ang tao na hindi agad lumalagok ng iniinom kundi iniipon ko muna sa loob ng bibig bago lagukin. Eh nakaramdam ako ng biglaang pag-init. Pumasok agad sa isip ko na hindi tubig ang iniinom ko kaya agad kong ibinuga iyon at bumaba para dumuwal, dumura, at pilit na sumuka(pero di ako nasuka).

Para sa iyong kaalaman, nakalalason ang PCB developer at kung sakaling nainom ko ‘yon, maaaring wala na ako. Tuwing naiisip ko ‘yon, natatakot pa rin ako. Hay… Salamat talaga ke Lord at buhay pa ako. Nawalan ako ng panlasa noon ng ilang araw. Mabuti’t gano’n lang.

Tinanong ako ng dalawa kong kasama kung ano ang nangyari at medyo natawa sila nang marinig. Nakwento ko/namin sa mga prof sa aming department ang nangyari sa akin at malakas ang tawa nila.

Kahit ako man ay natatawa na lang kapag naaalala ko ‘yon. Ilang araw pagkatapos nun, may nabalitaan akong isang nursing student na di sadyang nakainom ng formaline at nadeds. Medyo kinilabutan ako dahil naisip ko ulit ang nangyari sa akin. Kung saka-sakali, maaaring naging ganon din ang sa akin. Salamat talaga ke Bro.

Kaya mula noon, bukod sa lagi na akong ingat sa iniinom ko, di na ako bumibili ng Absolute dahil na-trauma na ako. Phobia na rin siguro.

Pero ang pinakamatindi ay noong kinombulsyon ako. Kinagabihan, nagising ang mga magulang ko dahil sumisigaw (yata) ako noon. Ang pakiramdam ko, humihiwalay ako sa katawan ko, lumilipad, at di kontrolado ang sarili. Alam kong nandyan sila at natatakot na. Alam ko rin na nilagyan ako ni Daddy ng kutsara sa bibig para hindi mag-lock ang panga ko at alam ko rin ang sinasabing dasal ni Mama na inuusal ko rin ngunit usal tulad sa isang bata. Tirik daw ang mga mata ko noon at nakadiretso’t magulo’t umiikot ang kamay at paa, parang sinaniban. Samantala, ako naman noon ay parang lumilipad papaitaas hanggang lumabas ako ng mundo at nasa kalawakan na.

Ang sabi nila e makakakita ka ng liwanag, di ba? Ako rin, nakakita. Pero walangya. Hindi ko alam kung bituin din ‘yon o liwanag talaga kasi nga nasa kalawakan ako. Basta ang nakita kong liwanag na gusto kong puntahan ay kulay pula! Putek. Ano kayang nandoon sa pulang liwanag na ‘yon? At bakit kulay pula, hindi puti? Maya-maya, nagpatulong sila kina Kuya Alex, pinsan ko, at kinarga ako patungong sasakyan para dalhin sa ospital. Nang malabas ako sa kwarto ay nasa sarili na ako. Gusto kong matulog noon sa sasakyan pero sabi ng pinsan ko, huwag. Pagdating sa ospital, tarantang binuhat at dinala ako ni Daddy sa pampasyenteng kama at agad na lumapit ang doktor. Nag-blah-blah sila na kesyo ii-scan ang utak ko ek-ek. Pero sa huli, binigyan lang ako ng biogesic.

Pag-uwi, umiiyak ang kapatid ko at pinapakalma siya ng asawa ng pinsan ko. Natulog ako sa pagitan nina Mama at Daddy at silang tatlo, kasama ang kapatid ko, ay magdamag akong binantayan. Kaya mula noon, hindi na ako nilalagyan sa tuktok ng ulo ng bimpo na may yelo upang hindi na maulit ang pagkokombulsyon ko. Hehe.

Hay…ansarap talagang mabuhay.

P.S. Muntikan ulit akong mabundol kanina dahil nakatingin ako sa magandang babae sa pagiging absent-minded. Tsk.

Posted by andoyman at 10:16 am | permalink | comments[1]